Chapter 35

44.8K 1.1K 249
                                    

Naka-titig ako sa kisame ng kwarto ng marinig ko ang pag-bukas ng pinto. Kahit hindi ko man tingnan ay alam kong si Nanay iyon. Mariin akong pumikit nang maramdaman ang pag-kirot ng puso ko.

Naririnig ko ang mga hakbang niya. Suminghap ako at tumingin na kay Nanay. Nag-bibihis ito at malamig ang ekspresyon ng mukha. Pagkatapos mag-bihis ng damit ay sinuklay nito ang maikling buhok.

"N-nay..." tawag ko. Mabilis niya akong sinulyapan at agad ding nag-iwas ng tingin.

Umikot si Nanay sa kabilang dulo ng kama at umupo. Nakatalikod sakin. Namumuo na ang luha sa mga mata ko habang nakatingin sa likod niya.

"Sorry po." Pumiyok ang boses ko. Lumunok ako para pigilan ang bumabara sa lalamunan ko.

Patalikod na humiga si Nanay sakin. Hindi ako kinibo. Rinig ko ang malalalim niyang hininga. Walang dalawang isip kong tinawid ang pagitan namin at niyakap siya patalikod. Ipinatong ko ang pisngi ko sa braso niya.

"Nanay..." umiiyak kong sabi. Hindi naman kumalas si Nanay sa yakap ko pero habang hindi niya ako pinapansin at kinikibo ay parang winawasak ang puso ko.

"S-sorry na p-po..." hikbi ko at suminghot-singhot. Naramdaman ko ang pagyug-yog ng mga balikat ni Nanay at nalaman ko agad na umiiyak na din siya.

"Natatakot lang p-po kasi talaga akong sabihin sainyo." Patuloy ko. Suminghot si Nanay at parang nilakumos ang dibdib ko sa isiping umiiyak ang Nanay ko. Mas lalong humigpit ang yakap ko sakaniya.

"H-huwag lang po sana ninyo k-kaming paghiwalayin ni Rocco. N-nay, mahal ko po siya." Sabi ko. Bahagyang gumalaw si Nanay, kita kong pinunasan niya ang kaniyang mga mata.

"M-mahal din naman p-po ako ni Rocco, Nay... hindi na po siya malupit sakin. Nag-bago naman na po siya, eh." Halos hindi na maintindihan ang sinabi ko sa hina ng boses ko. Pero alam kong rinig pa rin iyon ni Nanay.

"Mahal po namin ang isa't isa. Hindi naman po masamang mag-mahal, diba, Nay?" Tanong ko. Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa na baka sagutin ako ni Nanay.

"Unang pagkakataon ko pong mag-mahal ng lalaki. Pagmamahal na sana ay una kong naramdaman sa Tatay ko." Suminghap ako nang biglang sumikip ang dibdib ko. Kasabay nang pag-hinga ay ang pagharap sakin ni Nanay at pag-yakap sakin. Malakas akong napa-iyak.

"P-pasensya na po, Nay. Hindi ko lang talaga mapigilang mahulog kay Rocco."

"Sshh... tama na." Hinaplos ni Nanay ang noo ko. Napapikit din ako ng halikan niya ako dun.

"Alam ko, anak. Alam ko. Pasensya na kung hindi ka nabigyan ni Nanay ng A-ama." Humihikbing sabi ni Nanay.

"H-hindi kita masisisi kung naghanap ka ng pagmamahal sa ibang tao. Pasensya na kung hindi sapat ang pagmamahal ni Nanay para mapunan ang pangungulila mo sa ama mo." Humigpit ang yakap ni Nanay. Umiling ako sa sinabi niya.

"H-hindi po, Nay. Sapat ka na po para sakin. Sapat na sapat." Napapaos kong sabi. Mapait na ngumiti si Nanay at hinagkan ang noo ko.

"Hindi kita pinagbabawalang mag-mahal, anak. Hindi ko sinasabing hiwalayan mo si Rocco. Hindi ko magagawang kunin sayo ang kasiyahan mo..." bulong ni Nanay. Tumango ako at hinawakan ang kamay niyang nakapatong sa ulo ko.

"Natatakot lang si Nanay para sayo. Natatakot akong masaktan ka. Natatakot ako na baka dumating ang araw at mabigo ka. Ayokong makita ang anak kong nasasaktan dahil lang sa lalaki. Ikamamatay ko ata iyon, Dwayne." Pumiyok ang boses ni Nanay. Ang naninikip kong dibdib ay mas lalong sumikip sa narinig. Bakit nga ba napaka-sakit makita at marinig ang Nanay mong umiiyak? Lalo na't kung dahil sayo?

The Jerk and the Transgender (Hot Trans Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon