PROLOGUE

1.6K 56 23
                                    

Malamig ang simoy ng hangin sa madilim na kakahuyan ng Tiwis sa Kaharian ng Eudhoria. Panahon ng pagkatunaw ng mga yelo sa mga nagtataasang mga kabundukan kaya nanonoot hanggang buto ang tindi ng lamig na dinadala ng hangin maging sa loob ng kagubatan. Nagsimula na sa pagtubo ang mga halamang pansamantalang natulog sa ilang buwang pagkabalot ng yelo sa mga kagubatan. Ang pagsibol ng mga malalagong dahon sa mga puno ay nagbigay sigla rin sa mga panggabing ibong masisigla sa kanilang paglipad.

Kabilugan ng buwan ng gabing iyon at tila isinaboy sa kalangitan ang mga nagkalat na mga nagkikislapang mga bituin na lalong nagpatingkad sa napakatahimik na gabi. Matiyagang nagmamatyag naman ang nilalang na Lawu sa isang malalim na lawa at walang kakurap-kurap na pinagmamasdan ang buwan sa kalangitan. Tila nang-aakit sa kanya ang napakaliwanag na mukha ng buwan at di magawang alisin man lang ang mga mata nito sa mamula-mulang liwanag na namumula rito.

Sa pusod naman ng kagubatan ay isang pares na paa ang maingat sa kanyang paglalakad patungo sa kinaroroonan ng mga grupo ng mga mandirigma na maagang ipinahinga ang mga pagod nilang mga katawan sa malalapad na bato malapit sa kuweba. Marahan ang mga paang tila inililipad ng hangin na hindi man lang dumidikit ang mga ito sa lupa, kasabay ng maiitim na usok na gumagapang sa pinakasahig ng kagubatan. Tila may sariling isip ang usok na kusang sumusunod sa babaeng nakabalabal ang katawan ng itim na tela na hinahanap ang pinakamabilis na daan papunta sa grupo ng mga mandirigma.

Inililipad-lipad ng hangin ang kulay mais na mahabang buhok at itim na telang nakabalabal sa buong katawan ng babae. Sa kamay nito ay ang bola ng mapanglaw na ilaw na ginagamit niya para makita ang dinaraanan sa gitna ng napakadilim na kagubatan.

Sa tabi ng mga naglalakiang mga bato ay piniling magpahinga ng mga mandirigmang engkanto. Dalawa sa mga ito ay may kakaibang kakayahan at dugong nananalaytay sa kanilang katawan, habang ang isa ay dugong mortal pero nasa huling kabanata ng kanyang buhay sa Sanlibutan. Galing sila sa isang napakalayong paglalakbay at kailangan nilang makarating sa isla ng Culiat bukas ng umaga. Apat sa mga kasama ng mga ito ay inatasan munang magbantay para sa magdamag na pamamahinga ng dalawang babaeng mandirigma. Napakabata pa ng gabi ng mga sandaling iyon at halos kakatapos pa lamang ng kanilang hapunan. Pero minabuti na nilang ipahinga ang kanilang mga katawan dahil maaga pa ang gagawing paglalakbay kinabukasan.

Nagsilbing ilaw nila sa kadiliman ng kagubatan ang mga nagliliwanag na mga uod na nakuha nila sa nadaanang kuweba sa gubat. Inilagay nila ang mga ito sa isang malinaw na bote at saka ipinatong sa isa sa mga malaking bato sa paligid. Alam nila na lubhang mapanganib ang kagubatan lalo na kapag gabi kaya iniiwasan nila na makagawa ng bagay na puwedeng makuha ang atensiyon ng mga mababangis na nilalang na nakatira sa masukal na kagubatan.

Tahimik na nagbabantay ang apat na mandirigmang engkanto sa paligid ng kung saan nila piniling magpahinga at magpalipas ng gabi. Nakatoka silang papalitan ang tatlo nilang kasama pagsapit ng madaling araw. Parehong matatangkad at matipuno ang kanilang mga katawan, matutulis ang dulo ng mga tenga na bumabagay sa mahaba at kulay pulang buhok. Napapalamutian ng matibay na kulay berdeng metal ang kanilang mga katawan upang magsilbing proteksiyon sa mga sandata ng mga kalaban. Magagaan ang mga metal na ito na lapat na lapat naman sa kanilang katawan hanggang sa suot nila sa kanilang ulo.

Naka-alerto ang kanilang mga sarili sa ano mang posibleng mangyari habang naroroon sila sa kagubatang iyon. Dalawa sa mga kanila ang nagpaalam para rumonda at magmatyag sa kabuuan ng kapaligiran, habang ang tatlo ay halos hindi gumagalaw sa pagkakatayo sa paligid.

Sa isang malapad na bato ay doon muna nagpahinga ang isang mandirigmang babae na nakatulog kaagad pagkatapos siyang gamutin ng isang babaylan. Nagkaroon ng matinding pinsala sa kamay ang mandirigmang babae dahil sa pakikipaglaban sa mga anak ng buwan habang binabagtas nila ang kagubatan ng Tiwis. Matyagang binabantayan ng babaylan ang babae at dinadasalan niya ito ng mga orasyon para makatulong sa kalagayan ng nito.

ODESSA'S REDEMPTION: Games Of The Gods (Odessa's Redemption Trilogy Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon