1. Brielle

17.7K 415 84
                                    

Isang babae at lalaki ang nakatayo sa isang gilid ng cafeteria malapit sa fridge at food counter. Nakaputing long-sleeve at itim na necktie ang lalaki habang ang babae ay kaswal na blouse at jeans ang suot.

"Ano, Brie... Ilang buwan ka nang zero-lovelife ah?" Komento ng kasamahan ni Brielle na si Mario. Nakapatong ang isang siko nito sa isang water dispenser habang hawak sa isang kamay ang mug ng kape.

Coffee-break nila.

"'Yan ka na naman... Love-life ko na naman ang napagdiskitahan mo," ani Brie at humigop ng kape. Ramdam niya ang tila pagdaloy ng ginhawa sa sintido niya. Creamy and strong, iyon ang preferred niyang timpla ng kape. Pampabuhay ng dugo. 

"Matagal ka na ring bakante. Huwag mong sabihin na affected ka pa rin sa break-up ninyo ni Zabrina? Tagal na no'n, bro."

Napangiwi si Brie. Parang mas lalong pumait ang kapeng iniinom niya sa pagbanggit ng kaibigan sa ex- girlfriend. Tatlong taon din kasi silang naging magkasintahan ni Zabrina. Nagkahiwalay sila dahil nafall-out na daw ito sa kanya. Nahirapan siyang maka-move-on dahil doon. Ikaw ba naman ang in-love na in-love sa partner mo, tapos sasabihing nafall-out na sa 'yo.

"Huwag mo na ngang binabanggit pa ang pangalang 'yan," asar na turan ni Brie.

Napailing si Mario. "Tingnan mo 'to. Bakit kasi hindi ka na mag-girlfriend ulit para makaget-over ka na sa kanya. Pormahan mo na kaya si Trish. Hanggang patingin-tingin ka na lang ba? At 'wag kang mag-deny. Madalas kitang mahuling nagnanakaw ng tingin."

Si Trish ay ang pinakamaganda sa mga kasamahan niya sa movie production na pinagtatrabahuan.

"Gago. Straight 'yon. Alam mo namang hindi ako pumapatos ng straight," agad na kontra ni Brie.

Siya si Brielle Yulo, isang certified lesbian. Bagay na labis na ipinanghihinayang ng mga kalalakihan sa kanila. Maganda kasi siya, makinis at maputi. Kung hindi lang sa maiksi niyang buhok at boyish na galaw ay walang mag-aakalang lesbian siya.

"Kayang-kaya mong baliin 'yon, bro. Wala ka bang bilib sa charisma mo?" Pangungulit pa ng kaibigan.

"Alam mo, hindi ako ang tipo ng lesbian na gustong baliin lahat ng babae. I believe in balance. Kung maging lesbian lahat ng babae, sino pang papatol sa 'yo?" Pangangatwiran ni Brielle.

Natawa ang kaibigan. "Huwag mong masyadong alalahanin 'yon. Kayang-kaya ko din naman silang baliin eh. Ako pa ba?" Medyo mahanging turan nito.

Tinitigan ito ni Brielle. Likas talaga ang kayabangan sa lalaki pero may ipagyayabang din naman talaga. Malaking lalaki si Mario, macho at guwapito; at well-known ang pagiging babaero nito.

"Ayon... Umandar na naman ang kayabangan mo. Tigil-tigilan mo nga ako. Problema lang sa buhay ko ang mga straight na 'yan. Sa huli din naman 'yong hahanapin nila... t—, kaya huwag na lang, 'no!"

Tinalikuran na ni Brie ang kaibigan at naglakad papunta sa isang table at naupo. Naroon din ang iba pa nilang mga kasamahan.

"O, ba't ganyan ang mukha mo?" Si Devin na kapwa niya editor. Ini-adjust nito ang suot na salamin sa mata.

"Eto kasi..." turo ni Brie kay Mario, "kinukulit na naman ako sa love-life ko. Nag-i-enjoy pa kaya ako sa pagiging single."

"Nagmamalasakit lang naman ako, bro. Mahirap kaya ang mag-isa sa gabi... Malamig. Kailangan mo ng bed-warmer," anang lalaki na naupo na rin sa kabilang side dahil iyon na lang ang bakante. Anim silang naroon.

Kumuha si Brie ng isang piraso ng chip mula sa platong pinagkakainan ng mga kasamahan at ibinato iyon kay Mario. " 'lol! Puro kamanyakan talaga 'yang isip mo."

"Bakit? Nagsasabi lang naman ako ng totoo ah," pangangatwiran ni Mario. Bumaling sa katabing babae na may kulot at ginger na buhok. Inakbayan ito. " 'di ba, love... 'pag kailangan mo ng bed-warmer, nandito lang ako," ang wika sabay kindat.

Sarkastikang ngumiti ang babae — si Candy. Inalis nito ang kamay ni Mario na nakapatong sa balikat at bigla ay pinilipit iyon.

"Ah—ouch!" Daing ni Mario.

"Huwag mo 'kong dinadamay sa mga laro mo. Hindi ako kagaya ng mga babae mo," malumanay subalit may diing wika ni Candy bago bitawan ang kamay ng lalaki.

Tawanan silang lahat.

Pihikan sa lalaki si Candy at matagal na itong pinupormahan ni Mario ngunit hindi ito maka-score.

Napailing na lang si Mario habang ginagalaw-galaw ang nasaktang kamay. "Balang-araw, mahuhulog ka rin sa'kin," anito kay Candy na ikinaismid lang ng huli.

"Mahulog na 'ko sa kanal, huwag lang sa 'yo," nakaingos na wika ni Candy.

"Wala ka pala, bro," si Brie na natatawa, "mas charming pa sa 'yo ang kanal."

Ang lakas ng tawa ng mga kasama nila sa mesa.

"Grabe kayo sa'kin..." Si Mario, "at least hindi naman ako mukhang kanal. Mas mahirap 'yon. Pa'no na lang ang mga chika-babes ko..."

"Ayon..." Si Candy na ibinaba ang sariling mug, "tapos umaasa kang magugustuhan kita? Neknek mo."

"Ikaw naman... Huwag kang mag-aalala, kung magiging tayo... magiging loyal ako sa 'yo," ani Mario.

"Hindi ko kailangan ng loyal, gusto ko faithful," sagot ni Candy.

Napailing na lang si Brie sa palitan ng dalawa. Tingin niya kasi ay talagang in-love si Mario kay Candy. Loko-loko lang talaga si Mario at hindi magawang magseryoso sa isang babae.

" 'Di ba parehas lang 'yon?" Tanong ng isa pang lalaki sa kanila na si Clyde.

"Magkaibang bagay 'yon," si Candy, " 'Yong loyal, maaaring iisa lang ang mamahalin pero maghahanap pa rin ng iba; at 'yong faithful, you'll love and stick to one person only at hindi ka na maghahanap ng iba."

"Ahh...." Halos sabay-sabay na reaksyon ng mga kasamahan.

"O... ngayon, alam mo na, Mario," si Devin.

"Parang ang hirap naman yata no'n," turan ng lalaki.

"Gago talaga 'to, eh..." Komento ni Devin na napailing.

Bigla ay sinitsitan ni Mario si Brie. "Pst... Bro, andiyan na si Trish," nguso nito sa isang babaeng kapapasok lang ng cafeteria at naupo sa bandang likuran nila.

Napalingon naman si Brie. Nakita niya ang isang babaeng nakapant-suit. Nangingintab ang blond nitong buhok na halos umabot sa baywang ang haba. Ang katawan nito ang tipong paglalawayan ng mga manyak na lalaki — makurba at sexy. Napakaganda din ng mukha nito. The woman is a certified head-turner.

Biglang tinapik ni Mario sa braso si Brie. "Ano... Naglalaway ka na riyan. Huwag ka na kasing patorpe-torpe. Lapitan mo na," panunudyo nito.

"Gago," mura ni Brie sa kaibigan, "hindi ako kagaya mong aso. At magunaw na ang mundo, hinding-hindi ako papatol sa straight." Bumalik na lang siya sa pag-inom ng kape.

"Mag-iingat ka, bro... Baka kainin mo ang sinabi mo," banta ni Mario.

















----

Faithful ba kayo o loyal? 😄😄

— A.

Straight-phobia (GirlXGirl)[Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon