Chapter 3

29.6K 385 12
                                    

NOTE: Any historical inaccuracy is my fault and shall be remedied at final editing. Kung hindi man po maisaayos ang mga hindi tumpak na impormasyon tungkol sa kasaysayan ay mayroong maiiba sa concept ng istorya. Baka gawin kong parallel dimensions, rather than time travel. We shall see, as I don't want to bastardize history. This will not affect the story as a whole, don't worry.

For now, read on.

---

"Papa?" Agad na nag-alala si Concepcion sa lagay ng ama nang makita itong nakahawak sa dibdib. Naglalakad sila sa hacienda, tulad ng araw-araw nilang ginagawa para ito ay magkaroon ng ehersisyo. Kung hindi niya sasamahan ang matanda ay hindi ito mag-aabalang mag-ehersisyo.

"Wala ito, anak," anito, bahagyang nakangiwi.

Agad siyang nag-alala at pinaupo ang matanda sa damuhan. Mayroon siyang bitbit na bote ng tubig at pinainom niya iyon dito. Pero bago pa man umabot sa mga labi nito ang tubig ay tumimbuwang na ito sa lupa.

Habang nasa lupa ay sinabi nito, "Anak... kunin mo ang relo sa bulsa ko."

"Papa, mamaya na—"

"Kunin mo," mariin ang tinig nito, kahit halatang hirap na.

Kinuha niya ang isang relong palaging nasa bulsa ng pang-itaas ng matanda. Saanman ito magpunta ay palaging dala ang relong iyon. Inilagay niya ang relo sa kamay ng matanda, pero hinawakan nito ang palad niya at ipinasa sa kanya ang relo.

"Itago mo ang relong ito, mahal kong anak. Dadalhin ka nito sa mga lugar na hindi mo kailanman nailarawang-diwa man lamang." Isang mahinang pisil sa kamay at nabitiwan na nito ang kanyang kamay, kasabay ng pagpikit ng mga mata.

"Papa!" sigaw niya, pilit ginigising ang matanda pero ayaw na nitong magmulat. "Papa!" muling sigaw niya, hindi malaman kung ano ang gagawin. Ayaw niya itong iwan pero kailangan. Mabilis niyang ipinasok ang relo sa bulsa ng saya, saka tumakbo pabalik sa direksiyon ng bahay, hawak ang magkabilang tagiliran ng saya para hindi matalisod sa daan. Mayamaya ay may nakita na siyang tauhan ng hacienda, si Pedro, na agad niyang tinawag, kinawayan. Nang makuha ang atensiyon ni Pedro at tumakbo ang lalaki patungo sa kanya. Sumigaw siya kasabay ng pagmuwestra gamit ang kamay, "Ang kabayo! Mabilis!"

Dalawa na silang tumatakbo ni Pedro sa iisang direksiyon. Mayamaya ay nakita niyang nakarating na sa kuwadra si Pedro. Tumigil na si Concepcion sa pagtakbo, hinahapong maigi, halos maduwal sa kakulangan ng hangin. Narinig niya ang takbo ng mga kabayo. Paglingon ay nakita niya si Pedro na sakay ng kabayo, habang hawak ang renda ng isa pa. Nang makarating sa tapat niya ay agad siyang sumakay sa kabayo.

"Hiya!" sigaw niya. Mahusay siyang mangabayo. Mula pa noong siya ay bata, pinaturuan na siya ng ama na sumakay doon. Nakahiligan niya ang pangangabayo. Siguro, noon pa man ay may kung anong panghalina na sa kanya ang ideya ng kalayaan—ng kawalan ng tanikalang nakakapit sa mga kamay at paa.

Nang marating niya ang ama ay nagpatulong siya sa tauhan na isakay ang matanda sa kabayo. Napaluha na siya dahil wala nang malay ang matanda.

"Senyora," ani Pedro. "Pasensiya na, Senyora, pero wala na siya."

"No! Hindi! Hindi!" sigaw niya, pilit hinihigit ang balikat ng ama para bumangon ito. Sigurado niyang babangon ang matanda. "Papa, pakiusap, bumangon ka. Pupunta tayo sa doktor. Papa!"

Iniwan siya ni Pedro at maingat na ihiniga ng lalaki ang matanda sa damuhan. Dinama ng lalaki ang pulso ng matanda sa galang-galangan, sa leeg, sa dibdib. Nilingon siya nito, umiling, "Wala na siya, Senyora, ikinalulungkot ko."

"No!" sigaw niya, pinulsuhan ang matanda, pero wala siyang madama dahil sa matinding emosyon. Hindi niya maawat ang mga luha sa pagbuhos. Hindi totoo ang lahat ng ito. "No!"

Napahagulgol na siya sa kanyang mga palad, ngunit saglit lang dahil sinabi niya kay Pedro, "Tulungan mo ako. Dadalhin natin siya."

"Senyora—"

"Gawin mo na lang ang ipinag-uutos ko o kaawaan ka ng Diyos, Pedro!" singhal niya.

Natauhan naman ang lalaki at magkatulong nilang binuhat ang matanda para maisakay sa kabayo sana pero hindi nila ito kaya dahil kailangang isa sa kanila ang nakasakay sa kabayo. Lalo nang napaiyak si Concepcion dahil talagang wala nang kusang galaw ang kanyang ama, pero ayaw tumimo sa isip niya na wala na ito. Paano mangyayaring wala na ito? Hindi pa siya nakapagbibigay ng apo sa matanda, tulad ng kanyang pangako.

"Tumawag ka ng madaming kasamahan, Pedro. Bilisan mo!" aniya.

Tumalima ang lalaki. Naiwan siyang hawak ang kamay ng ama, habang ang ulo ay nasa kandungan niya. Nakikiusap siya rito sa kanyang isip—na sana ay huwag itong nagpaalam, na madami pa silang gagawin sa buhay, na madaming umaasa dito sa kanilang lugar, na madami pa itong magagawa para sa napakaraming tao.

Pero napansin niya ang pag-iiba ng kulay ng mga labi ng matanda. Dahan-dahang tumitimo sa isip niya ang katotohanan at sa bawat sandali ay lalo nang lumalakas ang kanyang hagulgol.

Nang dumating ang mga tauhan ay nakita niyang may kasunod ang mga itong karwahe. Unti-unti ay nagsisidatingan ang mga tauhan, kabilang na sina Ginoong Castro at Esteban. Nakita niya ang lungkot sa mga mata ng lalaki at hindi man lamang ito makalapit upang damayan siya dahil napakadaming tao, magiging malaking eskandalo iyon. Mas pag-uusapan kaysa sa pagkawala ng butihing don at gobernadorcillo ng bayan.

Nagtulung-tulong ang lahat para maisakay ang don sa malaking karwahe. Katabi ni Concepcion ang ama, habang sa kabila ng matanda ay naroon si Ginoong Castro. Tuluy-tuloy lang ang pag-agos ng mga luha ni Concepcion habang hawak ang malamig na kamay ng ama. Imahinasyon lang ba niya ang pag-init ng relo sa kanyang bulsa? Sa kapal ng kanyang saya at pangloob ay bakit nadarama niya ang init na nagmumula sa relo? Ang relong iyon lang ang laman ng kanyang bulsa.

Ah, imahinasyon marahil. Sa labis na hinagpis ay kung ano-ano na ang naisip niya. Para siyang mababaliw sa sakit. Ganoon na lamang ay iniwan na siya ng ama at ngayon ay nag-iisa na lamang siya sa mundo.

___

Don't forget to vote and comment. You may also like my page:

facebook.com/vanessachubby

facebook.com/theromancetribe

Thanks!

Beyond TimeWhere stories live. Discover now