Chapter 10

19K 307 10
                                    

HAYUN ang lalaki sa isip ni Concepcion, malinaw niyang nakikita, sa gitna ng kamalig. Para bang hawak nito ang liwanag mula sa langit dahil perpekto ang paglapat niyon mula sa bintana patungo sa katawan nito. Sa perpektong katawan nito. Pero kahit napakaliwanag, mayroon pa ring aninong nagkukubli sa mukha ng lalaki, tulad ng nangyayari noon pa.

Nasa isang malaking lubluban ang lalaki, lublubang kulay-itim at tila gawa sa bato. Parang inukit ang bato. Sino ang lalaki? Sa pagkakataong ito ay magkakakilala na ba sila? Kung minsan ay gusto niyang mainis sa lalaki na nagawa nitong hawakan siya sa paraang walang ibang lalaki ang makakagawa... kahit pa nga hindi iyon totoong paghawak dahil wala ito roon.

Nagsawa na siyang alamin ang totoo, nagsawa nang isiping darating ang panahon kung kailan makikilala rin niya ang lalaki. Ang tagal na niyang inaabangan ang panahon kung kailan matututunan niyang gamitin ang orasan pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin niya alam. Naikonekta niya ang lalaki sa orasan dahil na rin sa una niyang karanasan doon, nang makilala si Danielle. Kung minsan ay naiisip niyang hindi totoo ang lahat, na bahagi lang iyon ng kanyang imahinasyon. Baka nababaliw na siya. O baka mayroong kung anong maligno ang gumagawa ng lahat ng ito sa kanya.

Kung noon ay palagi siyang nag-aalangang lumapit sa lalaki, ngayon ay sanay na siya. Pero sa halip na lumapit ay nagtungo siya sa imbakan ng suka. Mayroon siyang dalang basket ay ipinatong niya iyon sa mesa.

Napabuntong-hininga siya, gustong magalit sa kusang pag-iinit ng katawan. Sa tuwing nasa tabi ang lalaki ay ganoon ang nadarama niya. Paano pa siya makakapagtrabaho kung palaging ganito? Isa pa ay hindi niya gusto ang ideya na hindi niya ito kilala.

"Maaari bang umalis ka na?" sambit niya, hindi nililingon ang lalaki. Noon lang niya naisip kausapin ito. Siguro dahil noon lang sila nagkaroon ng ganitong pagkakataon dahil kadalasang wala siyang saplot kapag nagpapakita ang lalaki, kundi man ay hinahagkan o hinahaplos nito... sa ibang katawan. Parang siya ang nanghihimasok, na parang hindi.

"Are you talking to me, honey?"

Ah, hindi Pilipino ang lalaki. Kung ganoon ay bakit kayumanggi ang kulay ng balat nito? "Isa ka bang Pilipino?"

"Well, yes."

Hinarap niya ito. "Bakit nagkakausap tayo ngayon?"

"Hindi ko alam. Pero malinaw. Napakalinaw."

"Nakikita mo ba ang mukha ko?"

"No. I don't even hear your voice but I understand what you're saying."

Naiintindihan ni Concepcion kung ano ang sinasabi ng lalaki dahil ganoon din siya. Hindi niya eksaktong naririnig ang tinig nito pero alam niya kung ano ang sinasabi. Isa iyong paraan ng komunikasyon na noon lamang niya naranasan dahil lahat naman sa lalaking ito ay bago sa kanya.

"Totoo ka ba?" tanong niya.

Tumawa ito. "Ako yata ang dapat magtanong sa 'yo niyan. Sino ka at bakit nasa isip kita? Do you represent a dream I haven't realized yet, like what my shrink suggested? Are you an unfulfilled sexual fantasy perhaps? What are you, honey? Come on, tell me, so I can move forward."

Malaking palaisipan kay Concepcion kung sino ang lalaki sa hinaharap, kung doon man ito galing. Bakit hindi siya nito nakikita nang buo at ganoon din siya rito? Kung galing ito sa hinaharap ay bakit hindi ito tulad noong babaeng nakita niya noon, si Danielle? Ano na nga pala ang nangyari sa babae, bakit nawala na? O baka hindi na naisipang bisitahin siyang muli, o ang taon na iyon?

"Ano'ng pangalan mo?" tanong niya.

"Tell me yours first."

"Ako ba ang kausap mo?"

Beyond TimeWhere stories live. Discover now