Chapter 31

15.2K 302 8
                                    

"WALA KANG dapat ipaliwanag sa akin, Concepcion."

Napaluha si Concepcion habang kausap si Esteban. Kasama niya si Knox, tig-isa sila ng kabayo patungo sa bahayan kung saan kinatok niya ang bintana ng silid ni Esteban. Hindi pa siya nakakapasok sa silid nito pero doon ito pumupuslit kapag magpupulong ang samahan kaya alam niyang iyon ang silid ng lalaki.

"Mayroon, Esteban, at alam mo iyan," aniya, bahagyang pumiyok ang tinig. Pakiramdam niya ay isa siyang basura. Nawala ang kanyang dignidad. Hindi na nga niya kailanman naiharap sa kahit na sino si Esteban ay tinraydor pa niya sa paraang ganoon. Walang babala, nakita na lamang nitong mayroon na siyang kasama sa bahay. Oo at walang nangyari sa kanila ni Knox pero hindi pa rin iyon sapat para hindi sumama ang loob ni Esteban. Anong klase siyang nobya para kalimutan na lang bigla ang lahat ng kanilang mga pangako at pinagsamahan?

"Siguro matagal na ring natapos ang lahat sa atin, Concepcion," anang lalaki. "Pareho nating alam na langit ka at lupa ako. Sige na, umuwi ka na. Hinihintay ka ng mapapang-asawa mo. Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit siya pumayag na samahan ka pa rito. Wala kang dapat ipag-alala sa akin, Concepcion."

"Let's go," ani Knox na ilang dipa ang layo sa kanila. Hindi niya alam kung narinig nito ang usapan o talagang nagyaya nang umuwi. Gusto niya itong singhalan pero naisip niyang baka dumating na rin si Ginoong Castro at tiyak na magtatanong ito kung ano ang kanilang ginagawa roon.

Umalis ang katiwala para sa ilang bagay na kailangang asikasuhin para sa hacienda at sinamantala iyon ni Concepcion para makausap si Esteban. Ayaw niyang madagdagan pa ang problema kaya pumayag siya nang sabihin ni Knox na sasamahan siya nito. Dapat ay kanina pa niya nakausap si Esteban, pero naghintay siya ng tiyempo kung saan wala nang makakita sa kanya kaya naghintay siyang gumabi. Kahapon pa nangyari ang malaking "eskandalo" nang makita ng lahat si Knox sa bahay.

"Esteban—"

"Concepcion, wala kang dapat alalahanin sa akin," anang lalaki, bahagyang ngumiti, pero halatang nagpipigil lang ng emosyon dahil namamasa ang mga mata nito.

Napakatindi ng nadama ni Concepcion na pagkakonsensiya. Paano pa kaya kapag nalaman ng lalaki na ilang panahon na siyang "nagtataksil" dito? Bukod sa nangyari noong nakaraan na aktuwal ay paano pa ang mga nangyari noong nakaraan? Ilang ulit. Oo at hindi iyon aktuwal pero ano ang ipinagkaiba? Nagtaksil pa rin siya. Ngayon ay pahiyang-pahiya siya sa sarili, nangliliit, nauunawaan na nakapanakit siya ng taong nagmamahal sa kanya.

"Esteban—"

"Let's go," giit ni Knox, nilapitan na siya at hinawakan sa braso. "Please just come with me. Don't make a scene."

Pumalag siya. "Bitiwan mo nga ako!"

"Concepcion," si Esteban. "Ang mabuti pa ay sumama ka na kay Ginoong Peralta. Malalim na ang gabi."

"Come," mariing sabi ni Knox.

Pumasok na si Esteban sa bintana kaya tumalikod na rin si Concepcion, masama ang loob. Noon lang siya nakaranas ng ganoon. Mahalaga sa kanya ang mga salita, ang mga pangako. Iyon ang itinuro sa kanya ng ama—ang magkaroon ng isang salita, na matutong tuparin ang mga pangako. At nagawa niya ang pagtraidor sa nag-iisang taong hindi siya kailanman iniwan.

Anong klase siyang tao? Hindi na bilang isang nobya, hindi na bilang isang kaibigan, kundi bilang isang tao. Anong klase siya para gawin ang ganoon? Bigla siyang napaluha, nakokonsensiya. Naglakad siya patungo sa kabayo.

Sumakay siya roon at nabigla nang sumakay din si Knox. Nilingon niya ito sa kanyang likuran. Walang sabi-sabi nitong pinatakbo ang kabayo. Hindi na lang niya ito tinanong dahil natabunan ang lahat ng tanong ng kanyang emosyon. Naririnig niya ang buntong-hininga ng lalaki.

"Ano'ng problema mo?" tanong niya, gustong mainis.

"Wala akong problema. Ikaw ang may problema." Bakas sa tinig ng lalaki ang inis. Nilingon niya ito at nakitang nakatingin ito sa kanilang dinaraanan, nakakunot ang noo, halatang naiinis.

Hindi maintindihan ni Concepcion kung bakit naiinis ang lalaki. "Mukhang naiinis ka."

"I'm perfectly fine. Just cry all you want, as if that man is worth the tears."

"Ano'ng gusto mong palabasin?" Napipikon na siya sa lalaki. Kahit paano nabawasan ang kanyang pagluha dahil nangibabaw na ngayon ang kanyang pagkainis. Sino sa tingin nito si Knox para husgahan kung sino ang nararapat niyang iyakan at hindi? Bakit naiinis itong umiiyak siya?! Ano ang tingin nito sa kanya, bato? "Hindi ko alam kung anong klase kang tao sa pinagmulan mo, pero mukhang hindi kita magugustuhan."

"Oh, yeah? Is it because I'm not short enough?"

"Talipandas—"

"Or not ugly enough?"

"Napakasama—"

"Or not poor enough?"

Siniko niya ito sa pagkainis. Nasamid ang lalaki, at sinamantala niya iyon para agawin ang renda dito. Pinabilis niya ng takbo ng kabayo. Naramdaman niya ang tensiyon sa lalaki. Base sa pagpapatakbo nito ng kabayo kanina ay nahalata niyang hindi ito eksperto doon. Eh, di kabahan na ito ngayon. Wala siyang pakialam.

Pero matindi rin pala ang pagmamataas ng lalaki dahil hindi man lang ito kumapit sa kanya. Mas pinili pa nitong kabahan at maya't maya ay mapasambit ng, "Holy fuck" at "shit" kaysa kumapit sa kanya.

Nang makarating sa bahay ay hinigit niya ang renda ng kabayo. Dahil sa bilis ng patakbo ay bahagyang tumaas ang dalawang unahang paa niyon.

"You witch!" anang lalaki bago lumungayngay sa kabayo, saka bumagsak sa lupa sa isang malakas na kalabog.

___

Vote, comment, share. Like my page on Facebook to show support: vanessachubby. Thanks.

PLEASE DON'T ASK FOR UPDATES. I WILL UPDATE WHEN ABLE.

Beyond TimeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon