Chapter 17

15.1K 276 13
                                    

"Kumusta ang hacienda, Binibini?"

Makita pa lang ni Concepcion ang pagmumukha ni Damian ay kumukulo na ang kanyang dugo. Gusto niya agad malaman kung ano ang sadya ng lalaki, sa gayon ay puwede na niya itong palayasin.

"Maayos naman. Nadalaw ka?" Na naman. Malayo pa ang araw ng singilan, gahaman.

"Napansin ko kasing napeste ang ilang pananim ko. Baka 'kako nangyari din sa 'yo. Mas magandang makita mo na agad bago ang anihan."

"Walang problema ang hacienda, pero salamat sa paalala. Ngayon, kung wala ka nang ibang sasabihin, makakaalis ka na."

Ngumiti ang lalaki, ngiting parang nakakaunawa kahit wala itong dapat unawain. Malinaw ang kanyang posisyon noon pa man. Iyon ang isa sa mga bagay na ayaw na ayaw niya sa lalaking ito, iyon bang parang sa tingin nito ay napakatanga niya ay madaming mga bagay ang hindi nauunawaan.

"Ipagpaumanhin mo, Binibini, ngunit ipapaliwanag ko lamang sana ang aking posisyon. Hindi magiging madali ang taong ito sa kahit na sino sa atin. Bukod sa problema sa pananim, ang sabi ay hindi rin magiging maganda ang panahon."

"At sino ang nagsabi? Kaya nilang hulaan ang lagay ng panahon buong taon?"

"Madami ang nagsasabi, Binibini. Kahit ang mga nanggaling sa Espanya. Hindi na tulad ng mga nakaraang taon ang panahon ngayon. Kahit ang buwan ay nag-iiba ng hitsura, kung hindi mo napapansin. Parang lumalapit kapag tinitingnan sa gabi."

Isang kahangalan, sa isip-isip ni Concepcion, pero sa halip ay sinabi niya, "Kung ganoon, salamat sa impormasyon. Paghahandaan namin." Itinaas niya ang mukha, nakadama ng matinding inis. Kung hindi lang niya ikasasama ay madali sanang kumuha ng latigo at patamaan ng isa si Damian. Hindi siya bayolenteng tao pero kung minsan ay gusto niyang saktan ang lalaki dahil sa panlalamang nito hindi lamang sa kanya, kundi maging sa kanyang ama. Ilang tao pa bukod sa kanila ang ginawan nito ng ganoon?

Dapat itong maparusahan, pero mailap ang hustisya sa mga taong tulad nitong ginamit ang salapi para mapalapit sa may kapangyarihan, kahit ang may kapangyarihan ay mapang-abuso rin sa mga kapwa nito. Ang mga tulad nito ang dahilan kung bakit alipin sila sa sariling bayan. Isa iyong bagay na siguro ay hindi mauunawaan ng lalaki dahil hindi nito alam na lumalakas na ang puwersang magtataob sa mga Kastila.

Iyon ang marubdob na inaasahan ni Concepcion, ang panahon kung saan mapaparusahan ang mga Kastila, at ang mga taong tulad ni Damian. Pansamantala, kailangan niyang kahit paano ay makisama sa lalaki.

"Pakaisipin mo ang aking alok, Binibini. Kung tatanggapin mo lang ang kamay ko, hindi ka na mahihirapan sa araw-araw. Hindi mo na kakailanganing kumilos, dahil bibigyan kita ng kahit ilang kawaksi at alalay pa ang kailangan mo. Makakapaglakbay kang muli sa kahit saan mo gusto." Tumaas ang isang sulok ng labi nito. "Alam ng buong bayan kung gaano katindi ang paghanga ko sa 'yo. Pabayaan mo akong ipakita sa kanila na itataas kita sa pedestal."

Sa puntong iyon, sa totoo lang ay bahagyang nagtaka si Concepcion. Noon pa niya alam na gustong-gustong makuha ng lalaki sa lupain pero ngayon ay hindi niya alam kung ano ang motibo nito. Bakit parang higit pa sa inaasahan ang ibinibigay na papuri ng lalaki sa kanya? Ano ang mayroon sa hacienda at ganoon na lang pag-asam doon ng lalaki?

"Tandaan mo, Binibini, hindi ka na bumabata," pagtatapos nito mayamaya. "Sa palagay ko ay hindi ka na puwedeng muling magpakilala sa lipunan, dahil nagawa na iyon ng iyong ama noon."

Gusto niyang singhalan ang lalaki. Natural na naipakilala na siya ng ama noon pa man dahil isa iyong tradisyon. Pinagbigyan lang niya ang ama dahil noon pa ay may usapan na sila na hindi siya magpapakasal nang dahil lang sa iyon ang inaasahan sa kanya ng lahat. Pinagbigyan lang niya ang ama dahil alam niyang nag-aalala itong baka may masabi ang lahat kung hindi nito gagawin ang obligasyon bilang magulang na ipakilala sa lahat ang anak na dalaga.

Noong nagawa ng kanyang ama iyon, madaming kalalakihan ang nagkaroon ng interes pero umalis siya patungong Espanya, kasama ang isang tiyahin. Ang totoo ay mayroon pa rin siyang kamag-anakan sa Espanya pero hindi sila malapit at mababa rin ang tingin sa kanya dahil isa lamang siyang mestiza.

"Maraming salamat sa pagbisita. Madami pa akong kailangang gawin." Naglakad na siya patungo sa pinto at nilakihan ang awang noon.

Bahagyang itinaas ng lalaki ang sombrero nito nang mapatapat sa kanya, saka tumuloy na. Muntikan na niyang naibalagbag pasara ang pinto. Sadyang may mga taong masasama ang ugali, ano ang kanyang magagawa?

Pabalik na sana siya sa kusina nang makarinig ng tinig na dahilan para manigas siya. "And who the hell was that?"

Agad siyang napatingin sa kusina kung saan naroon si Trinidad. Nang makitang abala pa rin ang babae sa ginagawa at halatang walang narinig ay agad niyang nilapitan ang lalaki na nasa hagdan.

"Nababaliw ka na ba?" aniya sa mariin ngunit mahinang tinig. "Gusto mo bang makita ka ni Trinidad?"

"Sinong Trinidad?"

"Kasama ko dito, may ginagawa kami sa kusina."

"This is fucking boring. I need to go out."

"Iisip ako ng paraan kung paano pero parang awa mo na, bumalik ka muna sa taas. Hindi ko kayang ipaliwanag ang presensiya mo. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nila sa 'yo kapag nakita ka nila."

"I don't understand that."

"Ano ang hindi mo naiintindihan?" buga niya, eksaksperada.

"Sino ba ang sinasabi mong gagawa sa akin ng masama at bakit?"

"Mamaya ko na ipapaliwanag. Bumalik ka na muna sa kuwarto."

"Fine." Pumihit ito. Noon lang napansin ni Concepcion na suot ng lalaki ay bagong damit ng kanyang ama. Mukhang naghalungkat ito sa kanyang silid dahil doon niya dinala ang isang malaking baul ng damit ng dating don ng hacienda.

Mukhang mahihirapan siyang awatin ang lalaki sa gusto nitong gawin. Mukhang wala itong pakialam. Puwes, mamaya ay magkakaroon ito ng pakialam kapag nalaman kung ano ang totoo.

Nagtungo siya sa kusina at imbes na magpatuloy sa ginagawa ay kumuha ng makakain at inilagay ang mga iyon sa isang malaking tray. "Sa kuwarto na lang ako kakain, Trinidad. Babalik ako pagkatapos."

Tumango ang babae kahit parang mukhang nagtaka. Tumuloy na siya sa silid, panay ang buntong-hininga. Kailangan niyang patahimikin ang lalaki. Mukhang lalabas na naman ito kapag nagutom kaya aagapan na niya. Nang makapasok ay ibinaba niya ang pagkain sa mesa.

"Heto ang pagkain mo. Baka lumabas ka na naman kapag nagutom ka. Kailangan mong maintindihan na mukha kang Kastila."

"I don't. I look like you."

"Mestizo ka, pareho tayo. Hindi pamilyar sa 'yo ang samahan. May samahan na lumalaban sa mga Kastila, naiintindihan mo?" Naisip niyang kapag nalaman iyon ng kahit na sino ay madaming madadamay pero hindi puwedeng hindi niya sabihin kay Knox. Kailangan nitong maintindihan ang lahat nang sa gayon ay hindi nito makita ang sarili na nakapagitna sa lahat ng komplikadong bagay.

"Okay. I get it." Nagsimulang kumain ang lalaki. "I just don't understand why you can't introduce me to them. Sabihin mo na asawa mo ako."

---

Like what you read? Vote, leave a comment, share so others may read it as well. Like my FB page to show support as well: facebook.com/vanessachubby

Thanks!

Beyond TimeWhere stories live. Discover now