Chapter 13

16K 260 7
                                    

"Ha?"

Bago pa ito makasagot ay nakita na niya mula sa abot-tanaw ang mga sulo, bitbit ng ilang kalalakihang patungo sa kanyang bahay. Hindi na nagsalita ang lalaki at tumalilis na pataas ng bahay. Halos tulala lang si Concepcion, hindi alam kung ano ang gagawin. Mayamaya ay naroon na sina Esteban.

"Señora, dito namin nakita ang magnanakaw," ani Esteban.

"Sinong magnanakaw?" tanong niya.

"Isang mestizo. Nakita namin kanina malapit sa kuwadra. Mabilis siyang tumakbo at nagtago sa dilim."

"Hindi iyon mestizo," kontra ng isang tauhan. "Isang Kastila."

"Sa palagay ko'y hindi iyon isang tao," anang isa pa. "Masyadong mabilis kung kumilos para maging isang tao."

"Isang kapre, pakiwari ko," anang isa pa.

Mukhang hindi malinaw sa mga ito kung ano ang nakita. Nagsalita si Concepcion. "Wala akong nakitang kahit na ano. Ano ang ginagawa ninyo sa dis-oras ng gabi?" tanong niya dahil may ibang kasama si Esteban na hindi kasapi.

"Nagmula sa bahayan ang ingay kaya nagising kami," ani Esteban.

"Kung ganoon, hindi nga iyon tao. Paano nangyaring mula sa bahayan ay nakarating agad sa kuwadra kung kayo nga ay sumakay ng kabayo para makarating doon? Sa totoo lang, ito ang nabanggit ng asawa ko noong nakaraang taon pa—na may naririnig daw siya sa gabi kung minsan. Kailangan nating gumawa ng paraan para mawala ang kapre."

Sumang-ayon ang lahat. Lumapit sa kanya si Esteban, "Pabayaan mo kaming tingnan ang buong kabahayan, Señora."

Bago pa siya makasagot ay nakalapit na sa pinto si Esteban. Kailangan niya itong pagbuksan, kung hindi ay magtataka ito. Pero bago tumuloy ang lalaki ay hinarang niya ito. "Wala ba kayong tiwala sa akin? Nakasarado ang lahat ng pintuan, paano makakapasok dito ang kapre o kung anuman iyon?"

"Kailangan naming makasiguro, Señora," giit ni Esteban na sinang-ayunan ng lahat. Isa-isa nang nag-inspeksiyon ang mga lalaki. Tumaas si Esteban sa hagdan at sumunod si Concepcion dito.

"Ano ba ang nakita ninyo, Esteban? Bakit ka nagtawag ng mga tao? Paano kung nabisto ang samahan? Ang pulong? Hindi ka nag-iingat!"

"Mayroon kaming nakitang lalaki. Ano pa ang gagawin ng isang tao sa ganitong oras kundi ang mag-espiya? Kailangan ko siyang makita para sa kapakanan ng samahan."

"Ni hindi mo alam kung ano ang nakita mo."

"At gusto mong maniwala akong mayroong kapre dito sa hacienda?"

"Ang gusto ko maging maingat ka." Hinawakan niya ito sa braso. "Wala dito ang hinahanap mo dahil kung mayroong traidor ay siguradong hindi dito pupunta kundi sa kuwadra."

"May iniwan akong tauhan doon para bantayan ang mga kabayo. Dito sa direksiyon ng bahay namin siya nakita."

"Esteban!" tawag ng isang kalalakihan mula sa ibaba.

Agad tumakbo pababa ng hagdan si Esteban. Sumunod si Concepcion. May isang lalaking humahangos, tauhan ng hacienda.

"Tatlong kambing ang nakita namin malapit sa sapa. Siguro ang mga iyon ang nakita natin. Akala natin ay mabilis kung kumilos, iyon pala ay tatlo sila. Mga naligaw at alaga ng ama mo."

Parang nakahinga nang maluwag si Concepcion. Ang kambing na nakita niya kanina ang siyang makakapagligtas sa lalaki na nasa kanyang silid ngayon. Mukhang nauwi sa pag-iisip si Esteban hanggang sa sinabi nito, "Masyadong malaki ang aninong nakita ko para maging isang kambing."

"Madilim at lumikha ng halimaw ang imahinasyon natin. Tara na, Esteban, at labis nang naiistorbo ang señora."

Mukhang noon lang napilitan si Esteban na tumango at magpaalam sa kanya. Nagmamadali niyang isinara ang pinto at mga bintana. Siniguro niyang mayroong kalang ang capiz na bintana, sa gayon ay hindi iyon mabubuksan ng kahit na sinong magtangka. Kaya lang nakapasok ang lalaki kanina ay dahil naiwan na iyong walang kalang.

Dali-dali siyang nagtungo sa silid. Hindi niya nakita ang lalaki. Mayroong kung anong lungkot na humaplos sa dibdib niya. Halos inaasahan niyang nandoon pa ito. Bakit panandalian niyang nalimutang likha ng kanyang imahinasyon ang lalaki? Nagkataong mayroong nakitang pigura sa dilim ang grupo ni Esteban bago sumulpot ang lalaki mula sa kanyang makulay na imahinasyon. Nagkatugma-tugma lang ang lahat. Para siyang tanga, naisip niya, para pigilan pa si Esteban na tumaas sa bahay sa pag-aalalang baka makita nito ang lalaki sa isip niya.

"Are they gone?"

Muntikan na siyang napatili nang marinig ang tinig ng estranghero sa kanyang halusinasyon.


---

Don't forget to like, follow, leave a comment. Like my page as well, I will be posting short stories there soon: facebook.com/vanessamanunulat. Thanks.

Beyond TimeWhere stories live. Discover now