Chapter 30

15.1K 299 10
                                    

Hindi agad nakapagsalita si Concepcion dahil hindi inaasahan ang sinabi ni Knox. Hindi rin siguro ganoon ang inaasahan niyang alok ng kasal mula sa kahit na sino—kung mula man dito, kay Esteban, o kahit na sino. Siyempre, pinangarap din niya ang ganoong bagay. Hindi naman por que ayaw niyang tumulad sa karaniwan na ginagawang sukatan ng tagumpay sa buhay ang pagpapakasal at pagpapamilya ay hindi na niya gustong lumagay sa tahimik.

Noon ay naisip niya na haharanahin siya ni Esteban, sa panahong nasabi na niya sa ama ang tungkol dito at tanggap na sila. Noon iyon. Tumigil ang mga pangangarap niya ng kasal nang mawala ang kanyang ama at natabunan siya ng problema. Sa totoo lang, parang kudlit na lang sa isip niya ngayon ang ideya ng paglagay sa tahimik. Para saan? Para lalo siyang malungkot na parang bakas na lang ng alaala na mga pangarap niya noon?

At heto, biglang-bigla ay nag-alok ang lalaki ng isang kasal, na para bang ganoon na lamang kadali iyon.

"Ikaw, pakakasalan ko?"

Bumuga ito. "Look, you're worried about your reputation and a wedding can solve that. Hanggang walang nangyayari sa atin, hindi ako makakabalik at hindi ka rin makakaalis. Kapag nakaalis ka, puwede mong puntahan ang papa mo."

Ang anumang sasabihin ni Concepcion ay naipon sa kanyang lalamunan. Siguro ay ang tanga-tanga niya na hindi iyon naisip kailanman. Oo nga. Totoo iyon. Hindi lang siguro dumaan sa isip niya noon dahil na rin sa mismong siya ang naghatid sa ama sa huli nitong hantungan. Bigla, pakiramdam niya sa sarili ay isang malaking hangal. Pero ngayong sinabi na ng lalaki ang ideya ay ayaw noong maalis sa kanyang isip at bigla ay parang gusto niyang mapaluha.

Makikita niyang muli ang ama! Mayayakap niya itong muli!

"It's really your choice, Concepcion. I'm just saying that I am offering you a wedding."

"Paano kita ipapakilala sa lahat?"

"Isang dating kakilala na sinadya ka rito."

"Kailangan mong gumawa ng pangalan—"

"Already done."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"When I left, I came up with a fake persona. I'm now Jose Maria Peralta. Nasa labas ang karwahe ko at kutsero."

"Paano ko ipapaliwanag sa lahat ng pagdating mo? Kailangan kong tawagin si Trinidad. Hindi ka dapat pumasok dito sa bahay. Masisira ang reputasyon ko!" Bigla siyang nag-alala. Hindi niya alam kanina na may karwahe pa ang lalaki at siguradong kung may nakakita rito at nalamang nagsama sila sa loob ng bahay nang walang ibang kasama ay isa iyong malaking eskandalo.

"Relax. I told you I will marry you."

Hindi sanay si Concepcion sa ganoong kalakaran kaya kahit sinabi niya sa sarili na magiging maayos ang lahat ay aligaga pa rin siya. Iniisip niya si Esteban. Hindi sa ganitong paraang niya gustong makipaghiwalay sa kasintahan. Kahit matagal na panahon na mula nang huli silang magpahayag ng damdamin sa isa't isa, hindi ibig-sabihin noon na nalimutan na niya ang mga pangako nila noon. Anong klaseng nobya siya kung bigla na lamang niyang tatalikuran iyon?

"Hindi patas kay Esteban," aniya. "Ang mabuti pa ay lumabas ka muna. Wala pa naman sigurong nakakakita sa 'yo."

Pero nagkamali siya dahil noon siya nakarinig ng pagkatok sa pinto at sumunod ang tinig ni Ginoong Castro. "Señora? Señora."

Napatingin siya kay Knox, puno ng pag-aalala. "Ano ang sasabihin ko?" bulong niya.

"You worry too much. Let me open—"

"Hindi." Hinawakan niya ang lalaki sa braso. Hindi nito alam ang posibleng mangyari rito. Agad niyang binuksan ang pinto at nakita ang ilang kalalakihan at kababaihan na nagtatrabaho sa hacienda. Nasa unahan ang mag-amang Castro at Esteban. Bakas sa mukha ng mga ito ang pag-aaalala.

"Sino ang lalaking ito, Señora Concepcion?" tanong ni Esteban.

"Isang kaibigang nakilala ko sa Espanya," tahasang pagsisinungaling niya. "Dinalaw niya ako rito. Wala kayong dapat ipag-alala."

Pero sa kabila ng sinabi niya ay bakas sa mukha ng lahat ang pagdududa. Naiwan na siyang mag-isa sa bahay na ang tanging kasama ay si Knox. Natural na hindi na malinis ang kanyang dangal, at makikita iyon sa reaksiyon ng lahat, lalo na sa reaksiyon ni Esteban. Siguro kung walang ibang tao ay nanumbat na ang lalaki at nagtanong kung paano niya nagawang gawin iyon.

Paano ba niya ipapaliwanag na hindi niya alam na alam ng lahat na roon ito? Na buong akala niya ay nagmula sa hinaharap ang lalaki dahil inakala niyang mayroong nangyari sa kanila noong huling naroon ito? Gusto ni Concepcion na mapaantanda sa mga isipin. Baka nga kailangan na niyang pakasalan si Knox dahil na rin sa tindi ng kanilang mga ginawa! Ngayong kaharap niya ang lahat ng mga taong ito ay saka niya nauunawaan ang kanyang nagawa sa kanyang sarili, sa kanyang reputasyon—at iyon ay sa mga bagay na ni hindi pa alam ng lupong ito!

"Gusto kong ipakilala sa inyong lahat si Ginoong Jose Maria Peralta. Ginoong Peralta, ito si Ginoong Castro, ang tagapamahala ng hacienda, kasama ang kanyang anak na si Ginoong Esteban." Ang ibang mga tauhan ay ipinakilala rin niya sa lalaki na nag-abot ng kamay sa mga ito.

Tahimik pa rin ang lahat matapos maipakilala ni Concepcion ang bisita, halatang naghihintay ang mga ito ng importanteng balita. Gusto niyang magalit sa sistemang nakasanayan. Dahil lang ba sa hindi alerto ang kanyang bisita na kailangan niya ng isang kasama sa pagdalaw nito ay isa na siyang maruming babae?

Pero iyon ang iniisip ng lahat, nababasa niya sa mukha ng mga ito. Siguro, kung nabubuhay pa ang kanyang ama ay mabibigo rin ito sa kanya kung walang mananagot. Kaya napilitan siyang sabihin, "Ikakasal kami sa lalong madaling panahon."

___

Vote, comment, share. Like my page on Facebook to show support: vanessachubby. Thanks.

PLEASE DON'T ASK FOR UPDATES. I WILL UPDATE WHEN ABLE.

Beyond TimeWhere stories live. Discover now