Chapter 1

252 15 0
                                    

Kung bibigyan ka ng pagkakataong mabuhay muli, pipiliin mo pa rin ba na maging parte ng pamilya mo ngayon?

"Ma, may meeting po sa school bukas at kailangang umattend po kayo," sabi ko kay Mama habang kami'y kumakain.

Pinasadahan niya lamang ako ng tingin at hindi na pinansin. Ganiyan naman siya palagi. Aasta na para bang wala siyang kausap, na para bang wala siyang narinig.

Invisible child, that's who I am in my parents' eyes. Minsan, napapatanong na lamang ako sa sarili ko. Isa nga ba talaga akong Montaño?

Hanggang sa matapos kaming maghapunan, hindi niya ako kinausap. Ni hindi nga niya ako nagawang tingnan muli.

Niligpit ko na lamang ang aming mga pinagkainan at ito'y hinugasan. Sa totoo lang, hindi naman ako inutusan ng mga magulang ko na gawin ang mga gawaing-bahay. Ako lang ang kusang gumagawa dahil ayaw kong maging pabigat.

"Ysa, bakit naglilinis ka pa riyan? Umakyat ka na sa silid mo dahil may pasok ka pa bukas," pagsasalita ni Nanay Fe.

Siya ang matagal ng tagapagsilbi ng pamilyang ito. Suot ang kaniyang puting uniporme, unti-unti siyang lumapit sa akin. Bakas ang awa sa kaniyang mukha kaya itinuon ko na lamang ang aking atensiyon sa basang lamesa na aking pinupunasan.

"Ayos lang Nay. Malapit naman na po akong matapos," sabi ko bago binilisan ang pagpupunas ng lamesa. Ilang sandali pa ay narinig ko si Nanay Fe na bumuntong-hininga.

"Ewan ko ba riyan sa mga magulang at mga kapatid mo. Kung itrato ka nila para kang ibang tao," napapailing na sambit niya.

Alam kong nasasaktan din siya para sa'kin dahil saksi siya kung paano ako balewalain ng pamilya ko. Lahat naman ginagawa ko para maging proud din sila sa'kin, pero kahit anong gawin ko, wala pa ring nangyayari. Hindi pa rin nila ako nakikita.

"Matutulog na po ako, Nay," sabi ko na lang sa kaniya nang matapos ako sa paglilinis.

Umakyat ako papunta sa aking silid at nang makapasok na ako ay agad ko rin itong isinara. Hindi na ako nag-atubiling mag-aral pa at agad nang natulog.

Gaya ng nakasanayan ko, maaga akong nagising. Agad akong nag-ayos ng sarili at lumabas ng aking silid. Papunta na sana ako sa dining area nang mabangga ko si Ate Maurine.

"Bulag ka ba?"

Bakas ang inis sa kaniyang mukha kaya yumuko na lamang ako. Hindi tulad ng mga magulang ko na laging pinipiling hindi ako pansinin, kabaliktaran ang ginagawa ni Maurine. Palagi siyang naglalaan ng oras para harapin ako... Para awayin ako... Para insultuhin ako...

Sa halip na magalit sa kaniya, nagpapasalamat pa ako dahil napapansin niya pa rin ang presensiya ko.

"I'm sorry, Ate."

Inirapan niya na lamang ako at nilampasan. Nang marating ko ang dining area ay hindi na ako nag-atubiling umupo pa. Ayaw ko rin namang kumain.

"Ma, Pa, mauna na po ako," pagpapaalam ko, pero kagaya ng palagi nilang ginagawa, hindi man lang nila ako binigyang pansin. 'Yong totoo, pamilya ko ba talaga 'to?

"Dad, I already talked with Miguel and he said that his parents will be able to attend the upcoming party," pagsasalita ni Kuya Jared.

Tatlo kaming magkakapatid. Siya ang panganay, pangalawa naman si Ate Maurine, at ako ang bunso. Hindi malapit ang loob ko sa kanila, at 'yon ang ikinalulungkot ko. Gustong-gusto kong maranasan na magkaroon ng kapatid na ituturing akong prinsesa. Kapatid na ipaglalaban ako sa mga umaaway sa'kin. Kapatid na pagsasabihan ko ng mga mahahalagang pangyayari sa buhay ko. Pero wala eh. May kapatid naman pero parang wala rin. Lumabas na lang ako ng bahay ng dahil sa nangyari. Hanggang kailan ko ba mararanasan 'to?

Nilakad ko mula bahay papunta sa labas ng village. Hindi naman masyadong malayo kaya okay lang. Malapit lang din naman ang paaralang pinapasukan ko.

Nang makarating ako sa school, agad kong binati ang guard. Kapag nasa school ako, nagiging iba 'yong pakiramdam ko. 'Yong pakiramdam na masaya at higit sa lahat ay 'yong pakiramdam na malaya.

Agad kong tinungo ang Senior High Building dahil naroon ang classroom ko. Pagdating ko ng classroom ay agad akong napatakip ng aking mga tenga ng dahil sa ingay. May mga nagsisigawan at may mga nagmumurahan. Hindi ko alam kung mga Grade 12 Students na ba 'tong mga 'to, para kasing mga bata kung umasta.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad na tinungo ang aking upuan. Timing na pagkaupo ko ay pumasok si Miss Lai, ang Contemporary Arts Teacher namin. Pinaalala niya ang meeting na magaganap mamayang hapon, at nang matapos niyang i-check ang attendance ay bigla niya akong tinawag.

"Ysabelle, may I speak to you for a moment?"

Tumango lamang ako bilang sagot sa kaniyang tanong. Lumabas siya ng room kaya sinundan ko siya.

"Will she be able to attend the meeting?" tanong niya habang nakatayo kami sa tahimik na hallway. Si Mama siguro 'yong tinutukoy niya.

"No Miss Lai. Mom's very busy."

No, she's not that busy. Even though she is, if she's concerned with her daughter, she will attend.

"You'll graduate in just 2 months, but I never saw any of your parents. Hindi ka ba sasama sa 3 days encampment?" tanong niya.

"I don't know Miss. They're both busy. I guess Mom will just call you to ask for updates," pagsisinungaling ko.

Hindi nila alam kung ano ang nangyayari sa'kin at sa pagitan ng pamilya ko. I think that's better. Ayaw nila Mama at Papa ng eskandalo.

Tumango na lamang si Miss Lai at sabay kaming pumasok sa classroom. Nang tumunog ang bell, agad naman kaming lumabas. Naglalakad ako papuntang cafeteria ng bigla kong makasalubong si Jansen. Isa siya sa mga kaklase ko at masasabi kong isa ring matalik na kaibigan.

"Saan ka galing?" tanong ko.

"Sa Cafeteria. Late ako kaya dumiretso na lang ako ro'n," sagot niya saka ako inakbayan.

Hindi na ako nagtanong pa dahil sanay ako sa ugali niyang 'to. Sinabayan niya na lang ako papunta roon para bumili ng pagkain. Hindi naman ako pinapabayaan nila Mama kung pera ang pag-uusapan. Kaya lang hindi kasing-laki 'yong allowance ko sa allowance nila ate at kuya.

Pagkatapos naming bumili ng pagkain ay agad din kaming bumalik sa classroom. Karamihan sa mga classmates ko ay nag-uusap tungkol sa nalalapit na encampment. Ewan ko ba kung makakasali ako. Sa tingin ko kasi ay hindi nila ako papayagan.

"Sasali ka ba sa Encampment?" tanong ni Jansen.

He doesn't know anything. Kaibigan ko siya pero ayokong sabihin 'yong mga sikreto ko lalong-lalo na 'yong tungkol sa pamilya ko.

"Ewan. Ikaw?" tanong ko sa kaniya habang nginunguya ang sandwich na binili ko. Nagkibit-balikat na lamang siya at hindi na nagsalita pa.

Mabilis natapos ang klase at dumating ang hapon. Maraming nagkalat na estudyante sa daan dahil uwian na. Tatawid na sana ako sa kalsada nang makita kong may isang rumaragasang itim na sasakyan ang dumaan.

Huminto ito sa may tapat ng mall na kaharap lang ng school at may taong naka kulay itim na damit ang lumabas. Base sa pangangatawan nito, ito ay lalaki. Balot na balot siya at may hawak siyang baril. Itinutok niya iyon sa matandang lalaki na nakatalikod at walang awang pinagbabaril ito. Pumasok kaagad ang lalaki sa sasakyan at agad itong humarurot paalis.

Halos karamihan sa nakakita ay sumigaw at tumakbo. Nanatili akong nakatayo sa pwesto ko. Gulat na gulat. Hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa. Nakita ko kung paano unti-unting binalot ng dugo ang kulay puting coat na suot ng matanda. Sigurado akong patay na 'yong matandang lalaki. Nang unti-unti na akong nahimasmasan ay naglakad ako pauwi na nangangatog ang mga paa.

Habang nasa daan, hindi ko mapigilang isipin ang nangyari. Hindi ako mapalagay. Unang beses kong makasaksi ng krimen, at ang mas ikinakatakot ko pa ay parang nakita ko na dati 'yong sasakyan. Hindi ko lang matandaan kung saan at kailan.

Vengeance Is MineDonde viven las historias. Descúbrelo ahora