Chapter 30

110 6 3
                                    

Nagising ako sa sinag ng araw na tumatama sa aking mukha. Matutulog pa sana ako ngunit naalala kong may misyon pa pala ako mamaya. Shit! Hindi ko pa nababasa ang email ni Reid.

Kahit na pagod ay mabilis kong kinuha ang aking laptop at binuksan ang email ni Reid. Kalahati pa lamang ng mga impormasyon ang aking nababasa ay nakaramdam na agad ako ng gutom. Napatingin ako sa oras at alas onse na pala ng umaga. Mamaya ko na lang siguro babasahin ang lahat ng mga 'yon.

Pumasok ako ng banyo at naghilamos ng aking mukha. Tiningnan ko rin ang aking repleksiyon sa salamin at halatang umiyak ako kagabi dahil namamaga ang aking mga mata. Nang matapos ako ay kaagad akong lumabas sa aking silid.

Tahimik ang buong bahay. Walang makikitang mga tao. Pinuntahan ko na ang silid ni Dixel at Don Gibran, ngunit wala rin sila roon. Habang dahan-dahan na naglalakad ay nagmamasid din ako kung may kakaibang nangyayari, ngunit wala naman.

Napagpasyahan kong puntahan ang likod ng bahay kung saan matatagpuan ang garden at swimming pool. Nang buksan ko ang sliding door ay kaagad akong nakarinig ng ingay, ngunit wala naman akong nakikitang mga tao. Nagulat na lamang ako nang lumabas silang lahat habang kumakanta ng birthday song.

"Happy birthday to you... Happy birthday to you... Happy birthday... Happy birthday... Happy birthday to you... Happy birthday, Severine!"

Pinahid ko ang luhang dumaloy sa aking mukha. Hindi ko inaasahan na pinaghandaan talaga nila ito. Nakita ko kasing napakaraming pagkain sa mahabang lamesa. May mga balloons din sa paligid. Ngayon ko lang ulit naranasan ito.

Lumapit sa akin si Dixel habang bitbit ang chocolate cake. Nakangiti siya habang nakatingin sa akin.

"Bakit ka umiiyak?"

"Ngayon ko lang kasi ulit naranasan ito," sabi ko habang pinapahid pa rin ang aking mga luha.

"Huwag ka nang umiyak. Birthday mo kaya dapat masaya ka... Make a birthday wish," utos niya.

"Ikaw na lang ang magwish para sa'kin."

Tumango na lamang siya at saka ipinikit ang kaniyang mga mata.

"I wish for Severine's happiness," sabi niya bago hinipan ang mga birthday candles.

Naglakad ako papalapit kay Don Gibran at niyakap siya. Kahit na hindi kami magkadugo ay itinuring niya akong anak.

"Salamat, Don Gibran."

"Diba sabi ko sa'yo ay Papa na lang ang itawag mo sa'kin?"

Mas lalo akong naiyak sa sinabi niya. Sobrang nagpapasalamat ako na siya 'yong nakakita sa akin.

"Salamat, P-Papa."

Nang bumitaw ako sa pagkakayakap ko sa kaniya ay may inabot siyang mahabang rectangular box sa akin. Napatingin ako sa kaniya at nakangiti siya. Dahan-dahan ko namang binuksan ang box at hindi ko inaasahan ang kaniyang regalo. Isang espada na may nakaukit na Morrigan sa hawakan.

Sa halip na magpasalamat ay niyakap ko ulit siya. Hindi mapapantayan ang sayang nararamdaman ko ngayon.

"Sorry at wala akong regalo para sa'yo, ngunit ipinapangako ko na pupuntahan natin ang lugar na gusto mo," sabi ni Dixel.

Hinarap ko naman si Dixel at tinawanan siya. Napapakamot pa kasi siya sa kaniyang batok.

"Okay lang. Basta promise mo 'yan ha?"

"Oo naman."

"Kung gano'n, pupunta tayo sa Maldives."

Tumawa naman siya at ginulo ang aking buhok. Niyakap niya ako at niyakap ko rin siya pabalik. Naramdaman ko na lang na binuhat niya ako ng bridal style at lumapit siya sa swimming pool.

"Hoy Dixel! Ibaba mo ako!"

Narinig kong nagtawanan ang mga tao sa paligid. Hinahampas ko na si Dixel ngunit ayaw niya pa rin akong ibaba. Malapit na kami sa pool kaya ipinikit ko na lang ang aking mga mata. Kaagad kong naramdaman ang pagbagsak ko sa tubig at nang umahon ako ay narinig ko ang kanilang malakas na tawanan.

Umalis ako sa swimming pool at lumapit sa mahabang lamesa para kumuha ng pagkain. Inabutan naman ako ng tuwalya ng kasambahay kaya binalot ko ito sa aking sarili.

Nagsimula kaming kumain at masayang-masaya talaga ako na nandito sila sa espesyal na araw ng buhay ko. Ibang pagkatao ang nakikita ko sa kanila ngayon. Masaya lamang at walang pinoproblema sa buhay. Malayong-malayo sa mga nakakatakot nilang pagkatao tuwing may misyon.

Hindi nagtagal ay nagpaalam din ako sa kanila. May misyon ako mamaya kaya kailangan kong maghanda. Hindi puwedeng ubusin ko ang aking oras para magsaya. Natanggap ko na kasi ang misyon, at hindi ko na maaring ikansela 'yon o ipasa sa iba. Maaaring ako ang ipapatay ng organisasyon kapag ginawa ko 'yon. Kahit na si Papa o Don Gibran man ang nagmamay-ari, ngunit hindi lamang siya ang mag-isang nagdedesisyon para sa grupo.

Nang nasa loob na ako ng aking silid ay kaagad akong naligo at nagpalit ng damit. Pauli-ulit kong binasa ang mga impormasyon tungkol sa target, at batay sa mga nakalagay dito ay sa isang auction ko siya matatagpuan.

Kinuha ko ang aking cellphone at tinawagan si Reid. Nakailang ring pa ito bago niya sinagot.

"Pasensiya na, Morrigan. Masyado kasi akong abala," sabi niya.

"Nasaan na ang invitation card ko para sa auction?"

"Pinadala ko na kaya hintayin mo na lang."

"Alam mo namang hindi ako puwedeng pumasok na may dalang armas diba?"

"Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na lang sa CR mamaya dahil may magbibigay sa'yo ng armas do'n. May kailangan ka pa ba? Kailangan mo ba ng mga armas o susuotin?"

"Hindi na. Salamat," sabi ko bago pinatay ang tawag.

---

Sumapit ang gabi kaya naisipan kong maghanda na. Nagsuot ako ng black one shoulder jumpsuit at black killer heels. Naglagay din ako ng heavy makeup sa aking mukha para hindi ako makilala.

Kinuha ko ang invitation card at nilagay sa loob ng aking black clutch evening bag. Habang nakaupo at nakatitig sa aking repleksiyon sa salamin ay narinig kong may kumatok sa pintuan.

"Pasok," sabi ko habang inaayos ang aking buhok.

"Anong oras magsisimula ang misyon mo?" Tanong ni Dixel sa akin.

Hinarap ko siya at nakita kong magulo ang kaniyang buhok. Medyo namumula rin ang kaniyang mukha.

"10 p.m... Uminom kayo ng alak?"

"Oo, pero konti lang naman."

Tumayo ako at naglakad papalapit sa pintuan. 8:37 p.m. pa lang naman ngunit isang oras ang byahe papunta sa venue ng auction.

"Kailangan ko nang umalis. Mag-iingat kayo rito. Tawagan mo na lang ako kapag may problema."

"Ikaw ang mag-ingat. Bumalik ka agad dito dahil kailangan nating pagpaplanuhan ang trip to Maldives natin," nakangiti niyang sambit.

"Sige."

Lumabas ako ng silid bitbit ang aking bag. Kailangan ko na talagang umalis. Kailangan kong magtagumpay sa misyon na ito para makapagpahinga na rin.

Vengeance Is MineOù les histoires vivent. Découvrez maintenant