Chapter 23

96 7 0
                                    

"Mahina ka talaga! Tayo!"

Ilang araw na ang nakakalipas magmula noong natagpuan nila ako sa pampang at ang nangyaring barilan. Napakasariwa pa rin sa aking isipan kung paano ko nagawang patayin ang lalaking iyon. Binabangungot ako gabi-gabi at pakiramdam ko ay unti-unti na akong nababaliw.

Bigla akong natauhan nang sipain ako ng lalaki. Hindi ko siya kilala at siya ang tagasanay ko. Kanina pa ako nandito sa basement ng mansiyon ni Don Gibran. Hindi pa ako kumakain kaya mas lalo akong nanghihina.

"Ano?! Susuko ka na?!"

Kanina pa sigaw ng sigaw ang tagasanay ko. Akala niya ba napakadali lang ng pinapagawa niya? Marami na akong pasa at bugbog sarado na ako kaya paano ako makakalaban sa kaniya?

"Hayop ka! Pakawalan mo kasi ako!"

Tinali niya kasi ako sa isang upuan at hindi naman patas para sa'kin 'yon.

"Sa tingin mo ba ay kapag nahuli ka ng mga gumahasa sa'yo ay kakalagan nila ang pagkakatali mo?! Mag-isip ka ng paraan!"

"Hayop ka talaga!"

Iginalaw ko ang aking mga kamay para matanggal ang tali hanggang sa lumuwag ito.

"Mamamatay ka talaga sa sakit kapag hindi mo binilisan ang pagkakatanggal niyan!"

Tiningnan ko siya ng masama at iginalaw ulit ang aking mga kamay. Nang matanggal ko ang tali ay tumayo ako.

Nilapitan ko siya at sinubukang sipain ngunit naunahan niya ako. Napahiga ako sa sahig at sasaksakin niya na sana ako ng kutsilyo ngunit may biglang bumukas ng pintuan.

"Tama na," seryosong utos ni Don Gibran.

Tumayo naman ako at lumabas ng training room. Kailangan kong magpahinga dahil sobrang sakit ng katawan ko. Balak siguro akong patayin ng lalaking 'yon.

Tinungo ko ang aking silid at isasara na sana ang pintuan ngunit hinarang ito ni Don Gibran. Tiningnan ko lamang siya at kaagad akong umupo sa kama.

"Hindi ka lalakas kung ganiyan lang palagi ang ipapakita mo," kalmadong sabi niya.

"Papaano po ako lalakas kung pasa at sakit ng katawan ang aabutin ko?!"

Umalingawngaw ang sigaw ko sa apat na sulok ng silid. Alam kong hindi ko dapat ginawa 'yon, ngunit hindi ko talaga mapigilang magalit.

"Kailangan mong sanayin ang sarili mo sa sakit. Papaano ka maghihiganti kung mahina ka pa rin? Kung ang sakit na aabutin mo ay hindi mo makakayanang indahin? Lumaban ka Ysabelle!"

Natigilan ako sa sinabi niya. Aalis na sana siya ngunit nagsalita ako.

"Bakit mo ba ako tinutulungan?"

"Because you remind me of my daughter. Tulad mo ay ginahasa rin siya," mahina niyang sagot bago siya umalis.

May anak siya? Bakit ang sabi ng mga tao rito sa mansiyon ay wala?

Lumapit ako sa pintuan at isinara ito. Hindi ako makapaniwalang ginahasa rin ang anak niya. Kaya ba pumapatay siya ng mga tao? Dahil ba ipinaghihiganti niya ang kaniyang anak?

Ipinikit ko ang aking mga mata at lumabas ng silid. Kailangan kong kausapin si Dixel. Kailangan ko ng mga sagot. Marami na kasing mga tanong ang gumugulo sa aking isipan.

Tinungo ko ang kaniyang silid at ilang beses kinatok ang kaniyang pintuan. Patuloy lang ako sa pagkatok hanggang sa naabutan ako ng isa sa mga katulong dito.

"Ma'am Ysabelle, wala po riyan si Sir Dixel," nahihiyang sambit niya.

"Nasaan po siya?"

"Nasa training room po yata."

Tumango na lamang ako sa kaniya at kaagad na tinungo ang basement. Nasa pintuan pa lang ako ng training room ay rinig na rinig ko na ang mga putok ng baril na nanggagaling sa loob.

Binuksan ko ang pinto at agad namang napatingin si Dixel sa akin. Lumapit naman ako sa kaniya at tiningnan kung paano niya pinagbabaril ang mga moving targets. Minsan ay hindi niya natatamaan ang mga ito kaya inilapag niya ang baril sa lamesa na nasa harapan.

"Anong kailangan mo?"

"May alam ka ba tungkol sa anak ni Don Gibran?"

Tiningnan ko siya at nakita ko kung paano nagbago ang kaniyang ekspresyon. Para bang nababalutan siya ng itim na aura.

"Wala akong alam," sabi niya bago ako tinalikuran.

Aalis na sana siya ngunit hinawakan ko ang kaniyang braso. Napalingon naman siya sa akin at tiningnan ko siya sa kaniyang mga mata. Alam kong may alam siya.

"Ginhasa rin 'yong anak niya diba?"

Nagulat na lamang ako nang hinampas niya ang lamesa at tiningnan ako ng masama.

"Bakit ba gustong-gusto mong malaman ang mga bagay na tungkol sa anak niya?! Isipin mo 'yong sarili mong problema Ysabelle!"

Pinanood ko siyang lumabas ng silid. Hindi ko maintindihan kung bakit galit na galit siya. Kulang na lang ay kunin niya ang baril at barilin ako.

Kinuha ko ang baril sa lamesa at pinagmasdan ito. Habang tumatagal ako sa bahay na ito ay parang hindi na ako natatakot sa baril. Siguro ay nasanay na ako dahil saan man ako magpunta rito sa loob ng bahay ay may mga baril.

Sinubukan ko itong itutok sa mga moving targets at agad din namang ibinaba. Lumapit ako sa lamesa na puno ng mga daggers at pinagmasdan ang mga ito. Gustong-gusto ko talagang matuto kung papaano makipaglaban ngunit araw-araw naman akong nasasaktan sa pagsasanay. Kung hindi nababalian ng buto ay nilalagnat ng ilang mga araw.

Sa susunod na linggo ay isasama ako sa isang misyon, kaya habang may oras pa ay pinagsasanay nila ako ng mabuti. Hahawakan ko na sana ang dagger ngunit may biglang bumukas ng pintuan.

"Kailangan nating umalis dito," nagmamadaling sabi ni Dixel.

"Bakit?"

"May lumulusob sa mansiyon."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa sinabi niya. Dali-dali akong kumuha ng mga daggers at baril. Kailangan kong protektahan ang sarili ko. Kailangan kong makaligtas sa pagsalakay ng mga kalaban sa lugar na ito.

Mabilis kaming lumabas ng training room at agad na nagtungo sa likod ng bahay. Nang maalala ko si Don Gibran ay napahinto ako.

"S-Si Don Gibran. Kailangan natin siyang puntahan sa silid niya. Kailangan natin siyang iligtas," sunod-sunod kong sabi kay Dixel.

"Kanina pa siya umalis at hindi niya alam na sinasalakay tayo."

Nakarinig kami ng pagsabog at sa tingin ko ay nanggaling iyon sa may bandang gate ng mansiyon. Sunod-sunod din ang putukan at sa tingin ko ay nakapasok na sila sa loob.

"Umalis na tayo," sabi ni Dixel at saka hinawakan ang aking kamay.

"Papaano ang mga kasamahan natin?"

"Kaya na nila ang kanilang mga sarili."

Hindi ako makapaniwala sa kaniyang sinabi. Ganito ba sila rito? Iniiwan ang ibang mga kasamahan para lamang iligtas ang sarili?

"Kung naduduwag ka ay iwan mo na ako rito. Iniisip mo lang ang sarili mo kaya mas mabuting ikaw na lang ang umalis! Kahit hindi ako sanay makipaglaban ay tutulungan ko pa rin ang ibang mga kasamahan natin."

Vengeance Is MineDonde viven las historias. Descúbrelo ahora