Chapter 4

167 11 0
                                    

Nakatayo ako sa harapan ng isang umiiyak na batang babae. Nakasalampak siya sa damuhan. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko maigalaw ang aking katawan. Mayamaya pa ay may lumapit sa kaniya na batang lalaki.

"Kuya, akala ko ba hindi mo ako babarilin? Akala ko ba mahal mo ako? Paano kung mamatay ako?" Umiiyak na tanong ng batang babae.

Nakayuko siya kaya hindi ko makita ang kaniyang mukha.

"Hindi ka naman mamamatay sa laruang 'to," pagpapakita ng batang lalaki sa kaniyang hawak na pellet gun. "Kapatid kita kaya hinding-hindi kita papatayin," dugtong pa nito.

Agad namang tumahan ang batang babae. Tumayo ito at humarap sa kaniyang kuya. Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong ako ang batang 'yon.

Bigla na lang nag-iba 'yong paligid. Sobrang dilim. Sa tingin ko'y nasa isang abandonadong gusali ako. Hindi ko alam kung bakit napadpad ako rito. Ni hindi ko nga rin alam kung saang lugar 'to.

Nasa'n na 'yong batang lalaki? Nasa'n na si Kuya? Patuloy akong naglakad at pilit na inaaninag ang aking dinadaanan. Napaigtad ako nang makarinig ng pagkasa ng baril sa aking likuran.

"Sabi ko na nga ba at pupunta ka."

Halos manigas ako sa aking kinatatayuan nang makilala ko ang kaniyang boses. Boses ni Kuya Jared. Kahit nahihirapan akong kumilos, humarap pa rin ako sa kaniya.

"K-Kuya," nauutal na sabi ko.

Ramdam ko ang panginginig ng aking buong katawan. Bakit siya may hawak na baril? Papatayin niya ba ako?

"Pasensiya na pero kailangan mo nang manahimik," huling sabi niya bago itinutok sa akin ang baril.

"Huuuuuwwwwwaaaagggggg!"

Napabalikwas ako nang bangon sa aking kama. Nagugulahan ako. Bakit gano'n ang panaginip ko? Mangyayari ba 'to sa hinaharap? Pero sobrang imposible. Kadugo niya ako, kaya bakit niya ako papatayin?

Umalis ako ng kama at nagtungo sa banyo. Tiningnan ko ang aking repleksiyon sa salamin at nakita kong may sugat ako sa noo. Dahil siguro ito sa pagkakauntog ko sa lamesa kagabi.

Nang matapos ako sa pagligo ay agad akong nagpalit ng isang dress. Kailangan kong pumunta sa simbahan ngayong araw.

Tahimik ang bahay ng lumabas ako. Bagay na ikinatuwa ko. Ayoko ng gulo ngayong araw kaya mas mabuting hindi kami magkasalubong. Paniguradong galit pa rin sila dahil sa nangyari kagabi.

Sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa malapit na simbahan. Nagsisimula na ang misa nang makarating ako ro'n kaya agad akong naghanap ng upuan at nakinig sa sinasabi ng Pari.

"Sundin natin ang ating mga magulang sapagkat alam nila ang makabubuti para sa atin. Nandiyan sila palagi para tayo'y gabayan at damayan sa mga problemang ating kinakaharap," sabi ni Padre Gallardo.

I smiled bitterly. Hindi naman lahat ng magulang ay mabait. Tulad ng mga magulang ko. Sila pa nga mismo ang gumagawa ng mga bagay na ikasasama ko. Hindi ko na pinakinggan pa ang sinabi ni Father. Lumabas ako ng simbahan at pumunta sa may mga maliliit na tindahan sa tapat.

"Ate, 20 pesos nga po nitong fisball at saka isang buko juice," sabi ko sa babaeng nagtitinda nang makalapit ako sa stall niya. Nagulat siya nang makita niya ako. Teka, kilala niya ba ako?

"Ineng, bakit ka nandito?"

Kumunot ang noo ko sa tanong niya. Bawal ba ako dito?

"Bawal po ba?" Naguguluhang tanong ko.

"Huwag mo sanang mamasamain, pero sa tingin ko'y mayaman ka. Nagtataka lang ako kung bakit naparito ka," sabi niya.

"Hindi po ako mayaman," mahinang tugon ko.

Totoo naman. Hindi ko pagmamay-ari ang yaman ng mga magulang ko. Matapos niyang ibigay sa'kin ang supot ng pagkain ay kaagad akong umalis.

Umuwi ako pabalik ng bahay at naabutan kong maraming tao sa sala. May mga nagkalat na dress at gowns sa sofa. May party ba na gaganapin?

"Nandito na pala ang aking bunsong anak na si Ysabelle," wika ni Mama.

Agad naman silang nagsilingunan sa kinatatayuan ko.

"Napakaganda ng iyong anak, Madam," sabi ng isang bakla.

Nilapitan ako ni Mama at niyakap. Ganito siya sa harap ng maraming tao. Nagpapanggap na isang mapagmahal na ina.

"Madam, sa tingin ko'y bagay sa kaniya 'tong silver long gown," turo ng isang babae sa isang napagarbong long gown.

Napakaganda nito at sa tingin ko'y napakamahal din ng presyo. Teka, ano bang meron?

"Bakit may mga ganito rito M-Mommy?" Naguguluhang tanong ko sa kaniya.

"May party na gaganapin sa hotel natin mamaya," mahinahong sagot niya.

Alam kong galit pa rin siya, pero hindi niya magawang sumigaw o manakit sapagkat nasa harapan kami ng ibang tao. Nilapitan ako ng isang bakla at tiningnan ako. Iniwas ko ang aking tingin dahil naiilang ako.

"Subukan mong isukat ang silver long gown. Sa tingin ko'y kasya at babagay 'yon sa'yo," sabi niya.

Agad ko iyong nilapitan at hinawakan. Nang maisukat ko na ay agad silang nagpalakpakan maliban kay Mama. Matalim lang siyang nakatitig sa'kin. Ayaw niya bang nakasuot ako ng ganito? O ayaw niya lang gumastos ng napakalaking pera para sa'kin?

"Perfect! Sabi ko na nga ba at bagay."

Hindi na lang ako umimik pa dahil hindi ako komportable sa presensiya nila. Dahan-dahan kong hinubad ang gown at ipinatong ito sa ibabaw ng sofa.

"Mommy, aakyat na po muna ako," pagpapaalam ko.

Ayokong pumunta sa party. Masama ang kutob ko at pakiramdam ko'y may mangyayaring hindi maganda. Pumasok ako ng banyo at agad na ibinabad ang sarili sa bath tub.

Matamlay lamang akong nakatitig sa mga bulang bumabalot sa aking katawan. Tiyak akong isasama nila ako sa party mamaya. Ayaw nilang mapahiya sa ibang tao kaya hangga't kaya nilang magpanggap at pagtakpan ang kanilang kamalian ay gagawin nila. Masiguro lamang na hindi masisira ang kanilang reputasyon na 'isang masaya't kompletong pamilya'. Ang tanong, masaya nga ba?

Nang lumabas ako ng banyo ay tumambad sa'kin ang long gown na isinukat ko kanina. Nakapatong ito sa kama kasama ang isang pares ng silver stilettos.

Hindi ko alam kung bakit binili niya pa ang mga ito. Pwede namang huwag na lang nila akong isama. Wala rin naman akong kaalam-alam sa mga negosyo nila at isa pa hindi ako mahilig makihalubilo sa mga tao.

Umupo ako sa ibabaw ng kama at pinadausdos ang aking kamay sa tela ng gown. Hindi ito malambot sapagkat may mga maliliit na beads na parang mga diyamante ang nakadisenyo rito. Ngayon lang ako makapagsusuot ng gan'to kaganda na gown.

Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng katok sa pintuan kaya agad ko itong nilapitan at binuksan. Nakahawak si Mama sa kaniyang bewang habang inis na nakatingin sa'kin. May nagawa na naman ba akong mali?

"Siguraduhin mong nakabihis ka na mamayang 5pm. Ayokong pinaghihintay ako," sabi niya bago ako talikuran.

Wala na talaga akong choice kung hindi ang sumama. Kinakabahan man ay wala na akong magagawa pa.

Vengeance Is MineWhere stories live. Discover now