Chapter 15

108 6 0
                                    

Hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. Kahit kailan ay hindi niya pa nagagawa sa'kin 'to. Sa tuwing aalis kasi siya ay nagpapaalam siya sa'kin. Binuksan kong muli ang aking cellphone ngunit wala akong natanggap na tawag o text mula sa kaniya. Saan ba siya nagpunta?

Hinubad ko ang aking stilletos at tinakbo ang daan papuntang parking lot. Kailangan kong malaman kung nakaalis na siya. Nang makarating ako roon ay hindi ko inaasahan ang aking madadatnan. Parang unti-unting pinipiga ang aking puso. Tanaw na tanaw ko ang pakikipaghalikan niya sa isang babae. Kaya ba hindi niya masagot ang aking tawag?

Madilim sa parteng kinatatayuan ko kaya hindi nila ako napansin. Sumandal ako sa pinakamalapit na sasakyan at ipinikit ang aking mga mata. Sana pala ay hindi ko na lang siya hinanap. Kung sana'y nanatili na lang ako roon sa gym ay hindi na sana ako nasasaktan.

"Gusto kita Jansen," umiiyak na sabi ng babae.

Teka, parang pamilyar 'yong boses niya. Si Ellen ba 'yong kasama ni Jansen? Sinubukan kong kilalanin 'yong babae at tama nga ako. Si Ellen nga.

"Bakit mo ba ako hinalikan? Ilang beses ko na bang sinabi sa'yo na hindi kita gusto? Tumigil ka na!"

Hindi ko inaasahan ang pagsigaw ni Jansen. Hindi pala siya ang naunang humalik kay Ellen.

"Why can't you love me back? Dahil ba mas gusto mo si Ysabelle?!"

"Oo, gusto ko siya... Kaya ibigay mo na lang 'yang pagmamahal mo sa iba."

Hindi ako mapakali sa aking narinig. Gusto niya rin ako? Kailan pa?

"Sa tingin mo ba ay gano'n lang kadali 'yon? Pilit kitang kinalimutan pero hindi ko magawa. Kung tutuusin ay puwede naman akong maghanap ng ibang lalaki, pero anong magagawa ko kung ikaw ang gusto nito?" Tanong niya habang nakaturo ang kamay sa kaniyang puso.

Nasasaktan ako para kay Ellen. Nagmahal lang naman siya, pero sakit 'yong naidulot nito sa kaniya. Aalis na sana ako nang makita ako ni Ellen. Kitang-kita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Sa totoo lang ay mabait naman siya. Makikita mo kasi talaga na totoo siyang tao. Never pa akong nakarinig na may nakaaway siya rito sa school. Isa siya sa mga kilala kong mayaman pero may mabuting puso at hindi mayabang.

"Ang suwerte mo sa kaniya," nakangiting sabi niya bago siya umalis.

Hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa. Sobrang bigat sa pakiramdam na makita ang kapwa ko babae na nasasaktan. Pakiramdam ko rin na ako ang may kasalanan ng lahat.

"Ysabelle, kanina ka pa ba nandito?" Tanong ni Jansen.

Hindi ko sinagot 'yong tanong niya dahil sumasakit 'yong lalamunan ko. Nanunubig na 'yong mga mata ko at natatakot ako na baka kapag bumuhos ito at masabi ko sa kaniya 'yong nararamdaman ko. Natatakot akong sumugal sa isang bagay na alam kong hindi naman magtatagal.

"Narinig mo ba?"

Tinitigan ko siya at nakita ko sa mga mata niya na nasasaktan at nahihirapan din siya.

"Bakit?" Mahinang tanong ko.

"Anong 'bakit'?"

"Bakit ako?"

"Ano bang klaseng tanong 'yan?"

"Magkaibigan tayo. Nangako tayo noon na hindi dapat tayo magkakagusto sa isa't-isa."

Unti-unti nang bumuhos ang mga pinipigilan kong luha. Bakit kami pa 'yong pinana ni Kupido? Bakit kami pa ang pinaglalaruan ng tadhana?

"Alam ko! At nasasaktan ako dahil hanggang magkaibigan lang tayo. Ysabelle, noon pa man ay gusto na kita."

"Mali 'to."

"Mali ba ang mahalin ka?"

"Oo! Mali 'tong nararamdaman nating dalawa. Magkaibigan tayo at hanggang doon lang!" Umiiyak na sigaw ko. "Intindihin mo sana ako, ayokong mawala ka kaya mas mabuting manatili tayo bilang magkaibigan. Kalimutan na lang natin ang nangyari ngayon."

Habang naglalakad ako papalayo sa kaniya ay nakita ko siyang pinahid ang kaniyang mga mata. Umiiyak siya. Patawarin mo sana ako Jansen. Tumakbo ako papasok ng village at wala na akong pakialam kung pinagtitinginan ako ng mga taong nadadaanan ko.

Hindi ako dumiretso ng bahay, sa halip ay pumunta ako sa park. Pagdating ko roon ay agad akong umupo sa damuhan. Tiningala ko ang kalangitan, ngunit wala akong nakitang bituin. Ang buwan naman ay natatakpan ng maitim na ulap. Mukhang uulan pa yata.

Nanatili ako sa park para mag-isip. Nahihirapan ako sa sitwasyon naming dalawa. Tahimik lang ako na umiiyak habang pinagbubunot ang mga damo na aking nahahawakan.

Masakit palang malaman na mahal niyo ang isa't-isa, ngunit hindi pwedeng maging kayo. 'Yong tipong natatakot kang sumugal sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Isang bagay na posibleng hindi tatagal.

Dahan-dahan akong tumayo at isinuot ang aking stilletos. Kailangan ko nang umuwi. Tiyak na hindi lang emotional pain ang mararamdaman ko ngayon. Habang naglalakad ako ay unti-unti namang pumapatak ang ulan. Hindi ako sumilong, sa halip ay dinama ko ang pagtama nito sa aking balat. Nang makarating ako sa bahay ay basang-basa na ako.

"Ysabelle, bakit basa ka?" kalmadong tanong ng kasambahay namin. Ito ang unang beses na kinausap niya ako.

"Pakisabi na lang po sa kanila na nandito na ako," sabi ko sa kaniya bago ako nagtungo sa aking silid.

Hindi na ako naligo pa dahil pagod ako. Nagbihis na lamang ako at agad nahiga sa kama. Binuksan ko ang aking cellphone. Nagbabakasakaling may text galing kay Jansen, ngunit wala. Nakauwi na kaya siya? O bumalik pa siya sa party?

---

Lumipas ang mga araw na wala kaming komunikasyon ni Jansen. Hindi siya nagtext o tumawag man lang. Nahihiya naman akong tawagan siya dahil doon sa nangyari noong nakaraang Sabado. Hindi rin ako pumasok ng school dahil sa lagnat ko. Mas mabuting magpahinga na lamang ako. Wala rin naman kaming klase dahil naghahanda na lamang kami para sa darating na Graduation Day.

Nakahilata lamang ako rito sa aking kama nang makarinig ako ng malakas na pagkatok sa aking pintuan. Laking gulat ko na lang nang buksan ko ito. Magkasamang nakatayo si Mama at Papa habang may hawak-hawak na malaking maleta. Aalis ba sila? Alam naman nilang dalawang linggo na lang ay graduation ko na ah?

"Ma, Pa, saan kayo pupunta?"

Vengeance Is MineWhere stories live. Discover now