Chapter 10

134 7 0
                                    

Nagising ako na masama ang pakiramdam. Sobrang init at sakit ng aking katawan. Tiningnan ko ang orasan na nakapatong sa bedside table at alas kwatro pa lang ng umaga. Masyado pang maaga para mag-ayos kaya ipinikit ko ulit ang aking mga mata, ngunit hindi na ako dinalaw ng antok.

Ilang sandali pa ay tumayo ako at hinubad lahat ng aking saplot. Tinungo ko ang banyo at naligo ako sa ilalim ng shower. Ramdam na ramdam ko 'yong init sa aking likuran sa tuwing dumadaloy ang tubig dito. Para bang sinisilaban 'yong katawan ko. Tiningnan ko ang aking katawan at nakitang namumula pa rin ang aking balat, lalo na 'yong mga natamaan ng tadyak ni Papa.

Binilisan ko ang pagligo at kaagad na nagtapis ng tuwalya. Huminto ako sa harap ng salamin at tiningnan ang aking mukha. Namumula 'yong kaliwang pisngi ko. Lalagyan ko na lang siguro ito ng foundation para hindi mahalata.

Lumabas ako ng banyo at nagbihis ng sando at shorts. Mamaya na ako magsusuot ng uniform dahil baka magusot ito. Isa pa ay 7:30 a.m. pa magsisimula ang aming klase.

--

Nandito ako sa loob ng klase at nakayuko sa aking desk. Masakit talaga 'yong ulo ko. Ayoko namang lumiban dahil may reporting kami ngayon.

"Ysa, masama ba 'yong pakiramdam mo?" Nag-aalalang tanong ni Jasen habang tinatapik 'yong braso ko.

Hindi na ako nag-angat ng tingin dahil umiikot 'yong paningin ko.

"Sino na ang magrereport ngayon?" Tanong ni Sir Jef.

Kahit na nahihirapan ay tumayo ako at pumunta sa harapan ng aking mga kaklase.

"Ysabelle, are you okay? Namumutla ka," puna ni Sir Jef.

"M-Medyo masakit po kasi 'yong ulo ko Sir," nanghihinang sagot ko.

"Bukas ka na lang magreport, Ysabelle. Vergara, samahan mo muna si Montaño papuntang clinic."

Hindi ko na maintindihan pa ang sumunod na sinabi ni Sir. Napahawak ako sa lamesa na nasa gitna at wala na akong nakita pa.

---

Hawak-hawak ko ang aking ulo nang bumangon ako ng kama at agad na tumambad sa akin ang natutulog na si Jansen. Nakaupo siya habang ang kaniyang ulo ay nakapatong sa kama. Lumapit sa akin ang school nurse at agad akong kinausap.

"Magpahinga ka na lang muna riyan. Sobrang taas ng lagnat mo, tapos may mga pasa ka pa, at may mga rashes din sa likod at binti mo. Ano ba ang nangyari sa'yo?" Tanong ni Nurse Kiara.

"Nalaglag po kasi ako sa hagdan namin sa bahay. At saka 'yong rashes ko po ay dahil 'yon sa allergy."

"Sa susunod ay mag-iingat ka."

Tumango na lamang ako sa kaniya at nilingon si Jansen. Natutulog pa rin siya.

"Nurse, anong oras na po ba?"

"4:30 p.m. na."

Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay kaagad siyang umalis. Mayamaya pa ay bumalik siya bitbit ang isang bottled water at gamot.

"Inumin mo ito," utos niya habang ibinibigay sa akin ang gamot at tubig.

Ininom ko naman ito at nagpasalamat sa kaniya. Nang makaalis na siya ay ginising ko si Jansen. Kailangan na naming umuwi dahil hapon na.

"Jansen, gising."

Niyugyog ko ang balikat niya at hindi nagtagal ay nagising din naman siya.

"Uuwi na tayo," sabi ko.

Kumunot naman ang noo niya at tiningnan ako ng masama.

"Masama pa ang pakiramdam mo kaya dito lang muna tayo," seryosong sabi niya.

Gusto ko nang umuwi. Doon na lang ako magpapahinga sa bahay.

"Ayoko na dito."

"Sige, ihahatid na lang kita sa bahay n'yo."

"Huwag na. Nasa labas naman ang mga bodyguards ko."

Bumaba ako ng kama at kinuha ang aking bag na nakalagay sa isang upuan.

Lumabas ako ng school clinic at tinahak and daan palabas ng school. Nasa tabi ko si Jansen at tahimik lamang siya.

"May mga announcements ba kanina?" Tanong ko sa kaniya.

"Oo. Matutuloy daw 'yong JS Prom at ako 'yong magiging escort mo," kalmadong sabi niya.

"Hindi tayo nagtest?"

"Hindi."

Hindi na kami nag-usap pa hanggang sa makarating kami ng parking lot. Bago ako pumasok sa loob ng sasakyan ay nagpaalam muna ako sa kaniya. Ilang minuto ang nakalipas ay nakarating din ako ng bahay at kaagad nagtungo sa aking silid. Tiyak akong wala pa sina Mama at Papa rito.

Pagkatapos kong magbihis ay bumaba ako sa kusina. Kailangan ko munang kumain bago magpahinga. Naghahanda ako ng mga sangkap para sa lulutuin kong tinolang manok nang madatnan ako ng bago naming kasambahay.

"Magandang hapon po," magalang na bati ko sa kaniya.

Tulad nang inaasahan ko ay hindi niya ako pinansin. Hindi na lang din ako nag-atubiling kausapin siya ulit.

Nang naluto na 'yong tinolang manok ay kaagad akong kumain. Nilinis ko rin ang kusina bago ako pumanhik sa aking silid. Hindi na gaanong masama ang aking pakiramdam at sa tingin ko'y wala na ito kinabukasan.

Hihiga na sana ako sa kama nang marinig kong merong nag-aaway sa baba. Dumating na siguro sina Mama. Sinilip ko sa aking pintuan at nakita kong paakyat sila ng hagdan.

Teka, bakit nandito na si Kuya? 8 p.m. pa natatapos 'yong klase niya ah? At bakit hindi siya nakasuot ng uniform? Hindi ba siya pumasok?

"Padalos-dalos ka kasi sa desisyon mo! Hindi ka nag-iisip!" Sigaw ni Mama kay Kuya Jared.

Ano ba ang pinag-uusapan nila?

"Hindi ko kasi inaasahan na gano'n ang mangyayari," pagpapaliwanag ni Kuya.

"Linisin mo lahat ng kalat mo dahil baka sumabit tayo. At kapag oras na nangyari 'yon, babagsak tayong lahat."

Kaagad kong isinara ang pinto nang pumasok sila sa opisina ni Papa. Bakit gano'n 'yong sinabi ni Mama? Ano ang lilinisin? At bakit babagsak? Hindi ko mapigilang maghinala sa kilos at mga salita nila. Parang may mali.

Hindi kaya ay nasangkot si Kuya sa isang krimen? Nagugulahan na ako. Hindi dapat ako nag-iisip ng ganito. Mali 'to. Pero, minsan na akong nagduda sa kanila. Hindi kaya'y totoo ang mga tumatakbo sa isipan ko? 

Vengeance Is MineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon