Chapter 27

83 7 0
                                    

Nagkagulo sa mansiyon nang dumating kami. Ang iba sa amin ay ginagamot ang mga sugat habang ako naman ay nakatitig lamang sa repleksiyon ko sa itim na tiles ng sahig.

"Morrigan, diba sabi ko sa'yo ay huwag sasaktan ang mga inosente?!"

Kaagad akong nag-angat ng tingin at hinarap si Hunter.

"Kung para sa inyo ay inosente siya, para naman sa'kin ay hindi! Wala kang alam sa nararamdaman ko... Hindi mo alam kung gaano ako nahihirapan sa tuwing nakikita ko silang masaya!"

"Morrigan, hindi mo ito sariling misyon! Anim tayo rito kaya sana naman ay nakikinig ka sa mga instructions!"

"Oo! Alam kong hindi ko ito misyon! Alam ko namang mali ako! Alam ko na hindi ko dapat ginawa 'yon, ngunit hindi mo ako masisisi! Hindi mo ako masisisi dahil galit ako! Galit na galit ako..."

Iniwan ko sila at saka ako nagtungo sa aking silid. Habang naglalakad ako ay may humawak sa aking braso. Nilingon ko naman ang nagmamay-ari ng kamay na nakahawak sa akin at nakitang si Dixel pala iyon.

"Pagagalitan mo rin ba ako?" Malungkot kong tanong sa kaniya.

Pakiramdam ko ay bubuhos na ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Hindi nila ako naiintindihan. Hindi nila alam ang nararamdaman ko kaya wala silang karapatan na husgahan ako sa ginawa ko.

Tiningnan niya lamang ako at hinila sa mini bar ng bahay. Kaagad naman siyang kumuha ng alak kaya umupo ako sa bar stool. Pinagmamasdan ko lamang siya habang nagsasalin siya sa shot glass. Nakikita ko sa kaniya si Jansen. Si Jansen na matalik kong kaibigan.

"Napakalalim yata ng iniisip mo," puna niya.

Umupo siya sa tabi ko at inabot sa akin ang isang shot glass. Hinawakan ko lamang ito at pinagmasdan.

"Alam mo bang minsan ay nakikita ko sa'yo ang bestfriend ko? Gustong-gusto ko na siyang makita ngunit masisira lamang ang plano ko kung gagawin ko 'yon... At isa pa, alam ng karamihan na patay na ako..."

"Bakit hindi mo siya puntahan at tingnan lamang kahit sa malayo?"

Nang sabihin niya ang mga salitang 'yon ay unti-unti nang namumuo ang aking mga luha. Kaagad kong ininom ang alak at pumikit para pigilan ang mga ito sa pagbuhos.

"Kapag ginawa ko 'yon ay iiyak lamang ako at magpapakita sa kaniya... I miss him...so bad."

Naging tahimik ulit ang paligid. Nilalagyan niya lamang ng alak ang aking baso sa tuwing nauubos ko ito.

"Kilala mo si Perilous?"

Napatingin naman ako sa kaniya sa gulat. Hindi ko inaasahang itatanong niya sa'kin 'yon.

"Diba siya 'yong anak ni Don Gibran?"

"Oo, at kapatid ko siya. To be honest, she's my stepsister. Sobrang bait niya sa'kin, ngunit hindi ako naging mabait sa kaniya... She's a jolly person... Palaging nakangiti at hindi ka makakarinig sa kaniya ng mga negatibong bagay... Siya 'yong legal na anak ngunit hindi ako nakarinig ng masasakit na salita sa kaniya. Akala ko nga ay sasabihan niya ako ng 'Hoy! Anak ka lang ni Daddy sa kabit niya', ngunit wala akong narinig. Sa halip ay niyakap niya ako ng napakahigpit at tinawag na 'little brother'," malungkot na tugon nito.

"Tulad mo ay ginahasa rin siya... Namatay siya at sobra talaga akong nagsisi... Hindi ko man lang nasabi sa kaniya kung gaano siya kahalaga sa'kin... Kung gaano ko siya kamahal... Alam mo ba na ako ang pumatay sa mga gumahasa sa kaniya? Ako ang bumaril sa kanila dahil pinangako ko sa sarili ko na maghihiganti ako... Maghihiganti ako para sa ate ko..."

Pinahid ko ang mga luhang dumadaloy sa aking mukha. Nagkamali ako. Naisip ko kasi na baka may relasyon sila ni Perilous. Iba kasi kung paano siya nagalit noong nakaraan. Ngayon ko lang nalaman na magkapatid pala sila.

"Alam niya naman siguro ang nararamdaman mo," mahina kong sambit.

"Papaano kung hindi?"

"Bakit hindi mo siya puntahan sa puntod niya? Tell her everything."

"Hindi ko pa kaya... Dalawang taon na ang nagdaan, ngunit sobrang sakit pa rin."

Dahil sa mga sinabi niya ay nakaramdam ako ng awa. Naaawa ako sa kaniya dahil nakikita ko talagang nasasaktan siya. Naaawa ako sa kaniya dahil nagpapanggap siyang matapang kahit durog na durog na ang puso niya.

Inabot ko ulit ang shot glass at ininom ang laman nito. Medyo umiikot na ang paningin ko at pakiramdam ko ay masusuka na ako.

Ramdam na ramdam ko ang init sa aking katawan. Nagsisimula na ring mangati ang aking likod hanggang sa napasapo ako sa aking dibdib. Nahihirapan akong huminga.

"Dixel...tulungan mo ako."

"Teka, ano ba ang nangyayari sa'yo?"

Narinig kong bumaba siya sa bar stool at pumunta sa aking likuran. Sobrang bigat ng pakiramdam ko. Hindi ako masyadong makahinga. Naramdaman ko na lang na binuhat ako ni Dixel at nagsusumigaw siya palabas ng mini bar.

"Tumawag kayo ng -----"

Hindi ko na masyadong naririnig ang kaniyang mga sinabi. Unti-unti akong nabibingi at pilit kong nilalabanan na huwag ipikit ang aking mga mata. Ilang sandali pa'y tuluyan nang binalot ng dilim ang paligid.

---

I am walking in an open field. Halos kulay puti at berde ang makikita sa paligid. Medyo malabo ngunit alam kong nasa sementeryo ako. Naglakad ako papunta sa kumpulan ng mga tao at tiningnan kung sino ang ililibing.

Lumapit ako sa isang lalaki at tinanong siya ngunit nagtaka ako nang hindi niya ako pinansin. Para bang hindi niya ako naririnig. Pumunta ako sa harapan niya ngunit hindi niya pa rin ako pinapansin. Sinubukan ko siyang hawakan ngunit hindi ko magawa. Tumagos lamang ang aking kamay. Teka, ano ba ang nangyayari sa akin?

Lumapit ako sa kabaong at nagulat akong nakita ko si Jansen. Umiiyak siya habang nakahawak dito. Sino ba ang namatay?

Nilibot ko ng tingin ang paligid at nakita ko ang pamilyang kinamumuhian ko. Anong ginagawa nila rito? At bakit may hawak silang picture frame? Hindi ko naman makita kung sino ang nasa litrato dahil nakatalikod ito sa akin.

Mabagal akong naglakad hanggang sa nakita ko ang sarili ko na nasa loob ng kabaong. Hindi! Imposible 'to! Hindi pa ako patay!

"Jansen, hindi pa ako patay!"

Paulit-ulit akong sumigaw ngunit hindi niya ako naririnig. Patuloy pa rin siyang umiiyak sa harap ng kabaong.

"Jansen!"

Vengeance Is MineWhere stories live. Discover now