Chapter 2

183 16 3
                                    

Days went by. Wala akong ibang ginawa kundi ang mag-aral at maglinis ng bahay. Sabado ngayon at abala ako sa pagdidilig ng halaman nang maalala ko ang nangyari rito sa bahay noong nakaraang araw.

"Ma, gusto ko po sanang sumama sa encampment namin," pagpapaalam ko sa kaniya.

Nasa loob kami ng opisina ni Papa. Abala sila sa pagcheck at pagpirma ng mga papeles. Marami ring nagkalat na mga papel sa sahig at kitang-kita ang pagod sa kanilang mga mukha.

"Huwag ka nang sumama. Maglinis ka na lang dito sa bahay," mahina ngunit may diin niyang sagot.

Alam ko naman na ganito ang isasagot niya, pero umasa pa rin ako na baka sa pagkakataong ito ay payagan niya na ako.

"Gusto ko po kasi talagang sumama, Ma. Kahit ito na lang po ang advance graduation gift n'yo para sa'kin," nakayukong pakiusap ko.

"Ang kapal naman talaga ng pagmumukha mo. Naiintindihan mo ba 'yong sinabi ko? Huwag kang sumama! At huwag kang umasa na may makukuha ka sa'ming regalo. Labas!"

Nasaktan ako sa sinabi niya no'ng araw na 'yon. Minsan napapatanong na lang ako sa sarili ko kung bakit nila ako ginaganito. Sa pagkakaalala ko, wala akong naging kasalanan.

Nang matapos ako sa pagdidilig, niligpit ko 'yong hose na ginamit ko. Pumasok ako sa bahay at agad tinahak ang hagdan papunta sa silid ko. Mayamaya pa ay nagulat ako nang makitang humahangos papasok ng bahay si Kuya Jared. Bakas ang galit sa kaniyang mukha. May nakaaway ba siya? Tinahak niya rin ang hagdan at dahil natigilan ako, pinandilatan niya ako ng mga mata.

"Tutunganga ka na lang ba riyan? Tabi!" Galit na sigaw niya at saka ako tinabig na naging dahilan ng muntikan kong pagkahulog sa hagdan.

Agad siyang pumasok sa opisina ni Papa at narinig kong nagsisigawan sila. May problema ba? Hindi ko na maintindihan pa ang sunod nilang pinag-usapan dahil masyado ng mahina ang kanilang mga boses. Kapag nahuli nila akong nandito paniguradong sakit sa katawan ang aabutin ko kaya mas mabuti pang dumiretso na lang ako sa aking silid.

Humiga ako sa aking kama at tinitigan ang kisame. Sumama kaya si Jansen sa camp? Masaya kaya sila roon?

Napabalikwas ako sa kama nang maalalang may mga damit pa pala akong kailangang labhan. Dali-dali akong pumunta sa likod ng bahay at naabutan kong naglalaba si Nanay Fe.

"Nay, bakit hindi niyo ako tinawag? Ako dapat ang maglalaba ng mga 'yan eh," sabi ko.

"Alam ko naman kasing pagod ka na 'nak," sagot niya.

Napangiti na lamang ako sa isinagot niya. Tahimik ko siyang pinagmasdan at kitang-kita ko ang tagaktak ng kaniyang pawis habang kinukusot ang mga damit.

"Tutulungan na lang po kita, Nay," nakangiting sambit ko.

Napabuntong-hininga na lamang siya at tumango.

Sumapit ang gabi at naging abala kami ni Nanay Fe sa paghahanda ng hapunan. Naglalakad ako papuntang dining area bitbit ang isang glassware na may lamang ulam ng bigla kong nasagi ang figurine na nakapatong sa lamesa. Agad akong nataranta ng makitang bitak-bitak na ito sa sahig.

"Ano na naman ba ang ginawa mo?!"

Napatingin ako kay Mama nang sumigaw siya. Kasama niyang dumating sina Papa, ate at kuya.

"M-Ma, hindi ko po sinasadya," naluluhang tugon ko.

Natatakot ako sa maaaring gawin niya sa'kin. Isang sandali pa ay lumapit siya sa'kin at binigyan ako ng isang malakas na sampal. Kasabay nito ay ang pagkahulog ng glassware na hawak-hawak ko.

"Stupid! Hindi sinasadya? Alam mo bang mas mahal pa 'yan sa buhay mo?" Galit na saad niya at hinila ang aking buhok.

"Sorry Ma. Hindi ko po talaga sinasadya," umiiyak na sambit ko.

Hinila niya ako papuntang sala at naramdaman kong nakasunod sa amin ang aking ama at mga kapatid.

"Kahit kailan, wala kang kwenta!"

Agad niya akong tinulak at naging dahilan iyon ng pagkakatumba at pagkakauntog ko sa coffee table.

"Ma," tawag ko sa kaniya.

"Huwag mo akong matawag-tawag na Mama dahil kahit kailan ay hindi kita ituturing na anak! Naiintindihan mo ako?!"

Mas lalo akong napaiyak sa sinabi niya. Mama ko siya pero bakit gan'to? Bakit niya ako sinasaktan? Tumayo ako at tiningnan si Mama. Sinalubong ang mga nakamamatay niyang mga tingin.

"Ano bang kasalan ko sa inyo, Ma? Lahat naman ay ginawa ko. Lahat naman ng utos n'yo ay sinusunod ko. Ma, anak n'yo ako. Sana naman maintindihan n'yo na nasasaktan din ako!"

Gusto ko na sa pagkakataong ito ay malaman nila ang nararamdaman ko. Gusto kong malaman lahat ng mga rason kung bakit ganito nila ako kung itrato.

"Wala ka talagang respeto!" Malakas na sigaw ni Papa saka ako binigyan ng isang malakas na sampal sa mukha.

Respeto? Sobra-sobra pa nga ang respeto na ibinibigay ko sa kanila. Kahit na hindi sila karapat-dapat bigyan no'n.

"Ito ang tatandaan mo, Ysabelle... wala kang karapatang kwestyunin kung paano ka namin itrato dahil hangga't nasa puder at pamamahay kita, lahat ay gagawin at titiisin mo," huling sabi ni Mama bago siya umalis.

Mabilis naman siyang sinundan ni Papa at naiwan sila Ate Maurine at Kuya Jared sa harapan ko. Pareho nila akong binigyan ng nakakainsultong ngiti. Yumuko na lamang ako at pinahid ang aking mga luha.

Hindi ko na nagawang maghapunan ng dahil sa nangyari. Mas pinili kong umalis ng bahay at pumunta sa malapit na park. Gaya nang inaasahan ko, walang tao. Umupo ako sa swing at tumingala sa langit. Hindi ko mapigilang mamangha sapagkat napakaganda ng kalangitan ngayon. Salungat ng nararamdaman ko.

"Gabi na pero nandito ka pa rin sa labas."

Nagulat ako nang marinig ko ang isang pamilyar na boses na nagmula sa aking likuran. Agad akong lumingon sa kaniya at hindi nga ako nagkamali.

"Hindi ka sumama sa camp?!" Gulat na tanong ko sa kaniya.

"Tinatamad kasi ako," sagot niya at saka siya umupo sa kabilang swing. Muli akong tumingala sa kalangitan. Napakaganda nito dahil sa mga nagliliwanag na bituin.

"May problema ka ba?" Tanong ni Jansen habang nakatingala rin sa ibabaw at pinagmamasdan ang nagkikislapang mga bituin.

"Wala. Pagod lang ako," pilit na ngiting sagot ko.

"Pagod saan?" Mahinang tanong niya.

Alam kong nararamdaman niyang may problema ako. At alam ko ring pinipigilan niya lamang ang kaniyang sarili na tanungin ako sa mga bagay-bagay na ayaw kong pag-usapan.

"I'mtired of everything..."

Vengeance Is MineWhere stories live. Discover now