Chapter 22

101 9 1
                                    

Pagkatapos naming mag-usap ni Don Gibran ay inaya niya akong lumabas ng silid. Agad namang sumalubong sa akin ang malakas na ihip ng hangin. Nasa gitna kami ng karagatan at hindi ko alam kung saan kami pupunta.

"Saan po tayo pupunta?"

"Sa lugar na kung saan ka muna mananatili para magsanay. Huwag kang mag-alala dahil malapit na tayo," sabi ni Don Gibran.

Napatango na lamang ako at tiningnan ang asul na tubig. Masakit ang pagtama ng sikat ng araw sa aking balat kaya lumipat ako ng pwesto.

"Hindi ka pa ba nagugutom?"

Napalingon ako kay Don Gibran nang tanungin niya ako. Iiling na sana ako, ngunit narinig kong kumukulo ang tiyan ka. Teka, anong oras na ba?

"Dixel! Dalhan mo ako rito ng pagkain," utos niya sa isang lalaki.

"Pumapatay din ba siya?"

Sa tingin ko kasi ay magka-edad lang kami ni Dixel.

"Oo," seryosong sambit ni Don Gibran.

Napayuko na lamang ako at tiningnan ang aking mga paa. Mabilis namang nakarating si Dixel kaya umupo ako para kumain. Hindi ko maiwasang mapatingin sa kaniya. Papaano niya nagagawang pumatay sa edad na 'yan?

Napaiwas ako ng tingin ng lumingon siya sa'kin. Kaagad ko namang isinubo ang nahawakan kong pagkain at hindi na siya tiningnan pa.

"Kanina pa tayo nag-uusap ngunit hindi ko naitanong ang iyong pangalan," sambit ni Don Gibran.

"Ysabelle...Ysabelle Montaño," seryosong sagot ko.

"Don Gibran! May paparating po!""

Nagkagulo sa loob ng yate ng dahil sa sigaw ng isa sa mga armadong lalaki. Lahat sila ay nakahawak sa kanilang mga baril na parang may mga kalaban na paparating. Shit!

Napatakip ako sa aking mga tainga nang makarinig ako ng mga putok ng baril. Nakita ko kung paano tumama ang mga bala sa iba't-ibang bahagi ng yate.

"Dixel, ipasok mo si Ysabelle sa silid! Bilis!"

Mabilis akong hinila ni Dixel patungo sa silid. Hindi ko mapigilang umiyak habang palinga-linga sa paligid. Natatakot ako. Nakatakas na nga ako sa mga taong gumahasa sa'kin, tapos ito na naman?

"Hawakan mo 'to," utos ni Dixel habang ibinibigay sa akin ang isang baril.

"Ayoko!"

"Ano ba?! Pwede bang 'wag ka nang mag-inarte? Gamitin mo 'yan para iligtas ang sarili mo! Huwag kang magdadalawang-isip na barilin ang mga kalaban dahil kapag naunahan ka nila ay mamamaalam ka sa mundong 'to!"

Iniwan niya ang baril sa harapan ko at kaagad naman siyang lumabas ng silid. Maririnig pa rin ang putukan sa buong paligid. May mga sumisigaw naman sa sakit at galit. Bakit ba nangyayari ang mga ito?

Kinuha ko ang baril at sinubukan itong i-angat ngunit nahulog ko lamang ito dahil sa bigat. Kinuha ko ulit ito gamit ang aking nangiginig na mga kamay. Natatakot akong gamitin ito dahil hindi ako marunong. Sana naman ay matapos na ito.

Ilang saglit pa ay nagkaroon ng katahimikan. Tapos na ba? Napatay na ba nilang lahat ang mga kalaban? Kung gano'n, bakit hindi pa nila ako binabalikan?

Dahan-dahan akong naglakad papunta sa pintuan bitbit ang baril na ibinigay sa akin. Maingat kong pinihit ang door knob at saka sinilip ang labas. Ang mga kagamitan ay nagkalat sa sahig. Ang ibang mga armadong lalaki kanina ay sugatan. Alam kong humihinga pa ang iba sa kanila ngunit ang iba naman ay wala ng buhay.

Pagkatapos kong masiguro na walang kalaban ay tuluyan akong lumabas sa pinagtataguan ko. Nasaan na ba sila ni Don Gibran at Dixel?

Maingay sa unang palapag ng yate kaya nagtungo ako sa hagdan para bumaba roon. Dahan-dahan akong naglakad hanggang sa nakita kong duguan si Dixel sa sahig at wala itong malay. Hinanap ko si Don Gibran at nakita kong sinasaktan siya ng isang lalaki. Tulad ni Dixel ay duguan na rin siya ngunit ito ay may malay pa.

Kaagad kong inangat ang baril na hawak ko at itinutok sa lalaki. Nanginginig ang aking mga kamay habang unti-unting kinakalabit ang gatilyo. Nabitawan ko na lamang ang baril nang makarinig ako ng putok.

Bumagsak ang katawan ng lalaki at nakita ko kung paano niya hawakan ang kaniyang kaliwang dibdib. May mga lumalabas din na dugo sa kaniyang bibig. Nakatingin lamang siya sa'kin kaya umatras ako. Ilang sandali pa ay pumikit ang kaniyang mga mata.

Pabalik-balik ang tingin ko sa aking mga kamay at sa lalaking nakahandusay sa sahig hanggang sa unti-unti kong naunawaan ang aking ginawa. Nakapatay ako.

May mga pumasok na mga armadong lalaki at agad nilang tinulungan si Don Gibran at Dixel. Samantalang napaupo ako sa sahig at wala ng pakialam kung naupuan ko ang mga patak ng dugo.

Paulit-ulit lamang na naglalaro sa aking isipan ang nangyari kanina. Ang pagpatay ko sa lalaki. Ang unti-unti nitong panghihina hanggang sa mawalan ng buhay.

"Tumayo ka na at aalis tayo rito," mahinang sabi ni Don Gibran.

Hindi ko siya pinakinggan. Tiningnan ko lamang ang aking mga paa na nababalot ng dugo. Sinubukan ko itong tanggalin gamit ang aking kamay ngunit kumakalat lamang ito.

Sa aking pagtayo ay biglang umikot ang aking paningin. Napahawak ako sa dingding ngunit natumba lamang ako. Pilit kong binubuksan ang aking mga mata ngunit napakahirap nitong gawin. Hindi ko na rin masyadong naririnig ang kanilang mga sinasabi hanggang sa binalot na talaga ng dilim ang buong paligid.

---

"Fuck! Hanapin n'yo!"

Nagising ako sa ingay at agad na inilibot ang tingin sa buong paligid. Nasaan na naman ba ako?

"Buti naman at gising ka na," pagsasalita ng lalaki.

Tiningnan ko naman siya at napagtantong si Dixel pala ang kasama ko.

"Puwede bang tanggalin mo 'tong mga nakakabit sa kamay ko?"

"Hindi puwede. Mahina pa ang iyong katawan. Alam mo bang dalawang araw ka nang natutulog?"

Tumahimik na lamang ako at pinagmasdan ang aking kamay. Ilang sandali pa ay nakarinig ako ng tunog ng cellphone. Napatingin naman ako kay Dixel at inis niyang inilagay ang cellphone sa kaniyang tainga.

"Ano na naman?! Hanapin n'yo at patayin!"

Malakas niyang sigaw sa kausap niya. Napayuko ako nang marinig ko ang salitang 'patayin'. Bakit napakadali sa kanila ang pumatay?

"Pasensiya na," mahinang sabi ni Dixel.

"Bakit ka ba pumapatay ng mga tao?"

Gulong-gulo na ako. Hindi ba siya nakokonsensiya sa mga ginagawa niya?

"May mga dahilan ako kung bakit nagagawa kong pumatay. Sa ngayon ay hindi mo pa naiintindihan, ngunit darating ang araw na mapipilitan kang gawin ang bagay na 'to."

Vengeance Is MineWhere stories live. Discover now