Chapter XXVIII - Ang nayon ng Bakokoy

2.2K 120 19
                                    

Isang napakagandang nayon na napapalibutan ng mga naglalakihan at nagtataasang puno ng Balete ang Bakokoy; sa itaas ng mga puno ay makikitang nakatayo ang ilang mga munting kubo at mahahabang mga tulay na yari sa pinagbuhol-buhol na makakapal na baging at tabla na kumokonekta sa bawat naglalakihang mga puno na naging daan upang makatawid ang mga naninirahan dito patungo sa iba't ibang tindahan na nakatayo rin sa itaas ng mga naglalakihang puno.

Sa ilalim naman, kung saan makikita ang luntiang mga damo na maayos na ginupit at mga dwendeng nagtutulungan habang dahan-dahang isinasakay sa maliit na bagon ang mga naglalakihang mga dyamante at nagkikintabang mga ginto ay makikita ang isang dwende na nakaupo sa isang silyang yari kawayan; katulad ni Lerting at ng lahat ng mga dwendeng nakatira dito ay maliit lamang ito, bilugan ang katawan, may mahabang pares ng tenga, mahabang ilong at maliliit ngunit matutulis na kuko.

"Itay! Itay! May mga bisita tayo! Mga kaibigan ni Amain!" Nagagalak na sigaw ni Lerting habang nilalapitan ang dwendeng taimtim na nakaupo sa silya at humihithit mula sa kanyang mahabang pipa.

"Hmm?" Bigla kaming nilingon ng dwende.Sa unang tingin ay iisipin mong si Lerting ito, kung hindi lamang sa tuwid at parang dayami nitong buhok, habang ang kay Lerting naman ay kulot.

Ang dwendeng ito, ay ang ama niLerting. Si Erting.

"M-mga t-tao?" Nagulat na saad ni Erting habang pinagmamasdan niya kaming papalapit sa direksyon niya.

"Magandang araw po mang Erting." Sabay-sabay naming binati ang gulat na gulat na dwende.

Dahan-dahang lumingon si Erting kay Lerting, napansin naming ang dahan-dahang pagsalubong ng mga kilay nito at ang mabilis na pamumula ng kalmado nitong mukha.

"Ah eh--" Naudolot kong sambit.

"Lerting! Ikaw na bata ka! Hindi ba't kabilinbilinan ko ay 'wag na 'wag kang makikisalamuha sa mga taga-lupa!? Ano na naman itong ginawa mo? Nakipaglaro ka na naman sa mga taga-lupa?! Wala nang natitirang pulbos--ubos na ang pulbos ng mariposa! Kaka-budbod d'yan sa mga taga-lupang nililigaw mo dito!"  Bulyaw ni Erting sa noon ay namimilipit sa sakit na si Lerting. Hawak-hawak kasi niya ito sa tenga at manaka-naka'y kinukurot at pinapalipit ito.

"Aray, aray, aray--Aray ko po itay!" Daing ni Lerting. "Hindi sila mga pangkaraniwang taga-lupa ama! May mga kapangyarihan sila! At isa pa, kakilala nila si Amain!"

Parang natigilan si Mang Erting sa sinabing ito ng kanyang anak, dahan-dahan nitong binitawan ang tenga ni Lerting at mahinahon na lumapit sa amin. Pinagmasdan niya kaming mabuti, hindi naman kami nakapagsalita.

"Totoo nga ba? Kilala ninyo si Amain?" Tanong sa amin ni Mang Erting. "Kung gayon ay madali kayo--Lerting! Samahan mo ang ating mga panauhin sa itaas, ipaghanda mo na rin sila ng kape at tinapay." Inutusan niya ang kanyang anak.

"Halina kayo! Dali-Dali!" Mariin na sambit ni Lerting habang inaakyat nito ang hagdanang yari rin sa pinagbuhol-buhol at pinagdikit-dikit na baging at sanga ng puno.

Nagtinginan na lamang kamig magpipinsan, nagkibit-balikat at dali-daling inakyat ang hagdanan para sundan ang nagmamadaling si Lerting.

"Ang weird..." Saad ko kay Kuya Gayle ng marating namin ang dulo ng hagdan at sinimulan na naming tawirin ang mga mahahaba at gumegewang-gewang na tulay. "Sikat na sikat si Tatang dito 'no?" Dagdag ko.

"Hayaan mo na--ayos nga eh, hindi na tayo para mangamba na baka anuhin tayo ng mga 'to, bilisan na lang natin." Sagot naman ni Kuya Gayle na kanina pa pinagmamasdan ang mga dwende sa paligid habang hinihimas nito ang kanyang mga braso. Parang naalibadbaran ito sa mga dwende.

"Nagmamadali ka?" Tanong ni Paolo. "Eh sa'n naman tayo pupunta pagkatapos? Eh 'di ba sabi ni Tatang hintayin daw natin siya?" Dagdag nito.

"Kung makakapunta pa siya--Eh kung hindi? May lakad 'yun 'di ba?" Sabat ko naman.

Natigilan naman si Kuya Gayle sabay nagkamot ng ulo, tinitigan niya kami ni Paolo na para bang alalang-alala ito. "Ayoko dito. Kanina pa tayo pinagmamasdan ng mga dwende dito e--creepy."

Nagpalinga-linga ako, tama naman si Kuya Gayle... Pinagmamasdan kami ng mga dwende dito...

Gusto kong matawa--actually natawa naman ako, sino ba naman ang hindi; kanina lang halos bugbugin ni Kuya Gayle 'tong si Lerting, tapos ngayon daig pa n'ya nakapitan ng ipis sa pagka-irita.

Pero napansin ko nga rin... Kanina pa kami pinagmamasdan ng mga dwende dito, simula pa nung ipakilala kami ni Lerting sa tatay niya. Hindi ko nalang pinansin.

Malay ko ba kung ngayon lang sila nakakita ng Tao.

Hanggang sa marating namin ang isang maliit na kubo na may makapal na telang itinabing at nagsilbing pintuan nitong maliit na barong-barong, maliit lamang ang bahay na iyon--nakayuko pa nga kaming pumasok e, kung hindi lang kami inalok ni Lerting na maupo e siguradong mananakit ang mga leeg namin.

"Pagpasensyahan n'yo na kung pinagtitinginan kayo ng dwende dito--hindi naman sa hindi kami sanay mamakita ng mga taga-lupa, nagiging mapagmatyag at alerto lang kami. May mga ibang taga-lupa kasi na naligaw dito, pagkatapos ninakawan kami, ang iba sa amin iniuwi pabalik ng kanilang mundo sa pag-aakalang may kapangyarihan kaming makapagpalabas ng dyamante at ginto. Pero hindi naman ganun ang kapangyarihan namin e..." Saad ni Lerting habang inihahanda ang mga tasang yari sa kawayan na may lamang mabango at umuusok na kape.

"S-sorry..." Malumanay na sambit ni Kuya Gayle.

"Ayos lang, nalulungkot lang ako sa tuwing maaalala ko 'yong pangyayaring 'yon--matagal na matagal na 'yun, mga limampung taon na ang nakalilipas, may mga naligaw na mangangaso na galing sa mundo ninyo ang napadpad dito sa Bakokoy, ako ang unang nakakita sa kanila--sugatan sila noon kaya naman tinulungan ko sila, dinala ko sila dito hanggang sa maghilom ang mga sugat sugat nila at manumbalik ang kanilang lakas. Nakita rin nila kung gaano kasagana sa dyamante at ginto ang nayon na ito, nakita rin nila kung papaano namin minimina ang mga ito--noong una ay mababait naman sila, mababait sila--binigyan pa nga namin sila ng mga ginto at dyamante bago sila bumalik sa kanilang mundo, kaya lang--" Natigilan si Lerting.

Siya namang pagpasok ni Mang Erting. Tatayo sana kami nina Kuya Gayle para mag-bigay galang kaya lang sinabihan na lang kami ni Mang Erting na manatili sa pagkaka-upo.

"Kaya lang bumalik sila sa Bakokoy, at hindi namin inaasahang isang malagim na pangyayari ang magaganap sa pagbabalik nilang iyon. " Wika ni Mang Erting. "Bumalik sila dito dala-dala ang mga sandata nila sa pangangaso at sinimulan ang panggugulo sa buong nayon, ninakaw nila ang mga dyamante at ginto na ilang buwan naming pinagminahan at inimpok; kung susumahin ay napakadali namang palitan ng mga iyon--ngunit hindi lang ang mga iyon ang kinuha nila dito sa Bakokoy." Nilingon nito ang anak.

"Kinuha nila ng sapilitan ang ilang mga dwende, kasama na ang nanay at kapatid kong babae; inakala nilang mahika naming mga dwende ang dahilan kung bakit napakarami naming naiimbak na dyamante at ginto--inakala nilang kami mismo ang lumilikha sa mga dyamante at ginto na 'yon. Mga ganid at mga walang puso sila--hinding hindi ko sila mapapatawad..." Mariin na sambit ni Lerting, napansin ko kung gaano kahigpit ang pagkakatiklop ng kanyang mga kamao.

"Wala na kaming nagawa--hindi na namin nailigtas ang mga kasamahan naming dinukot nila, at sa huli nalaman nalang namin na..." Natigilan si Mang Erting. "...Nalaman nalang namin na namatay na sa pang-aabuso ng mga taga-lupang iyon ang aming mga kasamahan..."

"Kasama na si Inay at si Bening." Nanginginig na saad ni Lerting, napansin kong nagngingilid na sa mga mata nito ang luha na pinipilit niyang pinipigil sa pagpatak. "Wala na sila..."

Natigilan kaming magpipinsan, naging tahimik ang buong paligid--awkward e, hindi naman namin inaasahang may ganito palang kwento itong si Lerting, wala namang sinasabi sa amin si Tatang na iba pala ang tingin ng mga dwende ng Bakokoy sa mga tulad naming taga-lupa.

Lintik talaga oh--ang buong akala ko ba naman eh chicken feed lang 'tong iniuutos sa'min ni Tatang, akala ko magpapapalit lang kami. Hindi ko naman inakalang makakarinig pa kami ng mala MMK na kwento...

Pero naawa ako sa kanila a... At medyo nailang at nahiya, dahil taga-lupa rin ako--kami. Hindi malayong pangilagan namin ang isa't isa ngayong nalaman na namin ang mapait na sinapit ng nayong ito mula sa mga katulad naming Tao.

"P-p-pasensya n-na p-po--" Nanginginig kong saad, hindi ko kasi talaga alam ang dapat sabihin. Hindi ko alam kung magsosorry ba ako--eh hindi naman kami 'yung gumawa no'n, o kung ano--basta, hindi ko alam ang gagawin o sasabihin. 

"Ano ba itong pinag-uusapan natin? Hindi naman ito ang pakay ninyo hindi ba?" Bulalas ni Mang Erting habang tinatapik ang likod ng anak niyang kanina pa nakayuko. "Lerting, kumuha ka ng tinapay." Utos nito sa anak na dali-dali namang tumalima.

Ayun, buti nalang marunong makiramdam itong si Manong. Medyo nakahinga ako ng maluwag--maygad!

"Pinapunta po kami ni Tatang Lucas dito para ipagpalit ang mga ito, gagamitin po namin iyan sa aming paglalakbay--" Nagkakamot na sambit ni Kuya Gayle habang iniaabot kat Mang Erting ang supot na may lamang mga pera.

Hindi napansin ni Kuya na nalaglag pala mula sa pagkakabunot niya ng supot mula sa kanyang bulsa 'yung badge na ibinigay sa amin ni Acacia noong araw na ibinigay n'ya sa amin ang mga sandata namin. Sagisag daw 'yon na mandirigma kami ng kaharian--at marami daw magagawa 'yon sa amin habang nasa Arentis kami, parang chapa ng pulis--gano'n.

Napansin naman iyon ni Lerting habang papalapit ito sa amin dala-dala ang isang pinggan ng pandesal. Pinulot niya ito at pinagmasdang mabuti.

"Mga mandirigma kayo ng Arentis?" Nagulat nitong saad habang ipinapakita sa amin ang nalaglag na badge ni Kuya Gayle.

"Oo." Sagot ko."Bakit?"

"Nakakagulat talaga kayo--sino bang mag-aakalang ang mga batang katulad ninyo ay mga mandirigma pala ng kaharian?" Namamanghang bulalas ni Lerting.

"Nung isang araw palang po kami binasbasan ng reyna--" Sagot naman ni Paolo.

"Kung gayon ay nasa isang misyon kayo?" Tanong naman ni Mang Erting habang binibilang ang mga salaping laman ng supot na iniabot ni Kuya Gayle. "Maaari ko bang malaman ang minsyon na iniatas sa inyo ng reyna?"

Natigilan ako, wala namang sinabi sa amin si Tatang na ilihim namin ang tungkol sa misyon namin--wala akong matandaan, okay lang naman siguro kung sabihin namin.

Tinignan ko si Kuya Gayle at Paolo ng matagal, para bang tinatanong ko sila sa mga titig ko at humihingi ng suwestyon kung tama ba na ikwento ko sa kanila ang tungkol sa aming misyon.

Tumango naman si Kuya Gayle, ngunit ng magsasalita na sana ako e bigla naman siyang sumabat.

"Inatasan po kami upang hanapin ang isang--tao--taga-lupa sa mundo namin..." Sambit ni Kuya Gayle, tinignan ako nito at muling nilingon si Mang Erting.

"Nakakatuwang isipin--na patuloy pa rin sa pagtitiwala ang mahal na reyna sa mga taga-lupang katulad ninyo, kahit na isang taga-lupa rin ang ngayon ay malayang naghahasik ng delubyo sa buong kaharian..." Sambit ni Mang Erting.

Natigilan na naman ako. Tama ba ang narinig ko, Taga-lupa?

"Ano pong ibig ninyong sabihin?" Tanong ni Paolo.

"Gaya ninyo ay may isang taga-lupa rin ang binasbasan ng mahal na reyna at naging mandirigma ng Arentis, malakas ang taga-lupang iyon kahit na ba mas matanda lamang siya ng ilang taon noong unang beses siyang pumunta dito kasama ni Amain." Bulalas ni Mang Erting na patuloy pa rin sa pagbibilang sa mga barya.

"Ang ibig n'yo po bang sabihin, may isa pang taga-lupa bukod sa amin ang tinuturuan ni Tatang?" Tanong ni Kuya Gayle.

Kumunot ang noo ko--may isa pa? Sino naman 'yon? Ang akala ko ba tatlo lang kami ng mga pinsan ko ang hinirang? Bakit may isa pa?

Bakit parang wala namang nababanggit sa amin si Tatang?

"Dating tinuruan bata, dating estudyante..." Dagliang sambit ni Mang Erting. "Matagal ng panahon ang nakakalipas, simula ng isama ni Amain ang taga-lupang iyon dito sa Bakokoy, upang hingin mula sa amin ang makapangyarihang espada ng buwan--ang Lumina. Hindi naman kami nakatanggi dahil hiling iyon ni Amain at espesyal para sa aming mga dwende si Amain..." Dagdag niya.

Ang daya a, kami pinapunta lang dito para magpapalit ng pera tapos 'yung dati niyang estudyante inihingi n'ya pa ng espada--unfair! Ngayon ko lang nalaman na may favoritism pala 'tong si Tatang.

Pero sino ba talaga 'tong ikinukwento ni Mang Erting at parang napapailing na lang 'to habang ikinikwento niya sa amin ang tungkol sa dating estudyante ni Tatang?

"Ah eh---" Naudlot na naman ako sa pagsasalita.

"Gaano na po katagal simula ng huli ninyong makita 'yung estudyanteng 'yon ni Tatang?" Sabat ni Kuya Gayle.

Nakakarami na 'tong si Kuya Gayle ah, naku kung hindi lang kita Kuya...

"May sampung taon na rin ang nakakalipas, dito na nanirahan sa Arentis ang taga-lupang iyon--kinupkop siya ni Amain at pinatira sa palasyo, at gaya ng inaasahan--dahil nasa pangangalaga siya ni Amain ay lumaki ang taga-lupang iyon bilang isang mahusay na mandirigma, napakahusay ng mandirigmang iyon, na ginawaran siya at binansagan bilang pinuno ng lahat ng mga mandirigma ng buong kaharian--" Sambit ni Mang Erting.

Matagal na rin pala--baby pa pala kami noong nangyari ang lahat ng ikinukwento sa amin ni Mang Erting, pero hindi pa rin ako mapakali e--gusto ko talagang malaman kung sino 'yung estudyanteng 'yun ni Tatang.

"Ano po ang pangalan ng estudyang tinutukoy ninyo?" Tanong ko. Sa wakas! Hindi na naka-sabat si Kuya Gayle.

Sandaling huminto sa pagbibilang si Mang Erting at bumuntong hininga, dahan-dahan niya kaming nilingon at pinagmasdan.

"Ang pangalan niya ay Nathaniel... Ang punong mandirigma ng Arentis na si Nathaniel... Ngunit hindi na niya ginagamit ang pangalan n'yang ito... Hindi na rin papuri at galak ang maririnig sa mga taga-Arentis sa tuwing maririnig ang pangalan niyang iyan, dahil sa tuwing sasambitin ng kung sino man sa Arentis ang pangalan niyang iyan ay tanging takot at pagkasuklam ang tangi nilang hinaing at hiyaw... Wala na si Nathaniel..." Bumuntong hininga muli si Mang Erting. "Wala na ang dating mabait na batang hinandugan namin ng Espada, wala na... Dahil mas kilala na s'ya sa ngalang..."

"Bakunawa."
Sambit ni Lerting.

Natigilan kaming magpipinsan... Totoo ba 'to? Dating estudyante ni Tatang si Bakunawa?

Hindi ko magawang makapagsalita, parang biglang kumabog ang dibdib ko. Seryoso? Hindi ba ako nabibigngi sa mga narinig ko? Estudyante talaga ni Tatang si Bakunawa?

At tao rin pala siya?

                                                                        ***






Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently EditingWhere stories live. Discover now