Chapter XIII - Si Bakunawa

3.4K 157 28
                                    

Third Person's POV [Flashback/Filler]
--------------------------------------------------

Mayroon isang nakapalaking puno ng accacia sa gitna ng isang kakahuyan, sa labas lamang at kanlurang bahagi ng isang siyudad na kung tawagin ay Hilaganon. Ngunit kakaiba ang punong ito sa lahat ng mga punong kahoy na matayog na nakatayo dito sa kakahuyan, dahil ang punong ito ay may butas -- hindi ito katulad ng mga butas na madalas mong makita sa mga puno, hindi ito isang butas na madalas ay may mga marka ng natuyong dagta. Isa itong butas kung saan mahigpit na naka-kabit ang isang pinto, isang pinto na hindi mo rin naman agad mapapansin dahil natatakpan ito ng makakapal na lumot.

Oo, ang butas na ito ay isang pinto, pinto papasok ng isang bahay, isang bahay kung saan ang mga gamit ay kakaiba at sari-sari: mga tuyong dahon na nakapatong sa isang lamesita, mga orasyong naka-ukit sa bawat sulok ng dingding, mga nagkakapalang libro na patong-patong na nakaligpit at tila ba ina-alikabok na sa isang sulok malapit sa isang maliit na papag.

Ito ang makikita sa loob ng butas ng napakalaking accacia na ito, isang maliit na silid.

At tuwing hating-gabi lamang bumubukas ang pinto na ito na mahigpit na naka-kabit sa puno ng accacia at natatakbluban ng mga nagkakapalang lumot. Senyales na may namamalagi at nakatira dito, ngunit sino? Sino nga ba? Kahit ang mga taga Hilaganon ay walang kaalam-alam na may nakatira dito sa kakahuyan.

Wala. Ni isa ay walang nakakaalam.

Dahil ang nakatira dito ay hindi naman talaga lumalabas ng kanyang munting lungga, kadalasan ay nasa loob lamang ito ng puno, nagkukubli. nagtatago.

At tuwing gabi lamang ito lumalabas upang maghanap ng kanyang makakakain para sa kinabukasan.

Tuwing gabi lamang, kapag maliwanag na ang buwan at tulog na ang lahat ng mga nasa siyudad at tanging huni na lamang ng mga palaka at kuliglig ang tanging maririnig mo dito sa kakahuyan.

Ngunit kakaiba ang araw ito, dahil ngayong umaga -- ang pinto na mahigpit na naka-kabit sa butas nitong puno ng accacia na kadalasang balot lamang ng mga lumot ay dahan-dahang bumukas.

At lumabas dito ang isang babaeng nakasuot ng puting balabal, nakasuot ito ng belo na ipinatakip niya sa kanyang ulo at mukha, nagmasid-masid ito -- tila ba pinagmamasdan ang paligid, nakikiramdam.

Sandali lamang na tumigil upang makiramdam ang babaeng ito, at pagkatapos ay nagsimula na itong maglakad.

Tinahak ng babaeng ito ang madilim na kakahuyan hanggang sa marating nito ang isang sapa na malapit lamang sa punong accacia na kanyang tinitirahan, lumuhod ito at tinignan ang mababaw na sapa ngunit hindi para manalamin --

"Hindi pa sana ako huli..." Bulong ng babae sa kanyang sarili.

Dahan-dahang inalis ng babae ang kanyang balabal at humarap sa malinis na sapa, pinagmasdan nito ang kanyang mukha; maiksi at gulo-gulo ang buhok nitong itim na may kauting uban -- pahiwatig na may katandaan na ang babaeng ito, isama mo pa rito ang bagsak nitong mga pisngi at malamlam nitong mga mata.

Ang babaeng ito ay si Pelayon.

Muling tumingala si Pelayon at pumikit, pinakikiramdaman ang paligid -- payapa ang umagang iyon sa kakahuyan; bukod sa malambing na haplos ng bukang liwayway at huni ng mga bagong gising na ibon ay wala ng sinuman ang naroon.

Bukod kay Pelayon.

Nang mapansin ni Pelayon na nag-iisa pa rin siya sa kakahuyan ay ngumiti ito, sumilip muli sa sapa at inilubog ang kanyang kanang kamay -- pumikit ito.

"L'avenir..." Bulong ni Pelayon habang dahan-dahan nitong iwinawagayway ang kanyang nakalubog na kamay sa tahimik na sapa, na noon ay dagliang nabulabog.

Biglang nagliwanag ang sapa -- nakakasilaw ang puting liwanag nito, ngunit nanatiling nakatitig si Pelayon -- nanatili lamang itong nakaupo at nakatigin sa mga nangyayari.

Ilang sandali lamang ay nawala rin ang liwanag at kasunod nito ang paglitaw ng mga imahe sa sapa, hindi imahe ng mga punong kahoy at asul na kalangitan na madalas nitong sinasalamin sa umaga -- kung hindi isang imahe ng isang batang babae na masayang naglalaro sa isang duyan na nakasabit sa isang puno ng mangga.

Ikinumpas ni Pelayon ang kanyang kamay na siya namang naging dahilan ng pagbabago ng imahe.

Isang lalake naman ang lumabas na imahe, isang lalakeng nakasuot ng baluti at pananggalang na yari sa pinagdikit-dikit na buto ng hindi mawaring hayop, naglalakad ito ng mag-isa sa isang kakahuyan.

Tila ba nagulat si Pelayon ng makita niya ang imahe ng lalake, para bang namumukaan niya ito.

Ikinumpas muli ng babae ang kanyang kamay upang baguhin ang imahe.

Napakadilim ng sumunod na imahe, walang makita si Pelayon kung hindi kadiliman -- iwawagayway na sana muli ni Pelayon ang kanyang kamay ngunit biglang may nagbago sa imahe.

"Hindi ba't iyan ang..."

Isang maliit na batong kulay lila ang lumabas sa imahe, tinitigan itong mabuti ni Pelayon -- walang duda, hindi ito maaaring magkami -- iyon ang nawawalang Balani.

Ngunit bakit nagpakita ang balani?

Nagbago muli ang imahe at lumabas ang imahe ng batang babaeng unang nakita ni Pelayon na naglalaro sa isang duyan na nakasabit sa puno ng mangga -- ngunit wala na itong buhay, nakahiga ito nang nakadilat ang mga mata at may gilit sa leeg kung saan mabagal na umaagos ang kulay rosas at malapot nitong dugo patungo sa balani --

Kakaunti pa lamang na patak ng dugo ang pumatak sa balani ng bigla itong nanginig, para itong isang animal na gustong gustong makawala sa pagkakakulong -- bayolente ang mga tugon nito sa bawat pagpatak ng dugo mula sa walang buhay na batang babae.

Ilang sandali pa ay nagliwanag ang balani -- at ng mga oras na iyon ay kinuha ito ng lalaki na una ring nakita ni Pelayon kanina, hinawakan niya ang nagliliwanag na balani at dahan-dahan itong isinilid sa loob ng kanyang bibig.

Nilulon niya ito.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Pelayon ng makita nito ang mga sumunod na imahe.

Nag-ibang anyo ang lalaki, naging isang malaking halimaw ito na may puting kaliskis sa buong katawan, mahaba at kulay abong buhok na parang sa kabayo, puti at sanga-sangang pares ng sungay na usli sa kanyang bumbunan, malalaking mga pakpak, mahabang buntot at mahabang nguso na may daan-daang mga pares ng matutulis at malalaking pangil --

Ang dating makisig na lalaki noon ay nagbago ng anyo ngayon -- isa na itong halimaw, halimaw na matagal ng hindi nakikita ng mga taga Hilaganon o ng buong Arentis, isang halimaw na nabubuhay na lamang sa maga aklat at mga alamat.

Isa na siyang dragon.

Isang malaki at nakakatakot na puting dragon.

"Hindi ito maaari..." Nakapanghihilakbot na reaksyon ni Pelayon sa mga nakita. Nabalot ng takot at pangamba ang mga mata nito.

Hindi pa man ikinukumpas ni Pelayon ang kanyang kamay ay biglang nag-bago na naman ang imahe.

Ang walang buhay na batang babae ay biglang lumipad na tila ba inaakay ito ng hangin para umangat, at tulad ng balani -- nagliwanag din ito -- maliwanag na maliwanag ang liwanag na inilalabas ng walang buhay na batang babae -- hanggang daglian muling naging madilim ang imahe sa sapa.

Hanggang sa nakita na lamang ni Pelayon, mula sa mga imahe ng sapa ang ilang piraso ng puting balahibo na dahan-dahang bumabagsak, sinubukan niyang palitan ang imahe -- ikinumpas niya ang kanyan kamay -- ngunit hindi nagbabago ang imahe, tanging mga puting balahibo lamang na bumabagsak ang ipinapakita nito.

"Puting balahibo?" Tanong ni Pelayon sa kanyang sarili, hinintay niyang muli ang mga susunod na imahe.

Ang batang babae na nakalutang sa hangin at nagliliwanag ay biglang nawala at naging isang bilog na liwanag, nagpaikot-ikot ito -- nagpaikot-ikot ng napakabilis at kasunod ng pag-ikot nito ay ang lalo pang pagliwanag nito hanggang sa ito ay sumabog!

Ang bilog na ilaw ngayon ay wala na -- sumabog at nagkapira-piraso, at ang mga pirasong ito ay sumambulat paitaas patungo sa malawak na kawalan at naging parang mga bituin --

"Hindi k-ko... m-maintindihan..."

Ang mga maliliit na pirasong sumambulat sa kawalan ay dagliang kumislap -- nag-apoy at nagliyab ang mga ito habang bumubulusok pabalik ng lupa, at habang papalapit ang mga ito ay siya namang paglaki ng mga mata ni Pelayon -- ang mga maliliit na pirasong iyon ay naging piraso ng malalaki at nagngangalit sa init na bato -- ganoon na lamang ang sindak sa mga mata ng babae ng makita nito ang mabilis na pagbagsak ng mga bato sa lupa na siyang naging dahilan ng malawak at nakakatakot na pinsala sa lupa.

Parang delubyo ang nakita ni Pelayon.

Parang katapusan ng buong kalupaan -- hindi -- parang katapusan na ng mundo itong ipinapakita sa kanyan ng imahe..

Umiling na lamang ang babae at dagliang tumayo.

"Isa itong masamang pangitain..." Bigkas niya sa sarili.

Tumayo na si Pelayon at nagmamadaling nilikas ang ilog upang bumalik sa kanyang munting tahanan -- ngunit natigilan ito ng makita ang isang lalaking nakatayo sa kanyang harapan, nakangiti ito sa kanya at may hawak na malaking espada.

Ang lalaking ito ay kamukhang kamukha ng imahe ng lalake na nakita niya kanina lamang sa sapa. Maliit ang mga mata nitong nanlilisik at direstong nakatingin sa kanya, nakasuot ito ng baluti at pananggalang na yari sa pinagdikit-dikit na 'di mawaring hayop, maliit at payat lamang ang katawan ng lalaking ito, ngunit hindi ito naging dahilan upang hindi masindak si Pelayon.

Dahil ang lalaking ito ay dating kabalyero ng Arentis at ang pinakamalakas sa lahat ng mga kabalyero roon, kinatatakutan ng lahat -- lalo na ngayon na nasa kamay na nito ang dahilan ng pagkaubos at pagkasira ng mga kakahuyan sa Eringkil, siya rin ang dahilan ng pagka-bahala ng buong Arentis, dahil nagtaksil siya sa buong kaharian. 

Dahil ninakaw niya ang balani.

Ang batong pinaka-iingat-ingatan ng buong kaharian.

Ang lalaking ito, ay si Bakunawa.

"Salamat at ipinakita mo sa akin ang susi upang magamit ko ng husto ang kapangyarihan ng balani..." Nakangiting sambit ni Bakunawa kay Pelayon na biglang namutla sa takot.

"A-anong ginagawa mo rito?" Nanginginig na tanong ni Pelayon.

Ngunit hindi hindi tumugon ang lalaki, bagkus ay dahan-dahan itong lumapit kay Pelayon.

" 'wag kang lalapit!" Samo ni Pelayon. Takot na takot ito at dahan-dahang umuurong habang papalapit ang lalaki.

"Ha! Anong ikinatatakot mo manghuhula? Narito ako upang hingin ang iyong tulong... ipagpaumanhin mong sinundan kita at pinanood ang iyong pagsilip sa hinaharap -- ngunit --" bumuntong hininga ito. "--subalit nakita ko na rin ang mga gusto kong malaman, kalabisan man kung iyong maituturing ngunit..." Nawala ito bigla sa harapan ni Pelayon.

"...nais kong malaman kung nasaan ang Orakulo..." Bulong ni Bakunawa na ngayon ay nasa likod na ni Pelayon.

Naramdaman ni Pelayon ang dagliang paglamig ng kanyang katawan, takot na takot ito -- tumakbo ito papalalyo kay Bakuna at nagwika.

"Hindi ko alam!" Sigaw ni Pelayon at dali-daling tumakbo sa kakahuyan upang makalayo kay Bakunawa.

"Hmp. Masikip ang dila -- kailangang padulasin." Nakangiting sagot ni Bakunawa habang pinapanood ang noon ay takot na takot at papalayong si Pelayon.

Tumalon ito at naupo sa isang sangga ng puno -- nag-masid mula sa itaas at hinanap si Pelayon.

"Heh... Huli ka."

Tumalon na muli si Bakunawa sa direksyon ni Pelayon na patuloy parin sa pagtakbo.

"Aaah!"

Nasa harap na ngayon ni Pelayon si Bakunawa, nakangiti pa rin ito --

"Sabihin mo na lamang kasi... At ng wala ng paspasang maganap..." Bulong muli ni Bakunawa.

Ngunit hindi nagsalita ang manghuhulang si Pelayon, bagkus ay nagtangka parin itong umiwas kay Bakunawa -- ngunit hinawakan lamang ng lalaki ang kanyang braso at pinigilan ito.

"Huwag ka ng magmatigas manghuhula... Hindi ganoon kahaba ang pasensiya ko..." Serysong tugon ni Bakunawa kay Pelayon, hinawakan nitong mabuto ang braso ng manghuhula, hinigpitan nito ang pagkaka-sakmal ng kanyan kamay -- tinitigan nito si Pelayon --

Crack.

"AAAAAAHHHH!!!!" Nagsisi-sigaw si Pelayon sa sakit.

Binali ni Bakunawa ang kanang braso ng manghuhula, humihingal at nanginginig lamang na nakatitig si Pelayon sa lalaki -- iniinda ang sakit.

"Magsalita ka na kas -- AAAAAARRGH!"

Isang dakot na buhangin ang inihagis ni Pelayon sa mukha ni Bakunawa na naging dahilan ng kaniyang pagkawala sa mga kamay ng lalaki, hawak ang kanyang bali at namamanhid na braso ay dagliang tumakas papalayo si Pelayon.

"Grr... Ito ang gusto mo Pelayon, tignan nalang natin kung hindi ka pa magsalita kapag binali ko ng lahat angmga buto sa katawan..." Kalmadong bulong ni Bakunawa sa sarili habang kinukusot ang kanyang napuwing na mga mata.

Ng idilat niyang muli ang kanyang mga mata ay wala na si Pelayon. Pumikit muli si Bakunawa at nakiramdam.

"Tss..."

Wala na ang presensya ni Pelayon dito sa kagubatan.

------------------------------------------------------------------------

Humihingal at palingon-lingon na tumatakbo si Pelayon papasok sa siyudad ng Hilaganon, maraming tao dito -- kahit papaano ay maaari siyang magtago, marahil -- kahit panandalian lamang ay hindi ito matutunton ni Bakunawa.

"Pelayon?" Narinig na sambit ni Pelayon, lumingon ito.

"Reyna Acacia..." Nagulat na sagot ni Pelayon ng makita ang isang batang babaeng may suot na puting tunika, papalapit ito sa kanya --

"Ikaw nga 'yan Pelayon! Ang buong akala ko ay --" Naudlot na tugon ni Acacia

"T-tulungan po ninyo ako -- s-si Bakunawa ay--" Humihingal na samo ni Pelayon.

"Ha? A-anong ibig sa--"

Ngunit napansin ng dalawa ang imahe ni Bakunawa na naglalakad kasabay ng mga taong naroon din sa lugar, palingon-lingon ito na hinahanap ang manghuhula.

Hanggang sa magkatitigan silang dalawa ni Acacia.

At sa isang kurap lamang ay nasa harapan na nina Pelayon at Acacia ang lalaking si Bakunawa.

"Tignan mo nga naman ang pagkakataon..." Pagmamayabang ni Bakunawa.

Matalim ang mga matang tinitigan ni Acacia si Bakunawa --

"Nakakatakot ang tapang sa iyong mga mata Acacia -- tsk..tsk... tsk... Ganyan na ba ang pagbati mo sa iyong punong kabalyero?"

"Wala na akong punong kabalyero -- Nathaniel..." Matalim na tugon ni Acacia

"Hehe... Kung gayon ay wala na rin akong kinikilalang reyna --" Sambit ni Bakunawa, itinapat nito ang kanyang palad sa dalawang babae -- umilaw ito at nagliyab, ngumiti na si Bakunawa. "Hindi naman ito ma...sa...kit...." Pabiro nitong pangungutsa.

Akmang aatakihin na ni Bakunawa ang Reyna at ang manghuhula ng mga panahong iyon, subalit nabigo ito. Dahil ilang segundo bago pa pakawalan ni Bakunawa ang kapangyarihan niya ay biglang lumabas ang isang makapal na usok na tinakpan sina Acacia at Pelayon.

Nang maglaho ang usok ay siya ring pagkawala ng dalawa.

"Magaling..." Nakangiting sambit ni Bakunawa sa kanyang sarili.

---------------------------------------------------

Napadpad sina Pelayon at Acacia sa isang maliit na ilog, hindi nila alam kung nasaan sila -- o kung saang kakahuyan sila napadpad.

Ngunit hindi na iyon mahalaga.

Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently EditingWhere stories live. Discover now