Chapter XXXV - Riasotera

2.2K 115 9
                                    

Kinaumagahan, nagulat nalang ako ng makita ko sina Kuya Gayle, Paolo, Batluni at Tatang na nakatayo sa harapan ko at tila ba pinapanood ako habang hinihintay akong magising. Napakaliwanag ng sinag ng araw na pumapasok mula sa napakalaking bintana nitong silid ni Batluni, anong oras na ba?

"Magandang umaga iho..." Nakangiting sambit sa akin ni Tatang na mabilis namang iniabot sa akin ang isang baso ng malamig na tubig. Kinuha ko naman kaagad iyon at ininom.

"Kumusta na ang pakiramdam mo? Masakit pa ba ang katawan mo? Ang ulo--hindi ka ba nahihilo?" Nag-aalalang tanong ni Batluni sa akin habang ginugulo nito ang buhok ko.

"Yung katawan mo ayos lang na tanungin n'yo kung masakit--'wag na 'yung ulo, matigas ulo n'yan eh." Pabirong sambit ni Paolo.

"HAHA. Malamang nahihilo pa si Bakunawa ngayon at sising-sisi sa ginawa n'yang pag-headbutt n'ya sa'yo HAHA!" Gatong naman ni Kuya Gayle.

Ngumiti naman ako, naalala ko tuloy 'yung nangyari sa Talisay, kung hindi lang talaga dumating si Tatang; malamang--

"Ah, Tatang... Maraming salamat nga po pala--" Napapaos kong tugon. Hindi ko alam kung bakit pero tuyong-tuyo ang lalamunan ko. "Pahingi pa nga po ng tubig." Pakisuyo ko.

"Huwag mo ng alalahanin 'yon..." Sambit ni Tatang habang pinupunuan muli ng tubig ang noon ay kaka-abot ko lang na baso. "Ang importante eh magpalakas ka, isang linggo ka ng tulog." Inabot n'yang muli ang baso sa akin.

Halos manlaki ang mga mata ko at dahan-dahang kumunot ang noo habang dahan-dahan kong nililingon sina Kuya Gayle, Paolo at Batluni.

Anong sabi ulit ni Tatang? Nagbibiro ba s'ya?

"I-isang linggo na po akong tulog?" Gulat na gulat kong tanong. "Pero--pero kahapon lang... Si Bakunawa--tapos si Tatang..." Halos hindi ko matapos-tapos ang sasabihin ko. Dahan-dahang napuno ng mga tanong ang utak ko. Seryoso ba silang isang linggo akong nakatulog?

"Ano, hindi ka makapagsalita? Nauutal ka pa!" Nang-asar na naman si Kuya Gayle. "Hindi kami nagbibiro--isang linggo kang tulog, nakailang palit na nga kami ng salwal mo at kubre-kama dahil sa ilang beses ka ng nag-wiwi d'yan sa papag! Ilang beses ka na ring binuhat ni Batluni d'yan sa hinihigaan mo, pero wa-epek--'di ka matinag-tinag." Dagdag niya habang humahagikgik.

Nagsimula na silang maghagikgikan, habang ako naman eh nanatiling nakataas ang mga kilay at hindi makapaniwalang ganoon ako katagal na natulog.

"Pero--hindi ba--" Hindi ko talaga alam ang sasabihin ko. "Nasan ang Orakulo?" Tanong ko.

Bigla kong naalala ang batang babaeng dinukot ni Bakunawa doon sa maliit na pook sa Talisay, ang batang sinasabi nilang ang Orakulo. Sa pagkaka-tanda ko binitbit siya ni Tatang.

Kumusta na kaya s'ya?

"Marie, halika." Anyaya ni Paolo, kumaway-kaway ito na para bang may tinatawag; sinubukan ko namang silipin kung sino ba ang tinatawag na 'yon ni Paolo, kaso nga lang nakaharang 'tong mga 'to sa harapan ko e.

Hindi naman nagtagal ay lumapit sa akin ang isang batang babae. Maliit lang ang babaeng ito, siguro mga ka-edad lang din namin nina Kuya Gayle at Paolo; payat ang katawan ngunit maputi ang balat, may mahaba itong buhok na umaabot hanggang sa kanyang dibdib, hindi naman malaki at lalong hindi maliit ang bilugan nitong mga mata na may mahahabang pilik mata--sakto lang,  hindi rin gaanong matangos ang ilong nito--pero hindi naman ito pango.

Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon