Chapter 2

15K 235 24
                                    

"Heneral...Maximiliano?" Tawag ko sa kanya na nag-aalangan pa. Baka kasi kamukha lang niya at inakalang siya ang anak ni Donya DiMarco.

Unti-unti namang umangat ang tingin niya sa akin at nagtama ang tingin namin sa isa't isa. Kita ko agad ang mapusyaw na kulay kayumanggi niyang mga mata na mas pinaganda nang papasinag na sikat ng araw na tumatama sa mukha niya. Napakurap ako habang nakatitig sa mukha niya.

Ganito ba talaga ang itsura ng mga kastila?

"Sí...soy el General Maximiliano." Sagot naman niya.

Nagsalubong naman agad ang mga kilay ko sa sinabi niya. Si soy el? Ano 'yon? "Ah, no Spanish." Sumenyas pa ang kamay ko na hindi ako nakakapagsalita at hindi ako nakakaintindi ng Espanyol—kaunti lang ang alam ko lalo na 'yong mga mura ni Donya DiMarco.

"Ah," Bulalas niya nang maintindihan niya ang gusto kong ipahiwatig. "Lo siento—este...patawad. Ang ibig kong sabihin ay ako nga si Heneral Maximiliano."

Napangiti naman ako sa sinabi niya. Buti na lang na natagpuan ko agad siya dahil baka ipalibing kami ni Donya DiMarco ng buhay kung hindi namin madala ang anak niya sa hacienda—naputol ako sa sinasabi ko nang mapagtanto ko ang mga sinabi niya.

"Marunong kang magtagalog?!" Bulalas ko habang pinanlalakihan siya nang mata dahil sa gulat.

"Sí—este...oo, marunong akong magtagalog." Sagot naman niya.

Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa at pabalik sa mukha niya. "P-pa-paano?"

"Ah," Sambit niya sabay tingin sa paligid bago ako muling tignan para sagutin. "May katulong kaming Pilipino sa Espanya. Siya ang nagturo sa akin."

Tinignan ko naman siya nang masama at may binulong sa hangin. "Hanggang Espanya ba naman ay inaalila niyo ang mga Pilipino..."

Kita kong kumunot ang noo niya dahil hindi niya naintindihan ang mahina kong pagbaybay ng salita sa hangin. "Ha?"

Nginitian ko naman siya. "Ang sabi ko po ay ikinagagalak ko po kayong makilala Heneral Maximiliano DiMarco."

Napabuka naman ang bibig niya na parang tinanggap na lang niya ang rason ko. "Ah, ikinagagalak din kitang makilala...?" Tumaas pa ang kanang kilay niya na tila hinihintay niyang magpakilala ako. Inilahad pa niya ang kamay niya sa harapan ko.

"Hindi na po kailangan." Sagot ko sa kanya at kita kong naguluhan siya sa sinagot ko sa kanya. "Magsasaka lang po kami sa hacienda niyo at hindi niyo na po ako kailangan kilalanin. Nandito lang po ako para sunduin kayo na utos ni Donya DiMarco."

Napabuka lang ulit ang bibig niya at hindi nakasagot sa sinabi ko. Binawi na lang ulit niya ang kamay niya. Mukha siyang mabait pero mukha lang. Ang hirap magtiwala sa mga taong sumakop at nagpahirap sa bansan namin dati. At base na rin sa kung paano kami ituring ni Don at Donya DiMarco kaya hindi ko lubos na ipagkakatiwala ang sarili ko sa mga dayuhang kagaya nila.

"Esme!!!"

Napalingon naman ako sa sumigaw sa pangalan ko. Si Hilda! Tumatakbo siya papalapit sa amin ni Heneral Maximiliano. Napalingon naman ako pabalik kay Heneral Maximiliano nang marinig ko ang mahina niyang pagtawa.

Nang mapatingin ako sa kanya ay bigla siyang nagpigil ng tawa. Ano'ng nakakatawa?!

"Esme!" Muling banggit ni Hilda sa pangalan ko nang mahinto siya sa tabi ko. Naghahabol pa siya nang paghinga niya. Kita ko namang tinignan niya si Heneral Maximiliano. Yumuko pa siya agad na tanda nang paggalang. "Buenos días, General. Bienvenido a Filipinas." Magandang umaga, Heneral. Maligayang pagdating sa Pilipinas.

Pinanlakihan ko naman nang mata si Hilda. Itong babaeng ito ay nagpasikat pa talaga. Sigurado akong pinagpuyatan niya 'yang linya niya para sa gwapong haciendero.

El VioladorWhere stories live. Discover now