Chapter 34

6.1K 204 33
                                    

"Sinaktan ka niya?" Bulalas ni Maximo.

Kita ko pa ang pagpikit niya sabay hinga niya nang malalim dahil binabalot na siya ng galit. Kita ko rin ang pagkuyom ng kamao niya kahit na sinusubukan niyang ikalma ang sarili niya matapos niyang marinig ang kwento ko sa nangyari sa bayan kanina.

"Paumanhin po, senyorito." Bulalas ni Adalla habang kasama namin siya rito sa aming kwarto. Nakaupo ako sa kama habang nasa harap ko si Maximo, si Adalla naman ay nasa may pintuan lang. "Inaako ko ho ang nangyari sa senyorita dahil iniwan ko siya kanina."

Hinawakan ko naman ang kamao ni Maximo at pinisil-pisil 'yon para subukang pakalmahin siya. "Dumating naman si Adalla kaya hindi na niya ako nagawang saktan pa. Wala na siyang nagawa sa akin."

Dama ko pa ang panginginig ng kamao ni Maximo sa sobrang galit. Umangat pa ang isang kamay niya palapit sa mukha niya para masahiin ang noo niya. "Kung hindi pa dumating si Adalla ay sasaktan ka pa rin niya, Esme. Ipapahamak ka niya at ang anak natin."

Napayuko na lang ako habang nakahawak pa rin sa kamao ni Maximo. Tama naman siya, kung hindi dumating si Adalla ay baka mas malala pa ang nagawa sa akin ni Armando. Kita ko sa mga mata ni Armando ang galit sa akin. At walang magandang nagagawa ang taong balot ng galit.

Napabuga pa ng hangin si Maximo bago muling dumilat para tignan ako. Galit siya, hindi dahil sa kapabayaan ko, pero dahil sa ginawa sa akin ni Armando. "Patawarin ako ng D'yos pero mapapatay ko si Armando kahit isang sugat lang ang gawin niya sa'yo, Esme."

Umiling-iling naman ako na naluluha pa rin dahil sa nangyari kanina, at ngayon ay dahil sa galit na pinapakita ni Maximo. "Iiwas na lang ako. Hindi na ako aalis sa Hacienda DiMarco para hindi na ako mapahamak. Lalaki lang ang gulo, kilala ko ang mga de Gracia, gaganti rin sila kapag nasaktan mo si Armando. Angkan na ang de Gracia rito sa Negros, banyaga ka lang, Maximo. Matatalo tayo kaya h'wag mo ng ituloy 'yan."

Huminga pa nang malalim si Maximo na pinipilit pa rin ang sarili niyang kumalma pero kita ko pa rin ang galit sa mga mata niya. Nilingon pa niya si Adalla. "Salamat sa ginawa mong pag-protekta sa aking asawa, Adalla. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan sa ginawa mo. Gagantimpalaan kita para sa ginawa mong pagtaya sa buhay mo para lang protektahan ang mag-ina ko."

"Naku po, senyorito, ginawa ko lang po ang trabaho ko." Sagot naman ni Adalla kay Maximo.

Sinubukang ngumiti ni Maximo kay Adalla. "Magpahinga ka na rin muna, Adalla. Hindi ka rin pwedeng umalis sa hacienda dahil baka balikan ka rin ni Armando dahil sa pagbanta mo sa buhay niya. Manatili ka lang dito sa mansion at matiyagaan ang paligid kung sakaling may mapansin kang hindi kaaya-ayang nagmamatyag sa atin. Bantayan mo ang senyorita rito sa loob ng mansion."

Tumango-tango naman si Adalla. "Masusunod po, senyorito. Kung may kailangan pa kayo sa akin, nasa ibaba lang po ako." Tinignan din ako ni Adalla. "Magpahinga na po kayo, senyorita."

Nginitian ko naman siya. "Salamat ulit, Adalla."

Tumango lang ulit si Adalla bago niya kami talikuran ni Maximo para lumabas na sa kwarto namin. Naiwan naman kaming mag-asawa at muli akong tinignan ni Maximo. Huminga siya nang malalim at ibinuka na ang kamay niya para hawakan ang kamay ko. Pumulupot pa ang mga daliri namin sa isa't isa.

"Patawad, Maximo..." Bulalas ko sa kanya.

Naupo na si Maximo sa tabi ko at inakbayan ako at dinala ang ulo ko sa balikat niya. Hinaplos pa niya ang ulo ko. "Wala kang dapat ihingi ng tawad dahil hindi mo kasalanan na may mga taong masasama sa mundong ito kaya walang kasiguraduhan ang kaligtasan mo. Sarili ko ang hindi ko mapatawad dahil wala ako sa tabi mo nang mangyari iyon. Hindi ko nagawang protektahan ang asawa ko. Nasasaktan ang puso ko ngayon dahil sa takot na nakikita ko sa'yo ngayon, Esme. Patawarin mo ako, Esme."

El VioladorWhere stories live. Discover now