Chapter 30

6.9K 235 23
                                    

"Nakipag-usap sa akin si Jacinta noong isang araw." Kwento ko kay Hilda.

Magkasama kaming dalawa, nandito kami sa may taniman ng mais at nakahiga lang sa lupa. Magkasalungat kaming nakahiga at tanging mga ulo lang namin ang magkatapat. Tirik ang araw pero nalililiman kami ng mga dahon ng mais kaya hindi namin dama ang init.

Tulay lang si Hilda sa paglalaro sa mga dahon ng mais na inaabot pa ng kamay niya. "Bakit daw? Nakipagkita ka o siya ang pumunta sa'yo?"

"Siya ang pumunta sa mansion na sobrang aga." Sagot ko naman kaya napalingon sa akin si Hilda.

"Ano naman ang sadya niya sa'yo? Dahil ba kay Armando?" Usisa pa niya.

Nakatingin lang ako sa langit habang hinahaplos ko ang aking tiyan. Ang ganda ng sikat ng araw, kitang-kita ang kulay asul sa kalangitan na nahahaluan ng kulay puting mga ulap. "Nakwento ko sa'yo iyong nangyaring gulo sa pamilihan noong nakaraan, 'di ba? Kinompronta raw ni Jacinta si Armando tungkol sa naging relasyon namin na hindi naman inaamin ni Armando sa kanya. Alam mo ba, nasa sekundarya pa lang ay pinagkasundo na sila at naging mag-nobyo."

Napatagilid pa ang katawan ni Hilda para humarap sa akin na nabigla sa nalaman niya. "Teka, paanong nangyari 'yon e 'di ba naging kayo ni Armando noong nasa sekundarya tayo?"

Tumango naman ako at napabuntong-hininga. "Pinagsabay niya kami. Nasa Cebu lang talaga si Jacinta kaya hindi madaling malalaman. Sa dalawang lugar ay may nobya siya. Bito na lang ay hindi ako naging mapusok sa kanya kahit ilang beses na niya akong inaaya noon."

"Oo nga, ang lala naman ni Armando. Kaya tama ang hinala ko sa kanya noon pa, pare-pareho lang silang mga de Gracia." Komento pa ni Hilda. "Mas matitiis ko pa si Don at Donya DiMarco dahil mga banyaga sila, pero ang mga de Gracia, mga kapwa mo Pilipino talaga ang hihila sa'yo pababa. Nasaktan ka ba nang malaman mo?"

Tama naman si Hilda, iba ang pangmamata ng mga de Gracia. Sila iyong akala mo ay hari at reyna, at basta na lang makapang-alipusta ng mga mababa sa lipunan.

Napatingin naman ako kay Hilda. "Masakit lang isipin na noong mga panahon na 'yon ay niloloko na pala niya ako. Hindi ko alam kung alin ang totoo sa hindi sa mga pinakita niya sa akin. Pero nasa maayos naman na kasi akong kalagayan ngayon, masaya na ako kay Maximo kaya hindi na masakit. Si Jacinta lang ang iniisip ko. Kung kailan malapit na silang ikasal, ngayon pa niya nalaman ang totoo."

"Ayon nga, ano raw bang plano niya?" Tanong pa ni Hilda.

Nagkibit-balikat naman ako. "Wala siyang sinabi. Umiyak lang siya nang umiyak matapos niyang magkwento sa akin. Mukhang mahal na mahal niya talaga si Armando. Ganyan na ganyan din ako noong nalaman ko ang tungkol sa kanila ni Jacinta kaya nauunawaan ko ang pinagdadaanan niya ngayon. Mabuti na lang ako, nand'yan si Maximo kaya mabilis akong nakalimot kay Armando noon."

Napabuntong-hininga naman si Hilda at muling napatingin sa kalangitan. "Kaya ayoko na ng pag-ibig, ayokong maranasan 'yang sakit na 'yan. Baka mauna pa ako kay Nora na pumasok sa kumbento para lang hindi na ako makakilala ng lalake."

Nagsalubong naman ang mga kilay ko sa sinabi niya. "Hindi ka pwede sa kumbento. Ang ingay masyado ng bunganga mo. Saka, andito na si Thiago, ang kapatid ni Maximo. 'Di ba gusto mong magpasakop sa mga dayuhan? Ito na ang pagkakataon mo para malandi mo si Thiago."

Ngumiti lang siya at nagkibit-balikat. "Nakita ko nga siya noong isang araw nang isama siya ni Senyorito Maximo sa sakahan. Gwapo rin siya gaya ni senyorito, iyon nga lang ay alam mong wala siyang interes sa Pilipinas. Para lang siyang namasyal dito, hindi katulad ni Maximo na handang maiwan sa Pilipinas makasama ka lang. Saka, ayoko namang madikit kina Don at Donya DiMarco. Sakit lang sa ulo."

El VioladorWhere stories live. Discover now