Chapter 5

9.7K 178 18
                                    

"Maayos na ang sugat mo?" Tanong niya sa akin na may bahid pa rin ng pag-aalala sa akin matapos ang nangyari kahapon.

Nagpalipat-lipat naman ang tingin ni Nora sa aming dalawa ng Senyorito kaya hinila ko siya sa tabi ko dahil hindi siya nakakatulong sa sitwasyon. Tinakpan ko lang ang daliri ko na may sugat nang isa ko pang kamay. Bakit ba siya nag-aalala? Normal lang naman ang masugatan sa pagsasaka. Nakaramdam tuloy ako ng pagka-ilang sa binatang kastila.

"Ayos naman po, Senyorito Maximo. Gagaling din po ito." Sagot ko naman.

Ngumiti naman ang binata na tila kay among tupa na hindi kasing sungit ng Don at Donya DiMarco. Nagtatago pa marahil sa kanya ang tunay niyang ugali. "Humihingi ulit ako ng dispensa sa aking nagawa, Esme."

"Dispensa?" Sabay-sabay naman kaming napalingon sa nagsalita. Si itay na nasa pintuan at palipat-lipat ang tingin sa amin ni Senyorito Maximo. "Ano'ng nangyari at humihingi kayo ng dispensa sa aking anak?"

Yumuko naman ang binatang kastila bilang paggalang. "Magandang umaga po, Ginoong Ybardolaza. Napadaan lang po ako at nakita silang magkapatid. Nasugatan po ang kamay ni Esme kahapon sa pagtabas ng mga tubo dahil siya ay aking inabala. Humihingi po ako ng paumanhin sa aking nagawa."

Unti-unti ko naman siyang tinaasan ng kilay. Inabala? Bakit parang inaako niya ang kasalanan na hindi naman niya ginawa? Nagulat ako kaya nasugatan ako at walang may kasalanan sa nangyari.

"Ay hindi po 'tay---" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang sumingit agad si itay.

"Ah, malayo 'yan sa bituka, Senyorito. Sanay na sa sugat 'yang si Esme. Laging nadadapa 'yan noong maliit pa lang." Panlalaglag naman sa akin ni itay sa binatang kastila.

Ah, talaga ba 'tay?

Kita ko namang nagpigil ng tawa si Nora habang ang batang heneral ay napangiti sa kwento ng aking ama. Bakit ba siya ngumingiti?! Parang masaya pa siya na lampa ako noong bata pa ako?! Normal lang ang madapa kapag bata ka pa! Hindi lang naman ako ang batang laging nadadapa!

"Mag-ingat ka lagi, Esme." Banggit naman ni Senyorito Maximo. "Nag-iiwan ng peklat ang bawat sugat. Kaya hindi rin magandang masanay tayo sa mga sugat."

Napatitig naman ako sa mata ni Maximo. At dahil madilim pa ang kapaligiran ay hindi pa gan'on ka pusyaw ang kulay ng kanyang mga mata. Pero, kita pa rin ang kulay kayumanggi niyang mga mata. May kung ano talaga sa kanyang mga mata na madadala ka.

At ang lalim ng binitiwan niyang linya. Sugat lang naman ang pinag-uusapan namin. Ilang sugat na ba ang naranasan niya? Ilang peklat na ba ang nagmarka sa balat niya? Gan'on na ba karami kaya ayaw niyang masanay sa sugat? Dahil walang sugat ang hindi masakit.

Tumango na lang ako sa binata. "S-sige po."

"Naku," Singit pa ng aking ama. "Nag-umagahan na po ba kayo, Senyorito?"

Pinanlakihan ko naman ng mata ang aking ama. Bakit parang nararamdaman ko ay aayain niyang mag-agahan ang senyorito sa aming bahay?! Nakakahiya! Hindi naman sanay sa pagkaing mahirap ang binata at hindi rin kagandahan ang pawid namin!

"Sa pagbalik ko na lang po sa aming tahanan." Sagot naman ni Senyorito.

Medyo nakahinga ako dahil parang ito ang paraan niya para tanggihan ang pina-plano ng aking ama. Pero, hindi pa rin tumigil ang aking ama. "Parito, Senyorito. Dito ka na mag-umagahan."

Pinanlakihan ko ulit ng mata ang aking ama. Bakit ba niya pinipilit ang binata na dito mag-agahan sa amin?! Mas masarap ang pagkain sa mansion! Baka mag-tae pa ang binata sa pagkain nating mahihirap! Tinignan ko naman si Maximo para iparamdam sa kanya na umayaw siya sa alok ng aking ama.

El VioladorWhere stories live. Discover now