Chapter 28

7.7K 235 41
                                    

Nandito kami ngayon ni Maximo sa bayan para magsimula nang pumili ng masusuot namin sa aming kasal. Nasa loob kami ng patahian para pumili ng telang gagamitin sa mga kasuotan namin. Iniisa-isa ko ang mga telang nakasabit kung ano ang magandang kulay o tela ang bagay sa akin.

Ang hirap pala mag-isip ng susuoting traje de boda. Hindi naman ako maarte sa mga susuotin pero kasi isang araw lang itong susuotin kaya dapat hindi ka magsisisi na ito ang pinili mong ipagawa. Saka, mamaya ay magmukhang katulong ako ni Maximo sa kasal namin kaya dapat ay mapantayan ko ang itsura niya.

Pinaghiwalay ko ang magkatabing tela at sa pagbuka ko sa kanila ay kita ang kabilang gilid kung saan kita ko si Maximo na napahinto rin dahil saktong nagtapat kami. Ngumiti pa siya sabay kindat sa akin. Ang gwapo talaga. Ewan, madalas na akong kiligin sa kanya.

At halos gabi-gabi na ngang may nangyayari sa amin. Minsan, pagkagising din namin ay may mangyayari pa rin. Iniisip ko nga na hindi naman na ata kailangan ng kasal kung nabubuhay naman na kaming parang mag-asawa.

"May napili ka na?" Tanong ko pa sa kanya.

Tumango naman siya sabay ngisi. "Opo, ikaw ang maganda kong napili."

Napairap naman ako habang nagpipigil ako nang ngiti dahil kinikilig ako. Ang landi talaga ng Espanyol na ito. "Dapat lang dahil tandaan mong hawak ko ang buhay ng anak mo."

Natawa naman siya at tumagos siya sa mga tela para humakbang palapit sa akin. Napaatras naman ako dahil ang sikip na nga sa patahian tas sisingit pa siya sa pwesto ko. Napatingala pa ako dahil ang tangkad talaga nitong Espanyol na ito.

Humawak pa siya sa magkabilang bewang ko sabay yuko ng ulo niya para abutin ng labi niya ang labi ko. Hinalikan na naman niya ako sa labi kahit na naghalikan lang kami bago umalis ng mansion. Pasalamat siya dahil magaling siyang humalik.

Muli naman niyang dinistansya ang mukha niya matapos niya akong halikan. "Kahit hindi mo pa hawak ang buhay ng anak ko, Esme, ikaw pa rin ang tinatangi ng puso ko."

Nagsalubong naman ang mga kilay ko. "Ang lalim mo namang magtagalog. Espanyol ka ba talaga? Umamin ka, sa España, Maynila ka lang talaga lumaki, hindi sa bansang Espanya."

Nagpigil naman siya nang ngiti. "Espanyol po ako na nagmamahal sa isang Pilipina kaya dapat aralin ang mga magagandang salitang Tagalog para alam ko kung paano ko ihahayag ang aking damdamin."

"Oo na, ang dami mo namang sinabi." Ang tanging naisagot ko. Ako iyong Pilipino pero ako itong nahihirapan makipagtalastasan sa kanya sa Tagalog. Ang hirap kapag matalino ang nobyo mo. "Pumili ka na d'yan."

Natawa lang siya sabay pisil sa mga pisngi ko. Nagsimula na ulit kaming pumili ng telang ipapatahi namin sa kasal namin. Masusunod pa rin naman ang gusto naming simpleng kasal na halos pamilya lang namin ang pupunta. Mas pinaghahandaan kasi namin ang gastos sa anak namin. Saka, sabi naman ni Maximo, papakasalan niya ulit ako sa isang magarbong kasal.

Iyong simpleng tela na lang muna ang pinili ko na kulay mapusyaw na kayumanggi gaya ng kulay ng mga mata ni Maximo kaya nagpasukat na ako sa mananahi. Nakaharap lang ako sa malaking salamin habang sinusukatan ako ng mananahi. Kita ko naman ang imahe ni Maximo sa salamin na nakatingin lang sa akin habang nakangiti.

Ito na talaga. Nalalapit na ang kasal namin. Siguro isang buwan mula ngayon ay gagawin na namin ang pag-iisang dibdib at magiging isang DiMarco na ako.

"Simple lang ba talagang traje de boda ang gusto mo, hija?" Tanong naman sa akin nang mananahi.

Tumango naman ako habang nakatingin pa rin sa salamin pero sumabat naman si Maximo. "Pagandahin niyo pa rin ho ang traje de boda ng aking mapapang-asawa. Simple pero mukhang mamahalin. H'wag niyo pong isipin ang pera dahil babayaran ko po kayo kahit magkano pa ang abutin ng traje de boda niya."

El VioladorWhere stories live. Discover now