Chapter 10

9.1K 155 5
                                    

"Galit ka pa rin ba?" Tanong ko kay Armando.

Nandito kami ngayong dalawa sa simbahan ng San Guillermo sa mismong bayan. Nakaupo lang kaming dalawa habang nakaharap sa altar pero may distansya sa isa't isa dahil baka may makakita sa amin. Buti na lang ay hindi oras ng misa kaya bilang lang ang mga tao sa loob ng simbahan. Napagpasyahan namin na magkita kami bago siya bumalik sa Cebu.

Rinig ko naman ang pagbuntong-hininga niya. "May pagtingin ka ba sa dayuhan na 'yon?"

Tinignan ko naman si Armando na nakatangin pa rin sa altar. Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin naaalis sa kanya ang magselos kay Senyorito Maximo? "Armando, sa'yo lang ako may pagtingin, wala ng iba pa. Mabait lang ang pakikitungo sa amin ng senyorito, sa aming lahat, hindi lang sa akin."

Dahan-dahan na siyang napatingin sa akin. Matagal niya akong tinitigan bago niya i-abot ang kamay niya sa akin. Nginitian ko siya at hinawakan ang kanyang kamay. Pumulupot ang mga daliri namin sa bawat isa.

"Babalik na ako sa Cebu. Ilang linggo rin akong mawawala. Ayokong umalis na may samaan tayong dalawa. Patawad sa mga inasal ko noong nakaraan, Esme. Ganito lang talaga kita kamahal Esme." Sambit niya.

Tumango naman ako sa kanya na may ngiti sa aking mga labi dahil maayos na ulit kaming dalawa. "Nauunawaan ko, Armando. Humihingi rin ako ng kapatawaran sa'yo. Hihintayin ko na lang ang pagbabalik mo, Armando. Mag-ingat ka lagi sa Cebu."

Ngumiti na rin siya. Tumingin muna siya sa paligid bago mabilis na hinalikan ang kamay ko. "Mauuna na ako, Esme. Baka hinahanap na ako ng aking ina. Sa susunod na lang nating pagkikita. Mag-ingat ka rin palagi." Pamamaalam niya.

"Sige, sa pagbabalik mo na lang tayo magkita." Sambit ko sa kanya.

Tumayo na si Armando at naglakad na palabas ng simbahan. Napabuntong-hininga naman ako at muling humarap sa altar. Lumuhod ako at nagdasal. Sa naging pagtatalo namin ni Armando noong isang araw, tinuruan ako ng Diyos ng matindi at mahalagang aral. Kababaang-loob, kabaitan at mas mahusay na paghuhusga. Eme!

Dalangin ko sa D'yos na patuloy pang patatagin ang relasyon namin ni Armando. Alam kong marami pa kaming kakaharapin nang magkasama at kakayanin namin 'yon nang magkasama.

Tumayo na rin ako at naglakad palabas ng simbahan. Nadatnan ko naman si Hilda na tutok sa pagkain ng manggang hilaw na may nakahalong bagoong. Nagutom tuloy ako sa kinakain niya. Kumaway siya sa akin nang makita niya ako kaya lumapit ako sa kanya.

"Nakita ko si Armando nang lumabas siya kanina. Tumango naman siya sa akin nang makita niya ako." Sambit ni Hilda habang ngumunguya at nangangasim sa mangga na kinakain niya. "Mukhang nagkaayos na kayo."

Nginitian ko naman si Hilda sabay kuha ng isang pirasong hiwa ng mangga. "Oo, nagkaayos na kaming dalawa. Makakahinga na rin ako at hindi na mag-iisip ng malala. At hihintayin ko na lang ulit ang pagbabalik niya galing Cebu."

Tumango-tango naman si Hilda habang ngumunguya. "Buti naman. Para hindi ka na malungkot, Esme. Lagi ka na lang malungkot sa tuwing may pagtatalo kayong dalawa. Binubuhos mo ang galit mo sa tubo."

Tinapos ko muna ang pagnguya ko bago siya sagutin. "Gan'on talaga Hilda kapag nasa isang relasyon. Kasama ang pag-aaway, hindi puro saya. Hindi mo pa kasi nasusubukan kaya hindi mo pa nauunawaan."

Pinanlakihan naman ako ng mga mata ni Hilda na hindi makapaniwala sa mga huling sinabi ko. "May gusto ka bang iparating aking kaibigan? Ano naman kung hindi ko pa nararanasan? Ayoko talagang maranasan ang lungkot at sakit sa maling tao, Esme."

Hindi naman maling tao si Armando! Kapag may lungkot at sakit sa isang relasyon, maling tao agad?! Hindi ba pwedeng pagsubok muna?!

Tumawa naman ako sabay hila sa kanya para maglakad na kami. "Alam mo, mag-madre ka na lang kung ayaw mong pumasok sa isang relasyon." Suhestiyon ko sa kanya.

El VioladorOn viuen les histories. Descobreix ara