Finale

10.3K 356 87
                                    

Sinalubong ako ng malamig na simoy ng hangin ng Pilipinas pagdaong ng barko sa pantalan. Pebrero ng taong isáng libó't siyám na daán at labíng-siyam ang unang araw na tumuntong ako sa Pilipinas, tatlong buwan matapos ang unang digmaang pandaigdigan.

Tatlong buwan na ang nakalilipas pero pakiramdam ko ay nasa guerra pa rin ako. Natapos ang guerra pero hindi ang dinulot nito sa akin. At umaasa ako na sana ay malagpasan ko itong takot ko rito sa Pilipinas na hindi ko nagawa sa Espanya.

"Maligayang pagdating sa Pilipinas." Bati sa akin ng isang tauhan ng barko.

Nginitian ko naman siya at yumuko ng kaunti tanda ng paggalang. Binitbit ko na ang aking maleta at sumunod sa agos ng mga tao na bumababa sa barko. Pinagmasdan ko ang paligid ng Cebu. Payak na payak ang lugar, malayo sa mga lungsod sa Espanya.

Nagsimula na akong bumaba nang kaunti na lang ang tao sa may hagdanan. Ayon sa liham ng aking mga magulang, may susundo raw sa akin dito sa daungan. Ang problema ko, hindi ko kilala kung sino siya o sino sila. Basta may lalapit na lang sa akin dahil nakita na niya ang larawan ko.

Pagbaba ko sa barko ay nanatili lang ako sa gilid. Kita ko ang mga pasaherong sinusundo ng mga kakilala nila. Masaya pa silang nagyakapan na tila nanabik sa kanilang muling pagkikita. May ilan pang pasahero na dumiretso na lang sa pagsakay sa mga kalesa na tila wala atang sumundo.

Hihintayin ko na lang na mabawasan ng tao dito sa daungan ng mga barko bago hanapin ang taong maghahatid sa akin sa Negros at sa Hacienda DiMarco. Napatingin naman ako malawak na karagatan ng Cebu. Ang ganda ng dagat, amoy ko rin ang alat nito, at mas pinapaganda siya ng papasikat ng araw.

Ang tanging dahilan ko kaya napapayag akong pumunta rito sa Pilipinas ay para hanapin ang pamilya ni Aling Caridad. Si Aling Caridad ang kasambahay namin sa Espanya na halos nagpalaki sa akin at tinuring akong parang sarili niyang anak, kaya para sa akin, siya ang pangalawa kong ina.

At matapos kong mahanap ang pamilya ni Aling Caridad ay muli akong babalik sa Espanya.

Hanggang ngayon ay nahihiwagaan ako sa aking mga magulang kung bakit pinili nila ang Pilipinas para bumili ng sakahan. Parang kailan lang nang matapos ang pananakop namin sa bansang ito pero heto, bumabalik na naman ang mga Espanyol sa bansang ito.

Ano bang mayroon sa Pilipinas para piliin nang piliin naming mga Espanyol?

"Heneral...Maximiliano?"

Naputol ako sa mga iniisip ko dahil sa tumawag sa akin. Napalingon naman ako at kita ko ang isang dalaga. Mas maliit siya sa akin, namumutawi rin sa balat niya ang pagiging Pilipina dahil sa kayumanggi niyang balat. At dahil sa papasikat na araw ay tumatama sa mukha niya ang sikat ng araw kaya pansin kong itim na itim ang kulay ng kanyang mga mata.

Bumilis ang tibok ng puso ko. Ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganito sa isang dalaga. Kay tagal na panahon akong nakulong sa guerra at hindi nagawang tumingin sa babae. At ang huling nobya ko ay bago pa ako pumasok sa pagsu-sundalo.

Nabighani ako agad sa ganda niya.

"Sí...soy el General Maximiliano." Sagot ko naman sa kanya.

Mukhang magiging kapana-panabik ang pamamalagi ko sa'yo, Pilipinas.

.

.

.

.

.

Nagising ako sa isang panaginip, sa isang magandang panaginip. Magandang panaginip dahil nagising akong nakangiti. Ayoko pa sanang matapos ang panaginip na iyon pero may mga bagay na kailangan na nating tapusin. Aasa na naman ako na sana ay mapanaginipan ko ulit siya.

El VioladorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon