Chapter 16

8.8K 182 32
                                    

Ilang araw matapos ang kaganapan sa simbahan ng san Guillermo ay hindi na ulit kami nagkita ni Armando. Sinusubukan ko pa rin siyang kitain sa tagpuan namin sa dulo ng Hacienda de Gracia pero walang Armando ang sumisipot sa akin.

May mga gabing umiiyak ako sa higaan namin pero pigil ang iyak na 'yon para hindi marinig ng mga magulang ako at ng aking mga kapatid. Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa akin ang ginawa ni Armando. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako na magbabago pa ang isip niya.

Mahal na mahal namin ang isa't isa, e. Gan'on na lang ba talaga kadali sa kanya ang bumitaw? Kahit ano'ng gawin ko ay si Armando pa rin ang laman ng utak ko. Nagluluksa pa rin ako sa tinapos niyang pag-ibig sa akin habang ako ay nananatili pa ring siya ang iniibig.

"Alam mo ang gamot d'yan?" Pagputol naman ni Hilda sa mga iniisip ko. Nandito kami ngayon sa sakahan at tinatabas ang mga tubo. Napatingin naman ako sa kanya kaya kita ko ang pagngisi niya. "Inom tayo ng tuba mamaya."

Napabuntong-hininga naman ako sabay tingin ulit sa mga tubo. Hawak ko lang ang patalim pero hindi ko naman tinatabas sa mga tubo. Wala pa akong ganang magtrabaho. Bahala na magalit si Donnalyn.

"Pagod na akong umiyak, Hilda." Sambit ko sa kanya.

"Halatang-halata nga sa'yo aking kaibigan." Sagot naman ni Hilda. "Maski ang ibang mga magsasaka ay pansin ang pagbabago mo. Tinanong din ako ng mga magulang mo kung may nangyari ba sa'yo, isang linggo ko nang sinasagot na masama lang talaga ang pakiramdam mo."

Napabuntong-hininga lang ulit ako. Masama naman talaga ang pakiramdam ko dahil hindi maayos ang puso ko ngayon. "Paano ba makalimot? Paano ba agad mawala ang sakit na nararamdaman ng puso ko ngayon? Pagod na ako, Hilda."

Umakbay naman sa akin si Hilda at inalog-alog ako. "Kaya nga iinom natin 'yan mamayang gabi para pansamantala ka munang makalimot. Nakabili na ako ng tuba, Esme. Magpaalam ka na lang sa mga magulang mo na sa amin ka muna matutulog pero ang totoo sa may batis tayo iinom dahil ipapaalam ko rin sa aking mga magulang na sa inyo ako matutulog."

Napatingin naman ako kay Hilda. Lahat na lang ng kalokohan ay alam niya. "Gumastos ka pa talaga sa tuba. Hindi naman ako umiinom."

"Matagal ko na kasing gustong uminom, Esme. Tuwing may handaan lang ako pinapayagang uminom ng aking mga magulang." Pagpapaliwanag pa niya. "Saka Esme, ang taong sawi sa pag-ibig ay tuba ang linalaklak."

Nagsalubong naman ang mga kilay ko sa kanya. "Iyong mga paniniwala mo sa buhay ay ikaw lang ang nakakaalam."

Tumawa naman si Hilda sabay higpit niya sa pagkaka-akbay sa akin. "E, ako ba ang sawi sa pag-ibig? Hindi naman, 'di ba? Dadamayan ka na nga, ayaw mo pa?"

Natawa naman ako sa kanya sabay tanggal ng braso niya sa balikat ko. "Oo na. Magpapaalam muna ako sa mga magulang ko matapos ang trabaho. Siguraduhin mong hindi tayo mahuhuli dahil tiyak ay mapapagalitan ako."

"Akong bahala sa'yo, Esme." Pagyayabang pa niya.

.

.

.

.

.

"Para sa sawing pag-ibig ni Esme!" Sigaw ni Hilda sabay angat ng baso niya sa ere.

Kaming dalawa lang ang nasa gilid ng batis at tanging isang maliit na gasera lang ang tanglaw namin sa madilim na gabi. Gaya nang napag-usapan namin ay nagpaalam kami sa aming mga magulang na kunwari ay makikitulog kami sa kanya-kanyang bahay. Pero ang totoo ay dito kami sa batis magpapalipas ng gabi para lang uminom. May dala kaming sapin at kumot ni Hilda kaya nakabalot ang katawan ko ng kumot dahil sa lamig ng gabi.

El VioladorWhere stories live. Discover now