Chapter 13

7.9K 187 39
                                    

May pagtingin na ata ako sa'yo, Esmeralda.

Paulit-ulit ko na lang itong naririnig sa utak ko. Parehong boses ni Senyorito Maximo, parehong linya na binitawan niya kanina. Hindi naman niya sinigaw ang sinabi niya sa akin pero nabingi ako nang marinig ko 'yon. Simpleng linya pero magbabago ang lahat sa pagitan naming dalawa.

May gusto sa akin si Heneral Maximiliano DiMarco.

[Balik-tanaw]

"May pagtingin na ata ako sa'yo, Esmeralda." Pagtatapos ng senyorito.

Unti-unting nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ng senyorito. Napakurap-kurap pa ang aking mga mata dahil gusto kong alamin sa sarili ko kung nananaginip lang ba ako ngayon pero hindi. Gising ako at nasa harap ko ang senyorito na umamin nang nararamdaman niya sa akin. Hinihintay kong sabihin niya na biro lang ang sinabi niya pero nanahimik lang siya matapos niyang sabihin ang linya niya.

Bumilis lang ang tibok ng puso ko. Ito ang laging nangyayari sa akin sa tuwing magkasama kami ng senyorito at may hindi karaniwang nangyayari sa pagitan namin. Lagi na lang niyang ginugulo ang tibok ng puso ko.

Natawa naman ako at umiwas ng tingin. Hinawakan ko na lang ang buhok ko para hindi na liparin pa ng hangin. "Senyorito, palabiro pala kayo. H'wag po kayong magbiro ng ganyan."

Hindi sumagot ang senyorito kaya muli ko siyang tinignan. Nakatingin pa rin siya sa akin at nakahawak pa rin sa isa kong kamay. Seryoso pa rin siyang nakatitig sa akin. "Sana nga ay nagbibiro lang ako Esme. Sana nga ay hindi ako masaya sa tuwing nakikita kita. Sana nga ay hindi ako naninibugho noong nalaman kong may nobyo ka na. Sana nga ay hindi ako nananalangin bago matulog sa gabi na sana ay dumating ang araw na mapansin mo rin ako, hindi bilang isang senyorito mo, pero isang binatang may pagtingin sa'yo. At ngayon ko lang hiniling sa buhay ko na sana ay hindi na lang ako ipinanganak na Espanyol para may pag-asa ako sa'yo kung sakaling naging isang Pilipino ako, Esme."

Seryoso ang senyorito sa mga sinabi niya. Kita ko sa mga mata niya ang sensiridad ng bawat ng bawat salitang kanyang binibitawan. Hinahalungkat ko sa memorya ko kung ano'ng mga nagawa ko sa kanya para magkaroon siya ng pagtingin sa akin. Pero lahat naman ng ginawa ko ay dahil sa senyorito ko siya.

Bakit niya ako nagustuhan?

"Senyorito..." Bulalas ko na hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko sa kanya.

Ang tapang ko pang sabihin kanina na ayoko sa mga banyaga, tas may gusto pala siya sa akin. Malamang ay nasaktan ko ang senyorito. Hindi ko naman din kasi inaasahan na gugustuhin niya ako!

"Hindi niyo po ako pwedeng ibigin." Banggit ko sa kanya.

Unti-unting bumitaw ang kamay ni senyorito sa pagkakahawak sa kamay ko. Dama kong tanggap na niya na walang patutunguhan ang pagtingin niya sa akin. Sinubukan niyang ngumiti kahit na may bahid pa rin ng lungkot ang kanyang mukha. "Nauunawaan kong may mahal ka ng iba, Esme. Wala naman akong planong agawin ka sa kanya. Gusto ko lang aminin ang nararamdaman ko sa'yo. Muli, humihingi ako ng despensa sa nangyari sa bangka kanina."

Hindi ko gusto 'tong nangyayari. Lalo lang tataas ang ilangan namin sa isa't isa dahil sa ginawa niyang pag-amin. Mahihirapan akong kumilos sa kanya dahil baka magbigay ito ng maling pag-asa sa kanya; at ang ikikilos naman niya sa akin ay may ibang kahulugan na sa akin. Ang hirap.

"Wala po kayong kasalanan, senyorito." Sagot ko naman sa kanya. "Aksidente lang po ang nangyari kanina. Subukan niyo pong kalimutan dahil 'yon po ang aking gagawin."

Tinalikuran ko na siya at naglakad papunta kay Hilda.

[Kasalukuyan]

Matapos ang ilang oras na paghahanap sa pamilya ni Aling Caridad, halos abutin na kami ng gabi sa daan, may nakapagturo na sa amin na sa may ilalim ng bundok matatagpuan ang pamilya niya. Alam nila ang kwento kay Aling Caridad na nanilbihan sa Espanya at hindi na bumalik dito sa Bukidnon.

El VioladorWhere stories live. Discover now