Chapter 6

9.1K 182 17
                                    

Huminto na ako sa dulong pinto. Huminga muna ako nang malalim bago kumatok. "Senyorito?"

Rinig ko naman ang mga yabag ng mga paa mula sa loob. Ilang saglit pa ay bumukas na ang pinto at bumungad sa akin si senyorito na...basa ang buhok, walang pang-itaas kaya kita ko ang matitipuno niyang dibdib at ang anim niyang pandesal. Tanging tuwalya lang niya ang sapin niya sa katawan.

Ang bango niya na halatang galing sa pagligo.

Pambihirang katawan 'to.

"Esme." Banggit niya sa aking pangalan kaya bumalik ako sa ulirat ko.

Ano ka ba, Esme! Bakit ka nahuhumaling sa katawan ng senyorito?! Hindi ka dapat magpakita ng kahit ano'ng pagkagusto sa anak ng Don at Donya DiMarco! Umayos ka! May nobyo ka!

Humakbang naman palabas ng kwarto niya si Senyorito Maximo. "Ano'ng sadya mo rito?"

"Ah," Banggit ko sabay pakita ng panyo niya. "Naiwan niyo ho sa bahay kaya dinala ko rito."

Tinignan naman niya ang hawak ko sabay kuha nito sa aking kamay. Nginitian pa niya ako nang muli niya akong tignan. "Ah, oo nga. Malapit na ako rito sa bahay nang aking maalala. Plano ko sanang balikan bukas. Salamat at dinala mo rito, Esme. Nag-abala ka pa."

Nginitian ko naman siya sabay yuko. "Walang anuman ho, Senyorito." Muli ko naman siyang tinignan. "Una na ho ako."

Akma na akong tatalikod nang hawakan ni senyorito ang aking kamay para pigilan ako kaya muli akong napalingon sa kanya. At sa paglingon ko ay napatingin akong muli sa dibdib niya dahil mas matangkad siya sa akin. Dahil mas malapit na siya sa akin ay may napansin ako sa dibdib at balikat niya. May peklat siya na hugis bilog. Mukhang tama ng mga baril. Nakuha niya kaya ito mula sa guerra?

Naputol naman ako sa pagtitig sa mga peklat niya nang iharang niya ang tuwalya niya sa mga peklat niya. Napaangat naman ang tingin ko sa kanya at na nakangiti lang siya sa akin. Alam kong may kwentong nakatago sa mga ngiti niya. Naalala ko bigla ang sinabi niya kanina.

Nag-iiwan ng peklat ang bawat sugat. Kaya hindi rin magandang masanay tayo sa mga sugat.

Bumaba na lang ang tingin ko sa kamay niyang nakahawak sa kamay ko. Lumiit lalo ang kamay ko dahil sa malaki niyang kamay. At dama ko rin ang kagaspangan ng palad niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ayoko nitong kaguluhan na nangyayari sa dibdib ko kaya muli kong tinignan ang senyorito.

"May iuutos pa po ba kayo, Senyorito?" Tanong ko sa binatang kastila.

"Maaari mo ba akong mahintay sa baba? Magbibihis lang ako. Para sabay na tayong pumunta sa sakahan? Kung hindi na ako nakaka-abala sa oras mo." Paki-usap ni Senyorito Maximo.

Tumango naman ako agad. "Oho," Sagot ko agad sabay turo sa baba. "Hintayin ko na lang po kayo sa ibaba."

Ngumiti naman siya sa akin at nakita ko na naman ang lubog sa pisngi niya. "Salamat, Esme. Bilisan ko lang ang aking pagbibihis."

Tumango lang ulit ako. "Sige ho. Baba lang po ako."

Tumalikod na ako at nagmadaling bumaba sa hagdan nila. Hindi ko na hinintay ang isasagot niya dahil hindi ko na kaya ang makaharap siya nang matagal. Agad akong naupo sa mahaba nilang upuan. Napahawak naman ako sa dibdib ko dahil sa hingal. Ang bilis pa rin ng tibok ng puso ko.

Bakit habang tumatagal ay lagi na lang akong kinakabahan sa tuwing nagkakalapit kaming dalawa? Hindi ko na alam kung paano iiwas ang landas ko sa landas niya. Hindi ko naman kasi maiiwasan kung nasa iisang hacienda lang kaming dalawa.

At ano naman ang rason para umiwas ako kung ako lang ang ganito sa tuwing nagkakalapit kami ni Senyorito Maximo? Malamang ay normal lang sa senyorito ang humarap sa mga magsasaka na gaya ko dahil kami ang nagta-trabaho sa lupain nila. Kailangan ata ay sa Cebu ako magpatuloy ng kolehiyo para tuluyang makaalis dito sa Negros.

El VioladorWhere stories live. Discover now