Chapter 15

8.5K 202 47
                                    

"Esme..."

Hinawakan ni Hilda ang kamay ko at hinila ako palabas ng simbahan. Sa mga narinig ko sa ama ni Armando ay wala na akong maramdaman sa aking sarili. Nanghihina ako. Ganito pala ang pakiramdam nang mawasak ang puso nang dahil sa pag-ibig, kakapusin ka ng hininga at pakiramdam mo ay ikamamatay mo ito.

Ito ang unang beses na mawasak ang puso ko at si Armando ang unang nagwasak sa puso ko. Ang sakit na sa taong mahal mo pa talaga ito mararanasan. Minsan talaga ay gugulatin ka na lang ng pagkakataon. Kahapon ay maayos pa kayo pero ngayon ay magbabago na ang lahat.

Tama ang nadarama ko kanina sa simbahan. Hindi lang nagkataon na pinauwi siya sa Negros dahil pista ng San Guillermo. Alam niyang mangyayari ito at hindi niya pinaalam sa akin. Ang tanong ko lang naman, pinagsabay ba talaga niya kami ni Jacinta? Totoo ba ang mga pinakita niya sa akin?

Huminto naman si Hilda at hinarap ako. "Esme, mag-usap muna kayo ni Armando. Alam kong nasasaktan ka ngayon pero kailangan niyang linawin ang lahat kung bakit ganito."

Napatingin naman ako sa paligid. Nadala na pala ako ni Hilda sa likod ng simbahan, malayo sa mga tao. Napasandal naman ako sa pader at napatingin kay Hilda. "Ang sakit, Hilda. Ang sakit-sakit."

Napayuko ako at napahagulgol. Mas masakit pa ito sa mga sugat na natatamo ko sa pagtabas ng tubo sa sakahan. Ito iyong sugat na walang gamot kung hindi oras. Kusa na lang siyang hihilom sa paglipas ng panahon.

Iyong taong minahal mo, iyong taong nakikitaan mong makakasama mo habang buhay ay mapupunta na sa iba.

Humakbang pa si Hilda palapit sa akin at hinawakan ang kamay ko. "Esme, hintayin mo muna ang paliwanag ni Armando. Baka pinagkakasundo lang silang dalawa. Ganito naman lagi, 'di ba? Iyong mga mayayaman na angkan ay pinapakasal nila ang mga anak nila kahit hindi nila mahal ang isa't isa. Ikaw ang mahal ni Armando, Esme."

Napa-angat naman ang tingin ko kay Hilda. Tama siya, hindi naman na bago ang ganitong pagkakasundo ng mga anak ng mayayaman para lang pag-isahin ang kanilang mga negosyo at para mas lalong yumaman.

Sinubukan kong punasan ang mga luha ko bago sagutin si Hilda. "Kahit naman ako ang mahal ni Armando, matutuloy pa rin ang kasal nila dahil kailangan nilang sundin ang mga magulang nila. Talo na ako, Hilda."

"Ssshhh..." Bumunot naman si Hilda ng panyo sa bulsa niya at sinubukang punasan ang mga luha ko sa dalawa kong pisngi. "Kung mahal ka ni Armando, ipaglalaban ka niya, Esme."

Sana nga gan'on lang kadali. Pero sa lahat ng kwento ng pinagkasundo ng mga magulang ay walang ni-isa ang nagawang tumutol, lahat natuloy sa kasal. Hindi ko inaasahan na aabot kami ni Armando sa puntong ito ng aming relasyon.

Napasalampak na lang ako sa sahig at napayakap sa mga hita ko. Nakatingin lang ako sahig. "Bakit ba kasi tayo pinanganak na mahirap, Hilda? Bakit kailangan mayaman sa mayaman at mahirap sa mahirap lang ang pwedeng magmahalan? Bakit laging may estadong nakadikit sa pag-ibig? Hindi ba pwedeng mahalin mo na lang ang taong gusto mo?"

Rinig ko naman ang pagbuntong-hininga ni Hilda. Naupo rin siya sa tabi ko. "Kaya hanggang pangarap na lang ako, Esme. Kahit panay biro ako na magkagusto sa mga dayuhan at sa inyo ni senyorito, alam ko naman kung saan ang lugar ko, nating dalawa. Nangangarap lang ako ng gising kahit napaka-imposible. Hanga nga ako sa'yo, kasi kahit apo si Armando ni de Gracia ay minahal mo siya. Sumubok kang sumugal sa pag-ibig na imposible."

Gusto ko lang si Armando noong nasa sekondarya pa lang kaming dalawa. Gusto lang naman, hindi ko inaasam na gugustuhin din niya ako. Pero isang araw, umamin siya sa akin. Ang saya ko n'on. Biruin mo, isa siyang haciendero na nagkagusto sa gaya ko.

"Hindi naman kasi natuturuan ang puso, Hilda. Kusa mo siyang mararamdaman." Sagot ko naman sa kanya. "Sana nga ay natuturuan na lang para idikta mo sa puso mo na sa ganitong lalake ka lang pwedeng magmahal."

El VioladorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon