Chapter 20

9K 235 26
                                    

Papakasalan ko po si Esmeralda

Paulit-ulit ko ng naririnig ang linyang 'yan ni senyorito sa utak ko. Hindi na ako nakakilos matapos niyang sabihin sa harap ng magulang ko at sa harap ng magulang niya na gusto niyang panagutan ang bata at pakasalan ako. Lahat kaming nasa sala kanina ay nagulat sa sinabi niya at seryoso siya doon kaya alam kong hindi na nila mababali ang desisyon ng senyorito.

Nandito ulit ako sa kwarto ng senyorito at nakaupo lang sa ibaba ng kama niya matapos ang harapan kanina. Hindi na ako makakauwi sa amin dahil hindi na pumayag si inay at itay na umuwi ako dahil si senyorito na ang pamilya ko simula ngayong araw na ito kaya dapat daw ay manatili ako sa tabi ng senyorito. Pwede lang akong bumisita sa bahay pero uuwi pa rin ako rito sa mansion.

Ang laking pagbabago ang mangyayari sa buhay ko. Hindi ko na laging makakasama ang pamilya ko. Hindi ko na katabi matulog ang aking mga kapatid. Paano na sila? Walang mag-aalaga sa mga kapatid ko kapag nasa sakahan pa ang mga magulang ko. Wala na rin akong ka-kwentuhan lagi matapos ang hapunan.

Napahawak naman ako sa tiyan ko at napahaplos dito. Higit pitong buwan pa ang hihintayin ko bago ka lumabas. Ikaw na lang ang inaasahan kong makasama ko lagi sa mansion na ito. Ngayon pa lang ay naiiyak na ako sa sitwasyon natin.

Nagpunas naman ako ng luha nang bumukas ang pinto ng kwarto. Napahinto pa ang senyorito nang makita niya akong umiiyak. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa akin. Sinara muna niya ang pinto bago siya humakbang palapit sa akin.

Nahinto naman siya sa harap ko at tumingkayad paupo sa harap ko. "Alam kong nabigla ka kanina. At alam kong hindi mo gusto 'yon, pero ito na ang bagong buhay natin Esme. Ito ang tamang gawin para ma-proteksyunan kita at ang bata."

Nagpunas ulit ako ng luha ko sa aking mga mata bago siya sagutin. "Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin ang plano mo? Hindi lang ikaw ang nagpa-pasya sa ating dalawa."

Malungkot lang ang mata niyang tinignan ako. "Kasi alam kong hindi ka papayag. Wala nang ibang paraan. Kapag sinabi ko ba sa'yo, papayag ka ba?"

Nag-iwas naman ako ng tingin sa kanya at napatingin lang sa tanawin sa labas ng balkonahe ng kwarto niya. "Ang kasal ay para lang sa dalawang taong nagmamahalan, senyorito..."

Wala akong narinig na sagot sa kanya. Puro paghinga lang naming dalawa ang maririnig sa pagitan namin. Bakit ba niya kailangang ipilit ang kasal na ito? Muli ko naman siyang tinignan at nakita kong nakayuko lang siya. Nagsalubong pa ang mga kilay ko.

"H'wag mong sabihing..." Hindi ko matapos ang aking sasabihin dahil baka nagkakamali lang ako ng hinuha.

Umangat ulit ang tingin niya sa akin. Pagod na ang mga mata niya. "Mahal na kita, Esme. Nabihag mo na ako noong unang araw tayong nagkita sa daungan ng mga barko sa Cebu. Sinubukan kong labanan dahil alam kong isa akong banyaga, pero sa araw-araw nating magkasama sa sakahan, hindi ko na napigilan ang sarili kong mahulog sa'yo."

Napatitig lang ako sa mga mapupusyaw niyang mga mata. Nawalan na ng sigla ang mga mata niya. Bumilis na naman ang tibok ng puso ko sa narinig ko sa kanya. Kay tagal kong hindi naramdaman ang ganitong klase ng kaba sa dibdib ko dahil mahigit isang buwan kaming hindi nagkitang dalawa.

"Kaya mo ba ako ginalaw---"

"Hindi." Pagputol niya sa akin at kita ko ulit ang pamamasa ng mga mata niya. "Oo, walang kapatawaran ang ginawa ko sa'yo. Lasing ako n'on. Pero kahit ano pang dahilan ang ibigay ko, Esme, mali ay mali. Sising-sisi ako, Esme. Hindi ko gusto na makuha ka sa ganitong paraan. Tanggap ko na nga na may iba ka ng mahal. At kahit kailanman ay hindi ko inisip na gamitin ang hiwalayan niyo ni Armando para makuha ka. Sadyang lasing lang ako noong gabing 'yon. Patawarin mo ako sa ginawa ko."

El VioladorWhere stories live. Discover now