Chapter 1

36.3K 792 54
                                    

Beloved Bastard

Season 1

Ivan Gutierrez

2019

Napakurap ako nang magsimula ng mapagod ang mga mata ko dahil mula pa kanina ay walang hanggang kadiliman at malakas na buhos ng ulan na lamang ang tanging nakikita ko sa kahabaan ng delikadong daan na tinatahak ko.

Hindi ko na halos makita ang daan dahil sa hamog at bagsak ng tubig mula sa madilim na kalangitan.

Sinasabayan pa ito ng malalakas na pagkulog at nakakadama ako ng matinding kaba sa tuwing guguhit ang mahahabang kidlat sa langit.

Hindi na halos kinakaya ng wiper sa windshield ko ang malakas na buhos ng ulan sa salamin ng kotse ko.

Kinakabahan na rin ako dahil anumang sandali, sa isang pagkakamali ko lang ay maaaring dumiretso ang sasakyan ko sa mga bangin sa magkabilang bahagi ng daan.

Putcha! Anong klaseng kalsada ba kasi ito? Hindi na ako magtataka kung bakit madalas ang aksidente sa lugar na ito.

Sumulyap ako sa oras. Halos mag-aalas-nueve na pala ng gabi. At hindi ko pa rin natatanaw ang kabayanan. My God!

Napakadilim sa magkabilang bahagi ng daan at walang ilaw sa lugar dahil puro gubat at bangin ang mga nakapaligid sa daan.

Bakit ba naman kasi ngayon pa umulan ng ganito kalakas kung kailan nasa kalagitnaan na ako ng biyahe ko pauwi ng San Isidro.

Tinantiya ko na kanina na makakarating na ako sa bayan bago pa mag-alas-sais ng gabi.

Subalit ang dapat na apat na oras na biyahe ko ay humaba pa dahil hindi ako makapagpatakbo ng matulin sa gitna ng napakalakas na ulan na ito at sa kadiliman ng gabi.

Hindi ko alam kung may bagyo ba na pumasok sa bansa dahil sa mga nagdaang mga araw ay halos hindi na ako nakakapanood man lang ng balita sa tv o nakakapakinig man lang sa radyo.

Pilit kong inaalis ang takot na nararamdaman ko sa pamamagitan ng pagkainis sa mga politiko sa bayang ito.

Napakarami nilang pinapangako sa mga tao kapag nangangampanya sila tuwing eleksyon subalit mapalad na ang mga mamamayan dito kung may natutupad nga kahit na isa man lang sa mga iyon.

Katulad na lamang halimbawa ng kalsadang tinatakhak ko ngayon. Five years ago ay ganito rin ang daan, walang ipinagbago. Aspaltong naturingan pero ni hindi pinagkaabalahang ayusin at tapalan ang malalaking lubak.

Five years. Five long years.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko. Sa nakalipas na mga taon, dapat ay nakalimot na ako. Dapat ay hindi na ganito ang nararamdaman ko.

Pero katulad ng kalsadang tinatahak ko ay wala ring ipinagbago ang damdamin ko. Nararamdaman ko pa rin ang kirot sa dibdib ko.

Inabot ko ang windshield at pinunasan ko gamit ang palad ko ang hamog doon na sanhi ng ulan sa labas at air-conditioning ng sasakyan ko nang bigla akong napahugot ng maluwag na paghinga.

May natatanaw na akong liwanag mula sa malayo. Nangangahulugan na ilang minuto na lamang ay makakarating na ako sa bayan.

Umusal ako ng pasasalamat at bahagya ko nang binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan ko.

Ilang sandali pa, sa wakas ay binabaybay ko na ang kabayanan. Dahil sa malakas na ulan ay wala na akong makitang bahay na nakabukas ang mga bintana.

Ang iba nga yata ay mga natutulog na. Kunsabagay ay probinsiya ito. Hindi ito kagaya sa maynila na kung kailan gabi ay saka pa lamang nagsisimulang magsilabasan ang mga tao.

Beloved Bastard (Completed) Where stories live. Discover now