Chapter XVI

10K 764 77
                                    

Chapter XVI: Showing Off(Part 1)

Nang marinig ni Finn Doria ang dahilan ni Ashe kung bakit niya hinahanap sina Eon, nagulat siya pero may mas nangibabaw na ibang pakiramdam sa kanya. Hindi niya alam pero pakiramdam niya ay mayroong isang mahalagang bagay na nawala sa kanya. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili pero ang nararamdaman niya ngayon ay inggit sa mag-anak ni Eon.

Dati-rati, siya ang kinukulit ng dalaga sa isang dwelo. At kahit na mayroon na silang kasunduang dalawa, naninibago siya ngayong iba na ang hinahamon ng dalaga sa dwelo. At naiintindihan niya naman ang dahilan ng dalaga kung bakit.

Hindi siya malakas. Wala na siyang kakayahan na labanan ang dalaga.

Isa lang siyang 8th Level Sky Rank samantalang si Ashe ay may kapangyarihang na hindi na nabibilang sa maliit na mundong ito, kagaya ng kapangyarihang tinataglay ng mag-anak ni Eon.

Kahit na mayroong kakaibang pakiramdam ang nangingibabaw sa binata, pinilit niyang ngumiti at marahang nagsalita, "Makararating sa kanila ang iyong hamon. Gayunman, ipinapaalala ko sa 'yo na ang pagtanggap sa 'yong hamon ay desisyon na nila. Kung lalaban ang sinoman sa kanilang tatlo sa 'yo, hindi ako makikialam. Pero dapat mo ring malaman na sobrang lakas ng pamilya ni Eon."

Nakinig si Ashe sa paliwanag ni Finn Doria. Wala siyang napansing kakaiba sa binata kaya naman diretso lang siya sa pakikinig. Pagkatapos magsalita ng binata, tumango si Ashe at malumanay na nagsalita, "Alam ko nang hindi pa ako maikukumpara sa sinoman sa tatlo pero nais ko pa ring sumubok. Isang malaking oportunidad ito para sa akin at kailangang-kailangan kong magkaroon ng karanasan sa pakikipaglaban."

Sandaling nagtitigan ang dalawa. Pinagmasdan ng binata ang dalaga at ilang saglit pa, bahagya siyang ngumiti at nagsalita, "Talagang gusto mo ang pakikipaglaban..."

"Isa akong Adventurer, at iyon ang dahilan kung bakit ako nabubuhay," malumanay na tugon ni Ashe. "Ito ang buhay na pinili ko noon pa man. Matagal ko ng sinabi sa 'yo na gusto kong libutin ang mundo at upang ipabatid sa mga inaakala kong 'diyos' na hindi nila dapat maliitin ang mga Adventurers sa maliit na mundong gaya ng ating ginagalawan. Gusto kong ipakita sa kanila na kaya rin natin na makipagsabayan sa kanila... gusto kong akyatin ang mataas na mundong iyon para may mapatunayan..."

Sandaling huminto si Ashe sa pagsasalita. Napatingin siya sa isang direksyon at nakangiting nagpatuloy, "Pero s'yempre, hindi pa iyon ang aking pangunahing layunin. Gusto ko munang makasama nang matagal ang aking ina't mga ama. Hindi pa ngayon ang oras para umalis agad ako dahil ngayon palang ako totoong nagiging masaya."

Napatitig si Finn Doria sa dalaga. Kalmado lang ang dalaga pero sa ngiti at mga mata nito, mababakas ang purong kasiyahan.

"H'wag kang mag-alala," tugon ni Finn Doria. Ngumiti siya at marahang nagpatuloy, "Tutulungan ka namin sa bagay na 'yan. Maaari mong hingin ang tulong nina Eon sa pagsasanay habang naririto ka pa."

Napabaling si Ashe kay Finn Doria. Tiningnan niya ito ng mabuti at magsasalita pa sana pero hindi niya na itinuloy dahil muli niyang isinara ang kanyang bibig.

'Ayon kay Mistress Sierra, si Finn Doria ang isa sa magiging mahigpit kong katunggali sa mataas na mundo... sinabi niya pa sa 'kin na kakarampot ang pag-asa kong manalo sa kanya kahit pa magawa kong makontrol ang aking buong kapangyarihan...' sa isip ni Ashe habang pinagmamasdan ang binata. 'Pero bakit napapansin kong wala siyang balak na umalis sa mundong ito... nagkakamali kaya si Mistress Sierra...?'

--

Sa himpapawid, sa napakataas sa likod ng mga ulap, isang animo'y estatwang pigura ng nakasuot ng ginintuang maskara ang nakatingin sa kinaroroonan ni Finn Doria at Ashe. Kahit na napakataas ng kanyang kinatatayuan, malinaw pa rin niyang nakikita ang bawat detalye na nasa ibaba.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Donde viven las historias. Descúbrelo ahora