Chapter LIV

7.7K 900 120
                                    

Chapter LIV: The assessment in Blacksmith Guild(1)

Tanghaling tapat na nang makarating sina Finn Doria at Erwan sa harap ng gusali ng Blacksmith Guild. Tahimik ang buong biyahe dahil hindi na kinausap pa ng binata si Erwan. Hindi niya binuksan ang bintana upang magtanong dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin maayos ang pakiramdam ng binata. Taimtim niyang iniisip kung paano naaatim ng ibang adventurers na hayaan nalang ang ganitong pangyayari sa imperyo.

Bumaba si Finn Doria sa karwahe. Pinakiusapan niya si Erwan na maghintay sa kanya ng ilang oras. Siyempre, dahil sanay na sa ganitong sitwasyon si Erwan, walang pag-aalinlangan siyang sumang-ayon. Pinaandar nito ang kanyang karwahe upang pansamantalang iparada sa paradahan ng Blacksmith Guild.

Nang makaalis si Erwan, pinagmasdan ni Finn Doria ang malaking gusali. Napansin din ng binata na ang malapad at bukas na pintuan ng Blacksmith Guild ay binabantayan ng dalawang kawal, at ang nakakabigla rito ay parehong nasa 1st Level Heaven Rank ang dalawang kawal na ito.

Kasing antas sila ni Elena pero hindi hamak na mas mahina ang inilalabas nilang awra. Hindi matibay ang kanilang pundasyon at halatang umaasa lang talaga sila sa mga pills.

May mga taong naglalabas-pasok sa Blacksmith Guild. Karamihan sa mga ito ay may malaking pangangatawan at pinong kalamnan. Mahahalata agad na panday ang iba sa mga ito dahil sa kanilang dala-dalang malaking martilyo.

May rason si Finn Doria kung bakit sa Blacksmith Guild niya gustong magrehistro. Hindi niya pinili ang Alchemist Guild dahil sa kanyang tinataglay na Alchemy Flame. Hindi niya naman pinili ang Formation Master Guild dahil alam masyadong maproseso ang pagtatasang pagdadaanan niya kung sakaling magrerehistro siya bilang Formation Master.

Pagkatapos ng sandaling pagmamasid sa paligid, napagdesisyunan na ni Finn Doria na pumasok sa loob ng guild. Sinulyapan siya ng mga kawal na nagbabantay pero hindi siya pinigilan ng mga ito. Ang kanilang tingin ay para bang sinusukat nila ang binata gaya ng pagsukat nila sa ibang mga pumapasok na adventurers.

Hindi sila pinansin ni Finn Doria. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa tuluyan na siyang makapasok sa loob ng guild.

Nang makapasok siya sa loob, nakita niyang abala ang karamihan sa pakikipag-usap sa mga adventurer na nakasuot ng itim na uniporme na may simbolo sa kaliwang balikat.

Ito ang simbolo ng Blacksmith Guild; pinagkrus na sipit at martilyo na may matingkad na asul na korona sa itaas.

Habang lumilingon-lingon sa paligid, isang magandang babaeng naka-uniporme ang napatingin kay Finn Doria. Agad siyang nag-ayos ng kanyang uniporme at agad niyang ipinakita ang pinakamatamis na ngiti niya.

Lumapit ang babae kay Finn Doria at masiglang bumati, “Magandang araw, ginoo. Maligayang pagdating sa Blacksmith Guild.”

Inilahad ng babae ang kanyang kamay at mas matamis pang ngumiti kay Finn Doria, “Ako nga pala si Hina Demis, kawani ng Blacksmith Guild sa lungsod na ito.”

“Ako naman si Finn Doria,” sabi ni Finn Doria at marahang inabot ang kamay ni Hina upang makipagkamay.

Pinagmasdan ni Finn Doria si Hina. Maganda ang babaeng ito at halos kasing edaran lang ni Melissa. Pinakiramdaman din ni Finn Doria ang antas ni Hina at humanga siya nang maramdaman niyang isa palang 6th Level Legend Rank ang babaeng kawani.

“Ikinagagalak kitang makilala, Ginoong Finn Doria,” nakangiting bawi ni Hina sa kanyang kamay. “Ano’ng maipaglilingkod ng aming guild sa iyo? Magbibigay ka ba ng misyon sa aming mga Blacksmiths o—”

“Gusto ko sanang magrehistro bilang Blacksmith,” putol ni Finn Doria sa sasabihin ni Hina.

Napatango nalang si Hina. Tumingin siyang mabuti kay Finn Doria at sinukat ang kabuuang hitsura ng binata. Nakangiti pa rin siya at nananatiling maaliwalas ang kanyang ekspresyon.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt