Chapter LVII

7.9K 969 134
                                    

Chapter LVII: Greed

“Manager Rui. Kakailanganin ko ulit ang tulong mo sa pagkakataong ito. Sana lang ay matulungan mo ulit ako,” malumanay na sambit ni Crome habang may taimtim na ekspresyon sa kanyang mukha. “Magkaibigan na kayo ng aking ama noon pa man at ilang beses na kayong sinubok ng panahon. Tinulungan mo siya, pero mas malaki ang naitulong niya sa ‘yo.”

Taimtim din ang ekspresyon ni Rui. Nasa loob silang dalawa ngayon ng kanyang opisina, nag-uusap sa loob ng isang Sound Concealing Skill.

Nakaalis na si Finn Doria, nakapagrehistro na siya bilang Blacksmith. Hindi niya tinanggap ang alok ng Blacksmith Guild na maging miyembro, at alam naman ni Rui kung ano ang dahilan.

Mataas na ang impluwensya ng binata dahil sa kanyang nakuhang medalyon mula sa Blacksmith Guild. At ang kanyang katayuan sa imperyo ay hindi na basta-basta.

“Hindi mo na kailangan pang ipaalala ang nakaraan, Duke Crome,” hayag ni Rui. “Sabihin mo nalang sa akin kung ano ang kailangan mo ngayon. Diretsahin mo na ako.”

Tumawa si Crome at pagkatapos, makahulugang ngumiti kay Rui, “Hindi na talaga nakapagtatakang nagkasundo kayo noon ni ama. Hindi ko na pala kailangang makipagpalitan sa ‘yo ng magagandang salita.”

Sandaling huminto si Crome. Sumeryoso ang kanyang ekspresyon bago magpatuloy, “Ang nangyari sa Blacksmith Guild sa lungsod na pinamamahalaan ko ay hindi nangyari. Walang binatang sumalang sa pagtatasa, walang kakaibang pangyayari at walang Five Star Grandmaster Blacksmith na lumitaw.”

“Gusto ko na lahat ng nangyari sa lugar na ito ay itago natin sa buong imperyo,” seryosong hayag ni Crome.

Nagulat si Rui sa gustong mangyari ni Crome. Napatayo siya sa kanyang upuan at napatuon ang kanyang mga kamay sa lamesa. Nalaglag ang ilang dokumento sa sahig. Nanlalaki ang mga mata ni Rui; hindi makapaniwala ang kanyang ekspresyon habang nakatingin kay Crome

“Kalokohan! Paano natin maitatago ang pangyayaring iyon? Maraming nakasaksi, Duke Crome! Naroon ka at nakita mong hindi lang tayong dalawa ang nakakita sa ginawang himala ng misteryosong binatang iyon!” hayag ni Rui. “Maraming saksi, Duke Crome. Hindi gano’n kadaling kontrolin ang utak ng mga naroroon!”

Bahagyang tumawa ulit si Crome at umiling-iling, “Umupo ka muna, Manager Rui. Hindi mo naman kailangang direktang kumilos. Hayaan mong ako ang kumilos, at sa totoo niyan, nasimulan ko na ang naisip kong plano.”

“Itago mo nalang ang sikretong ito sa pagitan nating dalawa; ‘yun lang ang hinihingi kong tulong mula sa ‘yo, Manager Rui.”

Umupo si Rui, gayunman, hindi niya pa rin naaalis ang komplikadong ekspresyon sa kanyang mukha.

“Hindi ko kailangang kumil—” biglang natigilan si Rui. Nagdilim ang kanyang ekspresyon at matalim siyang tumingin kay Crome, “Naiintindihan ko na… naiintindihan ko na. Nakalimutan kong ikaw nga pala si Duke Crome Meyers.”

Bumakas ang galit sa mukha ni Rui at nagpatuloy, “Pinaplano mong paslangin ang lahat ng saksi, tama ba ako, Duke Crome?”

Makahulugang ngumiti si Crome at bahagyang umiling, “Hindi naman lahat. Nariyan ka pa at ako. Bakit ako mangangahas na magpakamatay o paslangin ka? Hindi pa ako gano’n kabaliw para gawin ang mga bagay na iyon.”

“Isa pa, hindi ba’t mas maganda kung tayong dalawa lang ang nakakaalam sa nangyari? Mas maliit ang tsansa na lumabas ito sa publiko,” pagpapatuloy ni Crome.

“Papaslangin mo ang mga tauhan ko, Duke Crome! At gusto mong hayaan lang kita?!” galit na sigaw ni Rui.

“Ano’ng kuwenta ng matatanda, baguhan at walang kuwentang Blacksmith kumpara sa dalawampung taong gulang na Five Star Grandmaster Blacksmith?” kalmadong tanong ni Crome. “Wala, hindi ba?”

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon