Chapter LXXI

7.7K 892 77
                                    

Chapter LXXI: Ursur

Nakatitig sa isa’t isa si Finn Doria at ang maliit na oso. Nangibabaw ang katahimikan sa paligid at walang bumabasag dito. Kalmado na ulit ang ekspresyon ng binata. Hinahamak niya ngayon ang kanyang sarili dahil napagtanto niya na totoong nasa panganib na ang kanyang buhay. Hindi na siya nag-abala pa na ilabas ang kanyang dalawang sandata, tumitig nalang siya sa maliit na oso habang hinihintay ang totoong intensyon nito.

Maliit ang oso sa kanyang harapan, gayunman, nakararamdam ng panganib si Finn Doria habang nakatitig siya sa mga mata nito. Hindi niya rin maramdaman ang awra at presensya ng oso na para bang wala ito sa kanyang harapan.

“Hindi mo man lang ba sasagutin ang tanong ko, tao?” tanong ng munting oso kay Finn Doria.

Bahagyang ngumiti si Finn Doria at marahang nagtanong, “Bakit?”

“Anong bakit?” balik na tanong ng oso.

Sandaling nag-alinlangan si Finn Doria. Napabaling siya kay Lucius na nakahandusay sa lupa, walang malay bago muling tumingin sa munting oso.

“Bakit mo pa ako tinatanong?” nag-aalinlangang tanong ni Finn Doria. “Hindi mo ba ako papatayin kapag sinagot ko ang tanong mo?”

Nanatiling blanko ang ekspresyon ng munting oso. Binitawan niya ang buhok ni Lucius at marahang tumugon, “Bakit kita papatayin, tao? Nawalan na ako ng rason para gawin ang bagay na iyon.”

“Gusto ko lang marinig ang sagot mo sa tanong ko,” dagdag pang sabi ng munting oso.

Umupo si Finn Doria sa lupa, pero, maingat ang kanyang ginawang pag-upo. Nakatingin pa rin siya sa munting oso.

“Nawalan na ako ng interes na patayin siya,” simpleng tugon ni Finn Doria.

Kumurba pataas ang labi ng munting oso. Ngumiti siya, at dahil sa blanko niyang ekspresyon, nagmukha lang siyang inosenteng munting oso.

“Ang iyong sagot ay hindi makabuluhan. Malinaw na gusto kang patayin ng Demonic Bear pero ngayong may pagkakataon ka para baligtarin ang sitwasyon, hindi mo pa rin siya tinuluyan,” kalmadong hayag ng munting oso. Dinampot muli ng maliit niyang kamay ang buhok ni Lucius at balewala itong hinila palapit kay Finn Doria.

Inihagis ng munting oso si Lucius malapit sa walang malay na katawan ng Demonic Bear at muling nagpatuloy sa pagsasalita, “Ang mahahalagang bahagi ng katawan ng Demonic Bear ay siguradong malaki ang halaga sa imperyo ng mga tao.”

“Totoo iyan,” simpleng tugon ng binata. “Pero, marami naman akong kayamanan na naipon. Sapat na marahil iyon para sa maikling panahon.”

“Isa pa, labag sa kalooban ko na paslangin ang halimaw na ito. Kahit na pinagtangkaan niya ang buhay ko, nadala lang siya ng galit at pagdadalamhati. Wala siyang kasalanan.”

“Pero marami ka nang pinaslang na halimaw, hindi ba?” tanong agad ng munting oso.

Natigilan si Finn Doria. Totoo iyon, pero may rason naman siya kung bakit niya pinapatay ang isang halimaw.

“Magkaibang sitwasyon ang mga iyon. Noon, inaamin kong pumapatay ako ng mga halimaw para magkaroon ng pera at mabuhay. Pero, binago ko na ang pananaw na ito. Hindi na ako pumapatay ngayon para lang sa kayamanan o para lang makapagsanay. Gayunman, kahit sino mang kumalaban sa akin, anumang lahi nila, hindi ako magdadalawang-isip na pumatay lalo na kung hindi makabuluhan ang rason nila.”

“Inaatake ako ng mga halimaw sa kagubatang ito dahil gusto nila akong kainin o kaya patayin lang, at siyempre, hindi ako natutuwa sa gano’n. Tungkol naman sa Demonic Bear na ito,” bumuntong-hininga si Finn Doria at marahang nagpatuloy, “Hindi niya pangunahing intensyon na patayin ako, at gaya nga ng sabi ko, nadala lang siya ng galit dahil mayroong isang sakim na adventurer ang pumatay sa kanyang anak.”

“Nakita ko iyon. Nakita ko ang pagpatak ng kanyang luha. Ang halimaw ay may damdamin din, kahit na likas na sa inyong lahi ang pagiging mabangis at marahas, hindi ba?” malumanay na sabi ni Finn Doria.

“Kakaiba ka, tao. Sa iyong pag-iisip, abilidad, mga kayamanan at paghawak sa mga sitwasyon. Hindi ka maikukumpara sa pangkaraniwang tao lamang,” sabi ng munting oso. “Dahil diyan, buo na ang loob ko na hindi ka patayin.”

“Pero bago kita paalisin, may isa akong kondisyon. Pero, maaari mo namang tanggihan ang kondisyon ko kung sa tingin mo ay hindi mo kaya.”

“Kondisyon? Talaga bang wala kang balak na patayin ako?” hindi makapaniwalang tanong ni Finn Doria.

“Maaaring halimaw ako pero may isang salita ako. Pero bago ko sabihin ang kondisyon ko, may kaugnayan ka ba sa tatlong babaeng walang malay doon?” nakaharap pa rin ang munting oso nang ituro niya ang direksyon sa kanyang likuran.

Naintindihan naman agad ni Finn Doria ang ibig sabihin ng munting oso kaya umiling siya at marahang tumugon, “Dalawang beses ko palang silang nakikita at hindi ko sila kilala, kahit sa pangalan nila.”

“Kung gayon bakit mo sila iniligtas?” mausisang tanong ng munting oso.

Napatitig nalang si Finn Doria sa munting oso. Bumuntong-hininga siya at nagsalita, “Para sa isang malakas na halimaw na gaya mo, masyado kang matanong. May pangalan ka ba? Tsaka ano’ng orihinal mong anyo?”

“Para patas, sasabihin ko rin ang pangalan ko. Ako si Finn Doria.”

“Hm? Tinatawag nila akong Ursur, at isa akong Six-Eyed Warbear. Isa rin akong Beastial King, at narito tayo sa aking teritoryo,” sabi ng munting oso na nagngangalang Ursur.

Dahan-dahan siyang lumakad sa tabi ni Finn Doria at naupo. Tumingin siya sa kalangitan habang ang binata naman ay maingat siyang pinagmasdan. Nagulat siya sa katauhan ng munting oso na ito. Kinaukausap siya ng isa sa mga hari ng Great Beastial Forest, at masyado itong matanong na nagbibigay hiwaga kay Finn Doria.

Para isa itong bata na maraming gustong malaman. Hindi bagay sa kanya ang pagiging mabangis na oso. Gayunman, alam niyang may dahilan kung bakit isang Bestial King ang osong ito kaya kailangan niya pa ring maging maingat kahit na alam niya namang wala siyang pag-asang mabuhay kapag inatake siya nito.

“Iniligtas mo ba ang tatlong babae na iyon dahil maganda sila? Sabagay maganda naman talaga sila at maraming lalaki ang magpapakabayani para lang iligtas sila,” hayag ni Ursur.

“Nakita mo ba ang lahat ng nangyari, Ursur?” tanong ni Finn Doria.

Umiling si Ursur at tumugon, “Hindi. Ang nasaksihan ko lang ay ang pagwawala ni Yssari. Hindi ako gano’n kalakas para masaksihan ang lahat ng nangyayari sa kagubatan.”

“Kung gayon, maaari bang magtanong? Kasabwat ba ng lalaking iyan ang tatlong babae?” tanong ulit ni Finn Doria.

“Sa pagkakaalam ko, hindi. Natanong ko na ang ibang saksi at nalaman kong palihim na pinaslang ng lalaking ito ang anak ni Yssari. Bumalik ang lalaki sa kanyang mga kasamang babae. Ipinakita niya pa ang mga nakuha niya mula sa anak ni Yssari, pero, natagpuan sila ni Yssari at doon na nagsimula ang pagwawala ni Yssari,” paliwanag ni Ursur. “Si Yssari… tahimik lang siya at hindi nakikialam sa mga tao. Pareho lang din kami ng pananaw na hindi maganda ang kahihinatnan ng digmaan at pakikipaglaban sa imperyo ng mga tao. Hindi kami sang-ayon sa ganito dahil alam namin ang ilan sa maaaring maging katapusan ng digmaan.”

“Pero ang sitwasyong ito ang susubok kung gaano katibay ang kanyang pananaw. Nakaranas siya ng ganitong pangyayari kaya malaki ang posibilidad na mabago ang pananaw niya sa pakikipaglaban at pagpaslang ng mga tao.”

Nakinig lang si Finn Doria sa mga sinasabi ni Ursur. Hindi siya makapagsalita dahil hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maipaliwanag ang kanyang pagkamangha kay Ursur. Napaka kalmado nito. Hindi ito hambog o marahas kausap.

Parang isa lang ding tao si Ursur na punong-puno ng kaalaman.

Bumuntong-hininga si Finn Doria. Naiintindihan niya ang ipinaparating ni Ursur; naiintindihan niya ang tungkol sa pananaw nito. Hindi sang-ayon si Ursur at ang iba sa digmaan dahil marami ang masasawi, gayundin naman si Finn Doria.

Hindi sang-ayon si Finn Doria sa digmaan at pakikibaka pero minsan, ito nalang ang paraan para magkaroon ng pagbabago.

Gaya nalang ng nangyayari sa Imperyo ng Rowan kung saan diktator ang namumuno sa imperyo. Kahit na gano’n naman talaga ang katangian ng isang emperador, hindi pa rin tama na paniwalain nila ang mga ordinaryong mamamayan na masasama ang ibang lahi.

Hindi pa rin nila dapat ginagawang kriminal ang mga inosente. Hindi dapat pinaglalaruan ng mga maharlika at maiimpluwensyang tao ang buhay ng ibang tao.

Napatingala si Finn Doria. Pinagmasdan niya ang mala-buhanging bituin sa madilim na kalangitan.

“Nakakatuwa na pareho pala tayo ng pananaw. Hindi rin ako pabor sa digmaan pero… wala akong pagpipilian dahil ito lang ang tangi kong paraan para sa pagbabago,” hayag ni Finn Doria habang nakatingin sa mga bituin.

“Kaya ka narito sa Great Beastial Forest para makidigma sa aming mga vicious beasts?” kalmado tanong ni Ursur habang nakatingin din sa kalangitan. “Pero… masyado ka pa ring mahina para labanan kami. Hindi mo kakayanin ang isang Beastial King.”

“Hindi iyon ang aking hangarin kaya ako nagpunta rito. Gusto kong magtungo sa Beastman Kingdom para hanapin ang aking mga kaibigan dahil magkakapareho kami ng misyon, ang pabagsakin ang Imperyo ng Rowan,” agad na sabi ni Finn Doria nang mapagtanto niyang mali ang iniisip ni Ursur.

Nagulat si Ursur. Napabaling siya sa binata at nakita niya ang sinsiredad at seryosong ekspresyon sa mukha nito.

“Pero isa kang tao. At sa iyong ipinakitang abilidad kanina, maaaring magkaroon ka ng mataas na posisyon sa imperyo ng mga tao,” malumanay na sabi ni Ursur.

“Hindi lahat ng tao ay ganyan mag-isip. Isa pa, ayokong magpa-alipin sa kahit na sinuman,” seryosong tugon ni Finn Doria. “Kung masasaksihan nila ang nangyari kanina, gagawa sila ng paraan para pagnakawan at alipinin ako. Hindi mo ba alam kung gaano ka-sakim at ka-ganid ang mga tao?”

“Alam na alam ko. Mag iisang siglo na ako sa mundong ito at marami na akong nakitang iba’t ibang klase ng kasakiman,” taimtim na sabi ni Ursur. “Ang mga tao, nangangaso sila at pumapaslang nga mga kauri ko para sa kayamanan, pagkain at negosyo. Pinagkakakitaan nila ang pagpaslang ng mga halimaw, at hindi ko naman sila masisisi dahil likas na sa kanila ang ganito.”

“Sakim at makamandang ang puso ng ilan sa mga tao. Habang kaming mga vicious beast naman ay likas na sa amin ang pagiging mabangis at pagiging agresibo.”

“Umaatake ang lahi namin sa mga lungsod, bayan at nayon dahil likas na sa karamihan ng halimaw ang katangiang iyon. Gaya nga ng sabi mo, maraming halimaw ang umaatake sa mga tao dahil gusto lang nilang pumaslang.”

Bahagyang ngumiti si Finn Doria. Naging taimtim ang kanyang mga mata at medyo nalulungkot siyang nagsalita, “Ang mundo ay may iisang batas na sinusunod; matira matibay. Kaya kailangan ng bawat isa na maging matibay kung gusto pa nilang manatili sa mundong ito.”

“Ako, nagpapalakas ako dahil gusto kong lumaban sa mga maling nakikita ko. Marahil hindi ko magagawang baguhin at itama ang lahat, gayunman, lahat ng aking maling makikita ay susubukan kong itama.”

“Nakita ko na ang mali, at isang malaking kaduwagan kung pipikit at tatalikod pa ako.”

Bumuntong-hininga si Ursur. Pinagmasdan niya ang kanyang mga paa at nagsalita, “Imposible na mabago ng isang tao ang buong mundo, gayunman, tama ka. Isang malaking kaduwagan kung pipikit o tatalikod pa ako sa oras na nakita ko na ang mali.”

Tumayo si Ursur sa kanyang kinauupuan at nagpatuloy, “Salamat dahil hindi ko namalayan na nagawa mo na pala ang kondisyon ko. Nasiyahan ako na makipag-usap sa ‘yo.”

“Nagawa ko na ang kondisyon mo..? Paano?” naguguluhang tanong ni Finn Doria.

“Ang orihinal na kondisyon ko ay gusto ko lang sana na may makinig sa akin, at nagawa mo na iyon,” nakangiting hayag ni Ursur. “Kung sa hinaharap, kailanganin mo ang tulong ko para labanan ang imperyo ng mga tao, bumalik ka rito at bigyan mo kami ng maayos na plano.”

“Talaga..? Tutulungan mo ako?” gulat na tanong ni Finn Doria.

“Oo. Tutulungan ka namin ng aking mga kaibigan. Susubukan ko ring kumbinsihin ang ibang Beastial Kings… pero malabong makipagtulunga sila sa isang taong gaya mo. Masyado nilang kinamumuhian ang mga tao,” tugon ni Ursur.

“Salamat. Sapat na sa akin na malaman na handa mo akong tulungan,” nananabik na sabi ni Finn Doria.

Isang Beastial King ang nakipagkasundo sa kanya ngayon, at kung hindi siya nagkakamali ang munting oso na si Ursur ay isang Ninth Grade Vicious Beast, maikukumpara sa isang hindi pangkaraniwang 9th Level Heaven Rank na adventurer.

Ang isipin palang ang mga bagay na ito ay nananabik na siya. Maaari siyang makahingi ng tulong sa isang 9th Level Heaven Rank para masugpo ang mga kalaban!

“Hm. Isa pa pala. Nabanggit mong patungo ka sa Beastman Kingdom, tama?” tanong bigla ni Ursur.

“Oo. May hihintayin ako roon. Bakit mo naitanong?” tanong din ng binata.

“Sa tingin ko lang ay matutulungan kita agad na makarating doon. Kaya kitang dalhin sa Beastman Kingdom sa isang iglap lamang,” nakatinging hayag ni Ursur.

“Talaga?! Kaya mong gawin iyon?!”

Nagulat si Finn Doria. Tiningnan niyang mabuti si Ursur. Hindi niya alam kung paano ito gagawin ng munting oso pero nananabik na agad siya ngayong may pag-asa na siyang marating ang Beastman Kingdom nang walang kahirap-hirap.

“Mm. Ang elementong tinataglay ko ay may kaugnayan sa espasyo kaya naman mayroon akong kaunting kaalaman sa paggamit ng kapangyarihan ng lagusan.”

Nagulat si Finn Doria kay Ursur. Sa pagkakaalam niya, pambihira lang ang elemento ng espasyo. Hindi pa siya nakakakalaban ng adventurer na nagtataglay ng ganito, at tanging si Ursur palang ang kilala niyang may ganitong kapangyarihan.

“Pero may paalala ako sa iyo. Hindi ko pa masyadong kontrolado ang kapangyarihang ito kaya hindi ko masasabi kung saan ka dadalhin ng kapangyarihan ko. Ang masisigurado ko lang ay sa Beastman Kingdom ang destinasyon mo,” kalamadong paalala ni Ursur.

“Hindi na mahalaga ang bagay na iyon. Maraming salamat, Ursur,” nakangiting sabi ni Finn Doria.

Tumango lang ang munting oso. Pinagdikit niya ang dalawa niyang palad at maryoong nabuong itim na pabilog sa gitna ng kanyang palad.

Kinontrol ni Ursur ang maliit na lagusan at unti-unti itong idinikit sa lupa. Mabagal ang paglaki nito at habang unti-unti itong lumalaki, may sumagi sa isip ni Finn Doria.

“Ang tatlong babae… ano nga palang mangyayari sa kanila?” tanong bigla ni Finn Doria.

“Bakit? Nag-aalala ka ba sa kanilang kaligtasan?” tanong din ni Ursur. “Bilang tugon, maaari lang silang mamili kung ano’ng gagawin nila pagkagising nila. Maaari silang magpatuloy sa pakikipagsapalaran at hindi ko sila pakikialaman. Pero, kung gusto nilang bumalik sa imperyo ng mga tao, malaya at payapa silang makababalik ng buhay.”

“Pero ang lalaking ito, ang pumatay sa anak ni Yssari ay hindi na mabubuhay, at sigurado ako roon. Nasa kamay na ni Yssari ang buhay niya,” dagdag pang paliwanag ni Ursur.

Natahimik si Finn Doria at napailing. Bumuntong-hininga siya at marahang nagsalita, “Nakakadismayang hindi ako ang makapapatay sa kanya… pero, mas karapat-dapat siyang mamatay sa kamay ng halimaw na kinuhanan niya ng kaligayahan.”

Hindi na tumugon pa rito si Ursur. Tumingin siya sa lagusang nasa lupa at marahang nagsalita, “Handa na ang lagusan. Maaari ka nang pumasok.”

Tumango si Finn Doria at nagpasalamat.

“Hanggang sa muli.”

“Hanggang sa muli, tao.”

Tumalon si Finn Doria sa lagusan, at pagkatalon na pagkatalon niya, nakaramdam siya na para bang hinihigop siya ng lagusan papunta kung saan. Nakaramdam din siya ng kaunting hilo, at naalala niyang hindi pa pala niya nababawi ang kabuuang enerhiya niya.

Matapos ang ilan pang saglit, nakita ni Finn Doria ang dulo ng lagusan. Nagpadala nalang siya sa puwersang humihigop sa kanya at ilang sandali pa, bigla siyang bumagsak sa isang makapal na pulang karpet.

Tatayo na sana si Finn Doria pero naramdaman niyang may talim na nakatutok sa kanyang leeg, likuran at tagiliran. Nagulat ang binata. Pinanlamigan siya ng sobra. Naparaming sibat at espada ang nakatutok sa kanya ngayon at maling galaw niya lang, siguradong katapusan niya na.

Mayroong anino ang unti-unti sumasakop sa kanya, at nang huminto ito, hindi napigilan ng binata ang mapatingala.

At pagkatingalang-pagkatingala niya, isang sampung talampakang pigura ang bumungad sa kanya.

“Paano nakarating ang isang tao sa aking palasyo? Magsalita ka, tao.”

--

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now