Chapter LXXXIX

7.1K 887 158
                                    

Chapter LXXXIX: Hatred

Sa harap ng isang malaking salamin, balisang pinapanood ni Eon si Finn Doria habang ito ay lumilipad palayo kay Drebor. Makikita ang pangamba at pag-aalala sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan niya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng kanyang master. Nasa tabi niya naman si Munting Black at salungat sa kanyang ekspresiyon, si Munting Black ay kalmado lang habang pinanonood ang nangyayari sa labas ng Myriad World Mirror. Hindi makikitaan ng pag-aalala o pangamba si Munting Black; nakatingin lang siya salamin na para bang interesado lang siya sa nangyayari.

Bawat segundo, lumalayo ang distansya ni Finn Doria kay Drebor, ganoon pa man, palakas din nang palakas ang pagkonsumo niya sa kanyang soulforce. Hindi mapalagay si Eon sa nangyayari. Ang kanyang mga mata ay punong-puno nang pag-aalala habang ang kanyang mga kamao ay nakakuyom.

Ilang segundo pa, hindi na nakayanan pa ni Eon ang kanyang sarili. Ibinuka niya ang kanyang bibig at balisang tinanong si Munting Black.

“Guro! Wala na ba talagang paraan para makalabas sa mundong ito?! Nasa panganib ang buhay ni master… kailangan ko siyang tulungan!” nag-aalalang saad ni Eon.

Tumingin si Munting Black sa kanya gamit ang blanko nitong ekspresiyon. Bahagya siyang umiling at marahang tumugon, “Sa ngayon, ang tanging paraan lang para buksan ang lagusan ay si Finn Doria. Hindi ko pa kayang puwersahang buksan ang lagusan... masyadong mahirap at kahit na kaya ko pa, hindi ko gagawin.”

“Pero si master... nasa panganib ang buhay ni master…” pabulong na ulit ni Eon.

“Matanda na ang iyong master, Eon. Hindi mo kailangang mag-alala sa kanya. Lagi mo na lang ba siyang tutulungan sa tuwing hindi niya kayang lusutan isang komplikadong sitwasyon? Ginagawa niya ang kanyang misyon ngayon, at hindi niya pa kailangan ng tulong ng kahit na sino.”

“Dapat ay ipagmalaki mo siya dahil sa totoo lang, pinahanga niya ako sa kanyang katapangan, kapangahasan at lakas ng loob,” paliwanag ni Munting Black. Muli siyang bumaling sa salamin at nagpatuloy, “Alam niyang delikado at komplikado ang kanyang hakbang na ito. Ganoon pa man, dahil sa determinasyon at kagustuhan niyang mabago ang kontineteng ito… dahil marami siyang gustong iligtas, nangahas siyang sumubok kahit na napakahina niya.”

Napayuko si Eon habang nakikinig sa mga sinasabi ni Munting Black. Na-surpresa siya sa mga sinabi ng kanyang guro. Alam niya naman na hindi nagkakasundo ang kanyang guro at master, pero, sa pagkakataong ito, mismong sa kanyang guro pa niya narinig ang mga papuring ito.

“At dahil dito, humahanga ako sa kanya. Ito ang kaugaliang kailangan ng mundo, Eon. Matapang, pangahas at determinado. Sa oras na maganap ang pangkalawakang digmaan, ang uri ng mga adventurers na may ganitong pag-uugali ang mamumuno upang labanan ang mga diyablo.”

Natahimik si Eon. Unti-unti siyang tumingala upang tingnan si Munting Black. Masaya siyang malaman na humahanga ang kanyang guro sa kanyang master, ganoon pa man, hindi pa rin nito maibsan ang kanyang pag-aalala kaya hindi siya sumuko.

“Pero guro... Kung mamamatay si master—”

“Kung mamamatay si Finn Silva, ibig sabihin ay ito ang kapalaran niya. Ito ang nakatadhanang mangyari sa kanya kaya wala na tayong magagawa pa,” mariing putol ni Munting Black kay Eon. “Tigilan mo na ako sa iyong mga ‘pero’. Iyan ang rason kung bakit hindi ko dinadala rito ang estudyante ni Finn Silva. Kayong mga bata ay napaka-ingay at maraming gusto. Hindi kayo mga ordinaryo kaya maaari bang umayos kayo ng inyong pag-uugali?”

“Lalo ka na Eon. Sinanay kita at tinuruan hindi para maging ganiyan. Sinanay at tinuruan kita dahil gusto kong maging Emperador ka sa Divine Realm. Gusto kong mangalap ka rin ng mga mandirigmang lalaban para sa ‘yo... dahil kung mamamatay si Finn Silva, sa iyo ako aasa.”

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now