Chapter XXV

10.2K 963 371
                                    

Chapter XXV: Despair

Hindi pumasok sa isip ni Finn Doria na kailanman ay mangyayari ang pangyayaring ito, ang pangyayari kung saan wala siyang magawa kung hindi ang manood nalamang habang pinaglalaruan sila ng kalaban.

Noon, hindi inisip ng binata na may malakas na adventurer na bababa sa kanilang maliit na mundo. Hindi niya na rin masyadong iniisip na mayroong kukuha kay Ashe dahil simula't sapul ay ito naman talaga ang pangarap ng dalaga.

Ang makapunta sa mataas na mundo at lumakas para patunayan ang kanyang sarili.

Gayunman, nagbago ang lahat dahil nalaman niya na ngayon ang tungkol sa totoong pamilya ni Ashe at ang kanilang nakaraan.

Hindi pa lubusang naiintindihan ni Finn Doria ang nakaraan nina Kiden, Noah at Vella. Pero dahil malaki ang pagkakautang niya kay Kiden at Noah, gusto sana niyang tulungan ang mga ito na mapanatili pa si Ashe ng kahit kaunting panahon, lalong-lalo na kay Kiden na ngayon palang nakikilala at nakakasama si Ashe.

Naisip ni Finn Doria ang kanyang mga protektor, ang mag-anak ni Eon. Hindi niya na pinroblema ang mga adventurer na mangangahas na kumalaban sa kanyang pamilya dahil sa kanyang mga protektor. Inakala ng binata na sapat na ang lakas nina Eon para maging payapa ang pamumuhay niya rito.

'Ang gusto ko lang naman ay tahimik at payapang buhay kasama ang mga taong malalapit sa akin...' sa isip ni Finn Doria.

Habang patuloy pa ring iniisip ni Finn Doria ang kanyang mga pagkakamali, nagpapatuloy naman ang pagpupumilit nina Eon, Leonel at Loen na matulungan sina Ashe at Kiden na makaalis mula sa pagkakasakal ni Alisaia.

"Malapit na akong maubusan ng pasensya sa inyo. Kung gusto niyo talaga ng sakit ng katawan, masaya akong pagbigyan kayo, mga hangal," malumanay na sambit ni Alisaia.

WHOOSH! WHOOSH!

"Kiden/Ashe!"

Ibinato ni Alisaia ang dalawa ni Kiden at Ashe palayo. Tumilapon ang dalawa sa magkasalungat na direksyon. Gumulong-gulong silang dalawa sa lupa at paghinto nila, mapapansing nagtamo silang dalawa ng pinsala.

Nakakuha lang ng maliit na pinsala si Ashe at malinaw namang hindi niya kailangan ng tulong dahil kusang gumagaling ang kanyang mga sugat. Si Kiden naman, na isa lang aktwal na 5th Level Sky Rank ay nagtamo ng malubhang pinsala. Nawalan ito ng malay at umaagos mula sa mga sugat nito ang maraming dugo.

Agad na kumilos sina Noah. Mabilis silang nagtungo sa kinaroroonan ni Kiden upang pakainin ito ng recovery pill. Hindi kailangan ni Ashe ng tulong kaya naman itinuon nila ang pagtulong sa walang malay na si Kiden. Inilayo nila ito at dinala sa ligtas na lugar.

Si Ashe naman ay kagat-labing tumingin kay Alisaia habang isa-isa nitong inaatake sina Eon, Leonel at Loen. Ang tatlo ang pinaka nagdudusa sa kanilang lahat. Marahil hindi pa aktwal na lakas ni Alisaia ang ginagamit niya, gayunman, kahit maliit na porsyento lang ng kanyang lakas ay sapat na para talunin ang mag-anak ni Eon.

"Anong ugnayan n'yo sa aking estudyante? Bakit sobra kayong nagpapakahangal na sayangin ang oras ko?" tanong ni Alisaia kay Eon na kasalakuyang hirap na hirap na tumatayo mula sa batohan.

"Bakit kailangan naming sagutin ang tanong mo?" nanghahamak na sambit ni Eon.

Isang napakalaking itim na palakol ang lumitaw sa kanyang kamay. Pinaikot-ikot niya ito sa kanyang kamay bago mahigpit na hinawakan. Matalim niyang tiningnan si Alisaia at ilang sandali pa, suminghal siya at sumugod.

"Hmph!"

WHOOSH!

"Ang aura ng armament na 'yan..." nabiglang bulalas ni Alisaia. Naging seryoso ang kanyang ekspresyon at seryosong nagsalita, "Hindi ka nagmula sa mundong ito. Saan ka nagmula, bata?"

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now