Chapter XCII

6.9K 910 82
                                    

Chapter XCII: Dayang

Natigilan si Finn Doria nang marinig niya ang isang magandang malumanay na tinig. Para bang ang mga salitang binitawan ng tinig ay ibinulong malapit sa kanyang tenga dahil dinig na dinig niya ang bawat tono ng salita. Minsan nang nakarinig ng ganoong tinig si Finn Doria. Narinig niya ang ganitong kalumanay na paraan ng pagsasalita kay Auberon, pero, kumpara sa tinig ng babae na kanyang narinig, mas malumanay ito.

Bumaling si Finn Doria sa ginintuang usa na tinawag ng babae sa pangalang Malina. Sandali siyang nag-alinlangan bago magsalita.

“Ang iyong kaibigan ba ay isang tao?” interesadong tanong ni Finn Doria kay Malina.

“Mahalaga pa ba ang bagay na iyan?” balik na tanong naman ni Malina.

Napakunot ang noo ni Finn Doria dahil sa sagot ni Malina. Napangiwi na lang siya at bahagyang umiling.

“Hindi naman. Gusto ko lang malaman, at mukhang wala namang mali roon, hindi ba?” kibit-balikat na tugon ni Finn Doria.

Ilang segundong tumitig si Malina kay Finn Doria bago tuluyang maglakad patungo sa maliit na kubo.

“Inaanyayahan ka na ng aking kaibigan. Huwag ka nang magtanong nang magtanong. Magpasalamat ka na lang dahil buhay ka pa hanggang ngayon,” sabi ni Malina habang naglalakad.

Naiwang nakangiwi si Finn Doria. Malamig ang pakikitungo ni Malina sa kanya, at ramdam niya iyon. Marahil iniimbitahan siya nito, ganoon pa man, pakiramdam niya ay hindi talaga siya dapat naririto sa lugar na ito.

Naalala niya tuloy si Munting Black dahil kay Malina. Parehong malamig ang pakikitungo ng dalawang kakaibang nilalang sa kanya, pero, kumpara kay Munting Black na lagi siyang minamaliit at inuutusan, mas mabait pa si Malina.

Hindi na nagsalita pa si Finn Doria at sumunod na lang siya kay Malina. Nakarating siya sa simpleng bakod ng kubo at doon sa malawak na kalupaan, bumungad kay Finn Doria ang maliliit na halamanan at gulayan na hitik na hitik sa bunga.

Pero, hindi ang napakaraming iba’t ibang uri ng gulay at prutas ang nagpahanga kay Finn Doria, ang lubos na nagpamangha sa kanya at nagpanganga sa kanya ay ang kalidad ng mga ito.

Ang lahat ng halaman, prutas, herbal at gulay ay mayroong napakataas na kalidad! At ang bawat isa rito ay talaga namang naging dahilan upang tumulo ang laway ni Finn Doria.

‘Napakaraming kayamanan! Kung makakakuha ako ng kahit isa…’

“Huwag mo nang balakin pa ang iyong binabalak, bata. Marahil nais mo namang mapanatiling kompleto ang iyong mga braso, tama ba?” sambit ng tinig sa tenga ni Finn Doria.

Dahil sa mga salitang narinig niya, nanginig ang katawan ni Finn Doria. Ang kanyang kamay na lalapat na sana sa isang animo’y dahon ng luya ay napahinto. Napangiwi siya at napatingin sa kubo. Napabaling din siya kay Malina na kasalukuyang nakatitig sa kanya.

“Hindi ba ako maaaring bumunot ng kahit isa nito?” tanong ni Finn Doria habang nakaturo sa halaman na dapat niyang bubunutin.

Lumipas ang ilang segundo. Umihip ang malamig na simoy ng hangin at walang natanggap na tugon si Finn Doria. Tumalikod na ulit si Malina sa kanya at muling naglakad papalapit sa harap ng pinto ng kubo.

Nanghihinayang na bumuntong-hininga si Finn Doria. Napakamot siya sa kanyang ulo at napailing na lang dahil sa pagka-dismaya. “Napapalibutan ako ng mga totoong kayamanan pero hindi man lang ako makakuha kahit isa.”

“Mas nakapanghihinayang pa ito kaysa sa pagkawala ng akin sanang manika at ng aking mga kayamanan…” mas lalong nakaramdam ng panghihinayang si Finn Doria nang maalala niya ang tungkol sa nawala niyang mga kayamanan.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now