Chapter LXXV

7.1K 952 108
                                    

Chapter LXXV: The Solution, King Eregor Leonar

Kasalukuyang sinusuri ni Finn Doria ang panimula ng Foundation Art na pinapraktis ng hari. Ang hawak niyang libro ngayon ay isang kopya lamang, gayunpaman, sapat na ito upang kanyang masuri kung ano ang mali sa Foundation Art na ito. Nakatitig ngayon ang binata sa isang pangungusap, at napangiti siya dahil natuklasan niya na kung ano ang mali sa Foundation Art na ito.

Sa totoo lang, hindi na ipinagpilitan pa ni Finn Doria ang pagtingin sa Foundation Art. Nang sabihin sa kanya ng hari na hindi niya maaaring ipakita ang Foundation Art sa iba, nirerespeto ito ni Finn Doria.

Ang Foundation Art ang isa sa pinaka kailangang isikreto ng isang adventurer. At kahit si Finn Doria, hindi niya ipapakita sa iba ang kanyang mga Foundation Arts na ginagamit dahil sa maraming dahilan.

Inilipat pa ni Finn Doria sa ibang pahina ang librong nakapatong sa lamesa at doon niya nakita ang mga hakbang at tagubilin sa tamang paggamit ng Enhanced Lightning Art.

Tama, ang Foundation Art na Enhanced Lightning Art ang Foundation Art na pinapraktis ng hari. Nasa dugo na ng karamihan sa mga miyembro ng Panthera Lion Tribe ang pagkakaroon ng elemento ng kidlat, kaya naman tama lang ang Foundation Art na ito upang kanilang pagsanayan.

Kayang palakasin ng Foundation Art na ito ang kanilang enerhiya ng dalawampung porsyento. Isa itong katanggap-tanggap na Foundation Art para sa mga naninirahan sa Lower Realm.

Gayunpaman, sa mata ni Finn Doria maikukumpara lang ito sa isang basura.

Isinarado ni Finn Doria ang libro at itinulak ito papunta sa hari. Seryoso ang ekspresyon ng binata gayundin naman ang hari at si Zigar. Tinitingnan nila ang reaksyon ng binata at sinusubukan nilang hulaan kung may kakayahan ba ito o wala.

“Mayroon ka bang nakita, Finn Doria?” marahan ngunit hindi na makapaghintay na tanong ng hari.

Medyo umayos na ang kanyang pakikitungo sa binata. Isa siyang hari pero hindi niya naman kailangang umastang hari sa harap ng gagamot sa kanya at sa kanyang kaibigan.

Hindi siya hari ngayon, bagkus, isa siyang pasyente na mayroong problema na kailangang masolusyunan.

Ngumiti si Finn Doria sa hari, isang bahagyang ngiti. Hindi niya pa rin inaalis ang pagiging magalang dahil isa pa ring hari ang kaharap niya. Isang hari na sa tingin niya ay hindi naman masama.

“Kamahalan, hayaan ninyong maging totoo ako sa inyo,” nakangiting panimula ni Finn Doria. “Ang inyong ginagamit na Foundation Art, ang Enhanced Lightning Art na iyan ay isang pangkaraniwan—mali. Isang basura lamang para sa akin.”

“Pero s’yempre, sa kontinenteng ito, isa iyang pambihirang kayamanan na hindi madaling makuha gamit lamang ang pera o kahit anong kayamanan. Maihahalintulad ang halaga niyan sa isang low-tier Heaven Armament.”

Napapitlag ang dalawa ng banggitin ni Finn Doria ang tungkol sa pambihirang armament. Nagkatinginan sila at nayayabangan silang tumingin sa binata dahil sa binitawang salita nito.

“Isa lamang basura ang bagay na iyan sa ‘yo? Natagpuan ng aking ama ang kayamanan na iyan ilang dekada na ang nakararaan! Isang iyang kayamanan na walang katulad dahil kaya niyang gawing malakas na adventurer ang isang ordinaryong adventurer—gaya ko,” mariing pagmamatigas ng hari.

Pilit na napangiti si Finn Doria. Nagiging totoo lamang siya sa kanyang sinabi. Paano magagawa ng isang hamak na common tier Foundation Art na maikumpara sa mga pambihirang Foundation Arts ni Finn Doria?

Ang common tier Foundation Art na ito ay para lamang sa isang ordinaryong adventurer!

“Kamahalan, kung iyan ang gusto ninyong paniwalaan, wala na akong magagawa sa bagay na iyon,” ngiting hayag ni Finn Doria. “Pero, wala sa kalidad ng Foundation Art na ito ang paksa. Tutulungan ko kayo na masolusyunan ang inyong problema pero kailangan ko muna kayong tanungin, kamahalan.”

“Ginagamit din ba ng inyong ama ang Foundation Art na ito? At nasaan na siya?” magalang at marahang pagtatanong ng binata.

Huminahon ang hari. Seryoso siyang tumingin kay Finn Doria at tumugon, “Pagkatapos makuha ng aking ama ang kayamanang ito, agad niyang ipinasa sa akin ang trono. Itinuon niya ang kanyang atensyon sa pagsasanay matapos niya akong iwanan ng kopya nito. Nagtungo siya sa pribadong kuweba at hanggang ngayon, hindi pa siya bumabalik.”

Napaisip si Finn Doria at ilang sandali pa, napailing siya, “Kamahalan… masyadong marahas ang sasabihin ko pero kailangan ninyo nang ihinto ang inyong pagsasanay gamit ang Foundation Art na ito. Kung gusto niyo pang tumagal ang inyong buhay, kailangan n’yo nang wasakin ang pundasyong nabuo ninyo.”

“Nagbibiro ka ba, Finn Doria?” mariing tanong ng hari. “Inuutusan mo ako, si Eregor Leonar ang hari ng mga beastmen na wasakin ang pundasyong binuo ko nang mahigit tatlong dekada?”

Hindi mapigilan ni Eregor na makaramdam ng galit. Hindi niya kayang gawin ang sinasabi ni Finn Doria dahil unang-una, mababalewala ang lahat ng pinaghirapan niya. Mapapabilang na rin siya sa ordinaryong adventurer at mawawalan na siya ng kapangyarihan bilang hari.

Nanatili namang kalmado si Finn Doria kahit na alam niyang hindi sang-ayon sa kanya ang hari. Gayunpaman, para sa kanyang binabalak at para na rin mas mapadali ang pananatili niya sa kahariang ito, kailangan niyang tulungan si Eregor sa problema nito.

Kahit pa mas malaki ang ibigay niya kaysa sa matatanggap niya.

“Hindi ko gusto na wasakin ninyo ang inyong pundasyon, kamahalan. Ang ipinapayo ko lamang ay gawin ninyo ito para hindi na lumala pa ang inyong problema,” pagtatama ni Finn Doria kay Eregor. “Para makumbinsi kayo na alam ko ang sinasabi ko at ginagawa ko, hayaan ninyong banggitin ko sa inyo ang negatibong epekto ng inyong ginagamit na Foundation Art.”

“Hangga’t gamit ninyo ang Foundation Art na iyan, hindi kayo magkakaroon ng anak kahit pa makipagtalik kayo sa lahat ng babaeng beastman sa kahariang ito.”

Nanlaki ang mga mata ni Zigar at Eregor. Natahimik si Eregor habang sa mukha naman ni Zigar ay bumakas ang galit.

“Paano mo nasasabi ang bagay na iyan sa harap ng kamahalan?! Kahit na isa kang tao, dapat may paggalang ka pa rin sa aming kamahalan,” galit na hayag ni Zigar.

Alam ni Zigar ang tungkol sa sikretong ito ng hari. At alam niya rin na sensitibo ang paksang ito. Ito ang totoong problema ni Eregor; hindi siya makabuntis kaya hindi siya magkaroon ng anak. Isa itong malaking problema dahil kapag hindi pa siya nagkaroon ng anak, kukuwestiyunin na siya ng ibang maharlikang beastmen. Wala siyang pamamanahan ng trono at malaki ang posibilidad na sa ibang maharlika o tribo mapunta ang trono at kapangyarihan.

“Zigar… totoo naman ang bagay na iyon. Tama ang binatang iyan sa kanyang sinabi… isa akong depektibo at wala akong kakayahan na magkaroon ng anak. Matagal ko nang iniisip na ang dahilan ay ang Foundation Art na nahanap ni ama pero hindi ako handa na itigil ito dahil ito nalang ang pag-asa natin para labanan ang mga tao,” nanghahamak sa sariling hayag ni Eregor.

“Kamahalan—”

“Tama na. Ang tanging gusto ko nalang marinig ay ang sasabihin ng binatang ito. Gusto kong malaman kung bakit may ganitong epekto ang kayamanang ito…” pailing-iling na sabi ni Eregor.

Ngumiti si Finn Doria sa hari at marahang nagtanong, “Handa na ba kayong makinig sa mga sasabihin ko, kamahalan, Ginoong Zigar?”

“Nakakatawang isipin na ako, si Eregor Leonar, ang hari ng mga beastmen ay makikinig sa isang tao,” nanghahamak sa sarili na hayag ulit ni Eregor. Tumango siya kay Finn Doria at huminga ng malalim. “Kung maaari, ipaliwanag mo sa amin kung ano ang problema bakit ako nakararanas ng ganito.”

Bahagyang ngumiti si Finn Doria at nagpatuloy, “Napaka simple lang ng sagot sa inyong tanong, kamahalan.”

“Nakararanas kayo ng masamang epekto dahil ang Foundation Art na iyan ay hindi angkop sa inyo, kamahalan,” dagdag na paliwanag ng binata.

Napakunot ang noo ni Eregor. Hindi niya maintindihan kung paano ito nasabi ng binata. Hinawakan niya ang libro at binuksan ito, “Ang tinataglay kong elemento ay kidlat, at ang katangian ng mga skills na naririto ay kidlat din. Tamang-tama lang ang Foundation Art na ito para sa akin!”

Umiling si Finn Doria at inilahad ang kanyang kamay. Inabot naman sa kanya ni Eregor ang libro. Ngumiti si Finn Doria at nagsalita, “Kung elemento ang pagbabatayan, walang problema. Ang problema, kamahalan, isa kang beastman.”

“Habang ang Foundation Art na ito ay para sa isang tao. Masuwerte kayo dahil kalahating-tao, kalahating-halimaw kayo. Kung para sa demonyo ang Foundation Art na ito, siguradong makalipas lang ang ilang araw na paggamit ay malala na ang karamdaman ninyo.”

“Para sa tao…? Ang ibig mong sabihin ay mayroon pang kwalipikasyon ang ganitong uri ng kayamanan?” hindi makapaniwalang tanong ni Eregor. Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Si Zigar naman ay naguguluhan dahil unang-una, kakarampot lang ang alam niya sa pinag-uusapan ng dalawa.

“Tama, kamahalan,” tangong tugon ni Finn Doria. “Kaya nais kong ihinto ninyo ang paggamit niyan. Wasakin ninyo ang Foundation Art na iyan sa lalong madaling panahon kung ayaw ninyong ang inyong soulforce coil at soulforce pathway ang mawasak.”

“Pero…” hindi maitulot ni Eregor ang kanyang sasabihin. Nag-aalinlangan siya. Gusto niyang paniwalaan ang mga sinasabi ni Finn Doria dahil lahat ng iyon ay may basehan naman.

Nabasa niya ang tungkol dito, nabasa niya ang pangungusap na nagsasabi na ‘kailangan nagtataglay ang isang tao ng elemento ng kidlat’. Hindi nila pinansin ng kanyang ama ang tungkol sa pangungusap na ito dahil akala nila ay pangkalahatan ang tinutukoy roon, gaya ng mga nasa libro.

Isa pa, hindi niya rin kayang wasakin ang kanyang pundasyon nang gano’n-gano’n nalamang. Pero, kailangan niyang mamili; panandaliang malakas kapangyarihan o pang matagalang karaniwang kapangyarihan at pagkakaroon ng anak?

“Sa tingin ko, sa iyong inilalabas na awra, ilang dekada nalang ang natitira bago tuluyang masira ang inyong soulforce coil, kamahalan,” seryoso nang hayag ni Finn Doria. “Maliit palang ang pinsala nito ngayon pero kapag lumipas ang mga taon at dekada, unti-unti itong magkakaroon ng malaking pinsala hanggang sa tuluyan na itong mawasak.”

Huminga ng malalim ai Finn Doria at nagpatuloy, “At kamahalan, alam n’yo naman marahil ang maaaring mangyari sa oras na mawasak ang inyong soulforce coil, hindi ba?”

“Kamatayan…” tugon ni Eregor.

Kapag nasira ang soulforce coil, ang enerhiyang nakapaloob dito ay tatagas hanggang sa tuluyan na nitong maapektuhan ang katawan ng isang adventurer. Sasabog ang katawan ng isang adventurer, at hindi mahalaga kung isa pa itong 9th Level Heaven Rank.

“Hindi ko kayang mawala ang mas pinalakas na enerhiyang tinataglay ko… kung hihina at magiging pangkaraniwan nalang din ako, hindi ako magkakaroon ng kakayahan na protektahan ang kahariang ito,” seryosong hayag ni Eregor. “Hindi. Wala na akong pakialam kahit pa isakripisyo ko ang aking buhay. Hangga’t nagtataglay ako ng ganitong kapangyarihan, mapoprotektahan ko ang Beastman Kingdom. Maaari akong humanap mula sa Panthera Lion Tribe ng kandidato para magmana ng Foundation Art na ito… marahil hindi ito patas pero ipaliliwanag ko muna ang lahat bago ko ipagamit sa kanya ang kayamanang ito.”

“Ipaliliwanag ko rin sa aking mapipili na kailangan niya munang mag-anak upang hindi siya magaya sa nangyari sa akin.”

Natahimik nalang si Finn Doria. Si Zigar naman ay hindi na nagsalita. Sinusuportahan niya kung ano ang gusto ng kanilang hari dahil ito nalang ang kanilang maaaring gawin para labanan ang mga tao.

Simpleng pagsasakripisyo lamang ito kapalit ng malakas na kapangyarihan, at kung mayroon lang din sana siyang Foundation Art na may elemento ng hangin, handa siyang gamitin iyon at magsakripisyo upang tulungan ang kanilang hari.

“Kamahalan, ikaw ay may kapuri-puri, kahanga-hangang pag-iisip, at may… matigas na ulo,” iling na hayag ni Finn Doria.

Ngumiti si Eregor at marahang tumugon, “Maaari bang isipin mong isa pa rin akong hari, Finn Doria? Kung sa iba nanggaling iyan, siguradong tuturuan ko sila ng leksyon.”

“Bakit? Nagsasabi lang ako ng totoo. Ha ha ha,” natatawang sabi ni Finn Doria. Inilapag niya sa lamesa ang libro at marahang nagsalita, “Kung gayon, mukhang wala na talaga akong pagpipilian pa. Mukhang kailangan ko na talagang tumulong sa pagkakataong ito.”

Napataas ang kilay ni Eregor habang nagka-interes naman si Zigar sa sinabi ni Finn Doria.

“Mayroon pa bang ibang paraan para malutas ang problema ng kamahalan?” tanong ni Zigar.

Ngumiti si Finn Doria at nagmamalaking tumugon, “Napakarami kong paraan para matulungan ang kamahalan. Maaari kong baguhin ang nilalaman ng Foundation Art at gawin itong angkop sa isang beastman. Gayunpaman, mananatiling mababang uri lang ito ng Foundation Art kaya hindi ito ang gagawin ko.”

“Dahil Foundation Art ang usapan dito, may mas maganda akong alok sa inyo, kamahalan,” nakangiting dagdag pa ni Finn Doria.

Hanggang sa matapos si Finn Doria sa pagsasalita, gulat na ekspresyon pa rin ang nasa mukha nina Zigar at Eregor. Nagulat sila dahil sa unang sinabi ng binata. Akala nila ay nagkamali sila ng dinig pero imposibleng mangyari iyon dahil matalas ang kanilang pandinig. Hindi sila nagkakamali, talagang narinig nilang sinabi ni Finn Doria na may kakayahan siyang baguhin ang Enhanced Lightning Art at gawin itong angkop sa isang beastman.

‘Kung kaya niyang gawin ang sinabi niya, isa pa ba talaga siyang tao..? Mas halimaw pa siya kaysa sa amin..’ sa isip ng dalawa.

Naguluhan naman si Finn Doria dahil wala siyang nakuhang tugon. Hindi niya nalang ito pinansin at nagpatuloy nalang sa kanyang sinasabi.

“Maaari ko kayong bigyan ng angkop at mas magandang kalidad ng Foundation Art. Kailangan n’yo lang gawin pagkatapos kong maibigay sa inyo ang Foundation Art ay wasakin ang ginagamit ninyong basurang Foundation Art at makinig sa aking gustong i-alok,” hayag ni Finn Doria.

Mas nagulantang dito si Eregor. Seryoso siyang tumingin sabinata at hindi niya mapigilan ang makaramdam ng kaba, kaba na ngayon niya lang muli naramdaman magmula nang siya ay maging hari ng mga beastmen.

“Bibigyan mo ako ng panibagong Foundation Art na angkop sa akin..? At gusto mong paniwalaan kita?” hindi naniniwalang tanong ni Eregor.

“Kung gano’n, hanggang ngayon pala ay minamaliit ninyo pa rin ako, kamahalan,” nakangiting tugon ni Finn Doria. “Ang aking gagawing pagtulong ay hindi magiging libre. Mayroon akong hihilinging napakaraming bagay sa inyo kaya dapat ninyo itong pag-isipang mabuti.”

“At h’wag kayong mag-alala. Ang mga bagay na hihilingin ko ay nabibili pa naman ng pera,” dagdag pa ng binata.

Sandaling nag-isip si Eregor. Tinimbang niya kung saan siya magbebenipisyo at kung may kaakibat na pagsasakripisyo ba ito. Gayunpaman, wala siyang nakitang mali sa gusto ni Finn Doria. At kung totoo mang kaya siyang bigyan ng binata ng angkop na Foundation Art, mas magbebenepisyo pa siya.

Marahil uulit siya sa simula pero malulutas naman ang kanyang malaking problema.

Tumingin si Eregor kay Zigar. Bahagyang ngumiti si Zigar kay Eregor at marahang nagsalita, “Wala ako sa posisyon para magdesisyon, kamahalan. Kahit ano pang desisyon ninyo, ako ay laging nakaalalay sa inyo.”

Natahimik muli si Eregor. Tumingin naman siya ngayon kay Finn Doria at marahang ibinuka ang kanyang bibig. “Ano’ng gusto mong gawin ko?”

“Simple lang, kamahalan,” ngiting tugon ni Finn Doria. “Bigyan ninyo ako ng blankong aklat at panulat.”

“Ibibigay ko sa inyo ang isang totoo at may kuwentang Foundation Art.”

--

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now