Chapter LXVIII

8.3K 891 93
                                    

Chapter LXVIII: Logoria

Sa mansyon, sa loob ng naipagawa ng opisina ng duke, kasalukuyang nakaupo si Crome sa upuan na nakalaan para sa kanyang panauhin. Hindi siya nakaupo sa kanyang magarbong upuan dahil ang kasalukuyang nakaupo rito ngayon ay ang kanyang amang si Servero, isang Grand Duke sa Kaharian ng Preian. At bukod pa roon, isang 9th Level Heaven Rank.

Si Servero ay isang matandang adventurer na mag-iisandaang taon na. Matanda na siya pero napakalakas pa rin ng dating niya. Mayroon siyang mala-espadang mga kilay at matalim na mga mata.

Sa buong kaharian ng Preian, si Servero ay may napakataas na katayuan. Kahit ang hari ay nakikinig sa kanyang hinaing, opinyon at suhestyon. Kinakapitan siya ng mga maharlika dahil malakas siya sa hari. Walang sinuman sa Preian ang kumakalaban sa kanya dahil takot sila sa impluwensya at puwersang pinamumunuan ni Servero.

Isa pa, marami ring anak si Servero, at nagkalat ang mga ito sa kaharian ng Preian; ang ilan ay may titulo ng maharlika habang ang ilan naman ay mas pinili na maging isang adventurer na nakikipagsapalaran. Mayroon pang iba na sikat sa ibang kaharian at mayroon na ring pangalan sa Imperyo ng Rowan. Isa rin ito sa rason kung bakit matatag ang katayuan ni Servero sa Kaharian ng Preian.

At si Crome ang isa sa pinakawalang kuwenta niyang anak pero may pinaka mataas na titulo sa lahat ng kanyang mga anak. At ang dahilan? Paborito niyang anak si Crome kaya kahit na duwag ito at palaging pumapalpak, ito lang ang nag-iisa niyang anak na pinapaboran niya ng sobra.

“Nakakadismaya talaga ang ginawa mong ito, Crome,” malumanay na sabi ni Servero. Pinagdikit niya ang kanyang mga daliri habang ang kanyang dalawang siko ay nakapatong sa lamesa.

Hindi maganda ang timpla ni Servero, pero nanatili siyang kalmado dahil ayaw niyang sigawan at pagalitan ang kanyang anak.

Bumuntong-hininga si Servero at nagpatuloy, “Kung hindi ka sana nagpadalos-dalos at kung ipinaalam mo lang sa akin agad ang tungkol sa bagay na ito, marahil nasa kamay na natin siya ngayon.”

“Hindi kita gustong pagsalitaan ng masama aking anak pero hindi ka talaga nag-iisip. Sobra akong nadismaya sa ‘yo sa pagkakataong ito,” dagdag pa ni Servero.

Nataranta at bumakas ang galit sa mukha ni Crome. Minsan lang siya pagsalitaan ng ganito ng kanyang ama kaya hindi niya mapigilan ang mapaisip.

“Hindi ko naman kasalanan ang lahat ng iyon ama! Kung hindi dumating at nakialam si Crypt, mapapasakamay na sana natin ang dalawampung taong gulang na Five Star Grandmaster Blacksmith!” agad na paliwanag ni Crome habang inilalahad ang kanyang mga kamay. “Marahil pumalpak ako noong ipinadadakip ko siya dahil hindi ko na-imbistigahan ang buo niyang lakas pero… lahat naman ay umaayon sa aking plano, ama. Nahulog siya sa patibong ko at nadala ko siya rito pero… hindi ko talaga inaasahan ang pagdating ni Crypt.”

Gusto pa sanang sabihin ulit ni Servero na hindi nag-iisip si Crome pero napigilan niya ang kanyang sarili. Inilapag niya ang kanyang palad sa ibabaw ng lamesa at bahagyang umiling.

Bumuntong-hininga si Servero at taimtim na tumingin sa kanyang anak, “Napakalaki ng pinakawalan mong isda, aking anak. Kung totoo nga ang sinasabi mong nakaakit siya ng kidlat gaya ng nasa mga libro at pag-aaral ng mga panday, ibig sabihin ay muntik na siyang makabuo ng Heaven Armaments… at dalawa pa sana iyon.”

“Kung nagawa niya iyon sa unang beses, magagawa niya ulit iyon sa ikalawang pagkakataon; at maaaring magtagumpay na siya sa sandaling iyon. Inisip mo sanang mabuti kung gaano kahalaga ang Blacksmith na may kakayahang gumawa ng mga Heaven Armaments at hindi mo sana agad pinairal ang iyong ganid,” pailing-iling na sabi ni Servero.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now