Chapter XLIII

8.1K 962 141
                                    

Chapter XLIII: Level Up!

Kasalukuyang nasasaksihan nina Finn Doria, Zed at Grey ang pagwawala ng malaking pugita habang sina Gin naman at ang ibang miyembro ng Dark Crow ay buong lakas na inaatake ito.

Sunod-sunod na pagsabog, pagsigaw at pag-atungal ang maririnig sa buong lugar. Bukod sa grupo nina Grey na kararating lang, tulong-tulong ang mga miyembro ng Dark Crow na atakihin ang Eight-eyed Mad Octopus.

Napakalakas ng alon dahil sa nagaganap na paglalaban. Kahit ang malalayong Vicious Beasts ay umiiwas sa bahaging iyon ng karagatan dahil sa dambuhalang pugita.

Kakaiba ang dambuhalang pugita, sa lakas man o sa awrang inilalabas nito. Ibang-iba ito sa Eighth Grade Ghost Shark na nakalaban nila kamakailan lamang. Mas malakas ito, mas malakas nang hindi hamak kaysa sa isang ordinaryong Eighth Grade Vicious Beast.

Narinig ni Finn Doria kanina si Grey na magsalita kaya bumaling siya rito. Alam niya na isang Eight-eyed Mad Octopus itong dambuhalang pugita, gayunman, hindi niya alam ang tungkol sa Ninth Grade Vicious Beast.

Bumaling si Finn Doria kay Grey at nagtanong, "Ninth Grade Vicious Beast? Ibig sabihin ay higit pa sa isang Heaven Rank?"

Nagtatakang bumaling muli si Finn Doria sa pugita at mahinang napabulong, "Pero hindi naman Heavenly Knight Rank na awra ang inilalabas ng pugitang iyan.."

"Ikinokonsidera iyang Ninth Grade Vicious Beast pero maikukumpara pa rin iyan sa Heaven Rank Adventurer. Pero, sa isang 9th Level Heaven Rank. Ayon sa ulat, ang mga nasa antas at ranggo na 9th Level Heaven Rank ay malapit nang maabot ang pagiging ah.. diyos.." nahiya si Grey nang banggitin niya ang tungkol dito. Tumingin siya sa katabi niyang si Zed na kasalukuyang nahihiya rin at sinabing, "Ikaw na ang magpaliwanag kay Finn Doria. Tutulong ako kina kapitan."

Hindi na hinintay ni Grey ang tugon ni Zed. Agad niyang binalutan ang kanyang sarili ng kadilimang enerhiya at mabilis na sumugod sa pugita.

Naiwan si Zed at Finn Doria roon. Bumaling si Zed kay Finn Doria at marahang nagsalita, "Sa makatuwid, ang dambuhalang pugitang iyan ay nasa Heaven Rank pa rin. Kaya pa nating labanan iyan kung magtutulong-tulong tayo labing tatlo."

"Sina kapitan na ang bahala sa direktang pakikipaglaban sa pugita habang susuporta naman tayo sa kanila. Mayroon na rin kaming nakalaban dati na Ninth Grade Vicious Beast. Mas mapanganib lang ang dambuhalang pugita na ito,"dagdag pa ni Zed. Inilabas niya ang kanyang sibat. Aalis na sana siya pero naalala niyang walang sandata si Finn Doria.

"Gusto mo bang humiram ng sandata? Mayroon ako ritong malapad na espa-"

"Ayos na ako," seryosong putol ni Finn Doria kay Zed. Binalutan ng binata ang kanyang katawan ng asul na enerhiya at sumugod na rin sa halimaw. "Halika na. Kailangan na tayo ni ginoong Gin."

Hindi naman sa nagiging hambog si Finn Doria. Totoong gusto niyang gumamit ng sandata ngayon upang mas maipakita niya pa ang kanyang kakayahan bilang adventurer. Pero, gusto niyang panghawakan ang pangako niya kay Munting Black.

Kung gagamit man siya ng sandata, gagamit siya nang sandatang hindi nanggagaling sa iba. Gusto niyang gumamit ng sarili niyang gawang armament para maipakita kay Munting Black na pinaghirapan niya iyon. Pero ngayon, mas gusto muna ni Finn Doria na makipaglaban gamit ang kanyang mga paa, kamao at skills.

Hindi niya na hinintay pa si Zed. Ginawa niyang patalim ang kanyang mga braso at mabilis na inatake ang galamay ng pugita na kasalukuyang nakasampa at pumapaikot sa katawan ng «Raven». Inaatake rin ito ng kambal na Mason at Madison at nakagagawa sila ng pinsala sa galamay ng pugita.

Water Sage Art: Water Blade

Nang atakihin niya ang galamay, nagkaroon ng malaking hiwa rito. Nanabik ang binata at napabulalas, "Malambot lang ang galamay ng pugita kaya madali lang na sugatan ang isang ito."

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now