Chapter XXXIX

9.1K 839 138
                                    

Chapter XXXIX: Forbidden Places

"Forbidden Places?"

Sa halip na matakot, hindi napigilan ni Finn Doria na maging interesado sa sinasabi ni Zed. Marami na siyang napagdaanan at marami na rin siyang nakitang pambihirang pangyayari. Muntik na siyang mapatay ng isang Heavenly Chaos Rank mula sa Middle Realm, nakakita na siya ng mga Divine Beasts at nakilala niya rin ang kanyang matagal na protektor, si Auberon.

Dahil dito, hindi na nakakaramdam pa ng takot si Finn Doria, lalong-lalo na kung nagmula rin lang naman ang mga iyon sa maliit na planetang ito. Para sa kanya, isa lang itong maliit na planeta na mayroong kaunting hiwaga. Hindi niya masyadong iniisip ito dahil sa mga nasaksihan at naranasan niya na.

Interesado nalang siya, 'yun lang at wala ng iba.

Nang makita ni Zed ang interes sa ekspresyon ni Finn Doria, lumapad ang kanyang ngiti. Bahagya siyang tumawa at tinapik-tapik ang balikat ng kanyang kaibigan.

"Hindi ka natatakot? Talaga ngang kaibigan kita, kaibigang Finn!" bulalas ni Zed habang tinatapik-tapik si Finn Doria. "Pareho tayong nakakaramdam ng interes sa mga Forbidden Places. Sa hinaharap, magtutungo ako sa mga misteryoso at mapanganib na lugar na iyon upang ipamukha sa mga adventurers na hindi dapat katakutan ang mga lugar na iyon."

"Hm." Tumango-tango si Finn Doria. Naniniwala siya na hangga't may sapat na lakas, kaya niyang pasukin at puntahan ang mga Forbidden Places nang walang nararamdamang kaba at takot.

"Mayroong apat na Forbidden Place sa Dark Continent. Bawat isa ay nakasulat sa kasaysayan at malinaw na ipinaliwanag kung bakit bawal itong puntahan-mali," biglang napahinto si Zed sa kanyang pagsasalita at saglit na napaisip. Nang mapagtanto niyang mali ang kanyang ipinaliwanag, pilit siyang ngumiti at nagsalita, "Mayroong ilang lugar na maaaring puntahan... pero s'yempre dapat handa ka sa kahihinatnan mo sa oras na pumasok ka roon."

"Puwede bang ipaliwanag mo ng mabuti?" mausisang tanong ni Finn Doria.

Nakangiti pa rin si Zed. Ibinuka niya ang kanyang bibig at marahang nagpaliwanag, "Pinangalanan lang na Forbidden Places ang mga lugar na iyon dahil sa panganib na dala ng mga ito. Halimbawa na riyan ang Dark Sea na bahagi ng Endless Sea kung saan naninirahan ang mga Merfolks."

"Ayon kay Melissa, kahit na teritoryo ng Merfolks ang Endless Sea, hindi na sila nangahas na pumasok muli sa Dark Sea pagkatapos ng isang malaking trahedyang naganap ilang siglo na ang ang nakararaan," habang nagpapaliwanag ay namimili si Zed ng kanyang kakainin. Pinagmasdan niya ang mga prutas sa sahig at nang makapili siya, agad siyang napabulalas, "Ito!"

Nabitin si Finn Doria sa pagsasalaysay ni Zed. Makikita sa mukha ng binata na hindi siya nasisiyahan sa ginagawa ni Zed; nagkukuwento pero hindi nakatuon ang atensyon sa pagsasalaysay. Gayunman, wala naman siyang magawa. Nakiki-osyoso lang siya kaya wala siyang karapatan na utusan si Zed na ayusin ang pagkukuwento nito.

Umiling si Finn Doria at dumampot din ng prutas sa sahig nang hindi ito tinitingnan. Kinagatan niya ito at nagulat siya nang maramdaman niyang mayroong kaunting natural na enerhiya ang dumadaloy sa kanyang katawan papasok sa kanyang soulforce coil.

'Hindi talaga pangkaraniwan ang mga prutas na ito..' sa isip ng binata at simula noon, naging abala na siya sa pagkain ng hawak niyang prutas.

Sa kabilang banda, hindi na napigilan ni Zed ang kanyang inip. Siya naman ngayon ang makikitaan nang hindi kasiya-siya sa kanyang mukha. Nagkukunwari lang siyang abala sa pagkain pero sa totoo lang, gusto niyang magtanong nang magtanong sa kanya si Finn Doria.

"Hindi mo man lamang ba itatanong kung ano ang eksaktong dahilan kung bakit hindi na sila nanghihimasok sa Dark Sea?" tanong ni Zed kay Finn Doria habang marahas na kinakagatan ang prutas na hawak niya.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz