Chapter XCVIII

6.8K 857 59
                                    

Chapter XCVIII: Reward

Makalipas ang ilang minutong paghilata ni Finn Doria sa sahig, agad ding huminto ang kanyang malalim na paghinga. Huminto rin sa pagtibok ang kanyang puso at malinaw naman na binawian na siya ng buhay.  Sa huli, kahit nanalo siya sa kanyang kalaban, namatay pa rin siya dahil sa pinsalang natamo niya. Namatay siyang may bahagyang ngiti sa kanyang labi, marahil nasiyahan siya kahit papaano sa kanyang bahagyang pagkapanalo.

Makaraan ang ilang saglit matapos tuluyang malagutan ng hininga si Finn Doria, mayroong namuong liwanag na may hulmang pigura sa paanan ng binata. Nawala ang liwanag at lumitaw si Dayang na kasalukuyang nakangiti. Lumitaw rin sa tabi niya si Rosei at bahagya itong yumuko sa magandang babae.

“Master,” bati ni Rosei kay Dayang.

Matamis na nginitian ni Dayang si Rosei at bahagyang tumango. “Rosei. Masaya ako na nasisiyahan ka sa iyong ginagawa.”

Natigilan si Rosei at napaisip siya. “Ano’ng ibig mong sabihin, master?”

Bahagyang tumawa si Dayang at umiling. Bumaling siya kay Finn Doria at pinagmasdan niya ang kalunos-lunos na sinapit ng binata.

“Nakikita kong hinahangaan mo ang binatang ito. Mas nagsisikap ka pa na tulungan siya dahil sa iyong munting hamon sa kanya,” malumanay na sambit ni Dayang.

Napabungisngis si Rosei at lumipad-lipad siya patungo sa balikat ni Dayang. Umupo siya rito at nakangiting nagsalita, “Mayroon siyang kakatuwang katangian. Gusto ko ang pag-uugali at paraan niya ng pag-iisip. Isa pa, mabuti siyang adventurer gaya n’yo, master.”

Bahagyang umiling si Dayang at tumugon, “Sa mundong ito, walang mabuting adventurer, at alam mo iyon, Rosei. Bawat isa ay may kanya-kanyang kasamaang itinatago. Hindi ako mabuting adventurer dahil pumapaslang ako, ganoon din ang binatang ito.”

“At dapat mong malaman na hindi magtatagal, sa oras na maghari ang galit at poot sa kanyang puso, ang tanging gugustuhin niya na lamang ay pumatay ng mga nilalang na kumakalaban sa kanya,” dagdag pa ni Dayang.

Naintindihan ni Rosei ang ibig sabihin ni Dayang kaya hindi na siya nagtanong pa. Pero, hindi niya alam na may dahilan at ibang kahulugan pa pala ang mga sinabi ni Dayang.

“Pero, master, para sa akin ito ang ibig sabihin ng mabuting adventurer.” Lumipad si Rosei at tumapat siya sa mukha ni Dayang. “Kahit na pumapatay ang isang nilalang, basta nagsusumikap at sumusugal siya dahil mayroon siyang gustong protektahan, mabuti na siyang adventurer para sa akin.”

“Sa lakas niya, maaari siyang maging sakim o masama. Maaari niyang gawin iyon para sa mga kayamanan at katanyagan. Madali niyang maaalipin ang mga nilalang na naririto dahil ang lahi at kapangyarihan niya ay makapangyarihan. Ganoon ka rin, master.” Sandaling huminto si Rosei sa pagsasalita. Nawala sandali ang ngiti niya pero agad din itong nanumbalik. “Madali lang para sa ‘yo na magsimula ng malawakang giyera kung nananaisin mo, master.”

Nakangiting tumitig si Dayang kay Rosei. Marahan niyang ibinuka ang kanyang bibig at malumanay na tumugon, “Masaya ako na ganyan pa rin ang tingin mo sa akin, Rosei. Ganoon pa man, huwag na nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na ito.”

“Nakikiusap ako sa ‘yo na buhayin mo ulit ang binatang ito dahil mayroon akong mga sasabihin sa kanya.” Sambit ni Dayang.

Sandaling natahimik si Rosei, ganoon pa man, matamis siyang ngumiti at tumango. “Masusunod, master!”

Pinaikutan ni Rosei ang ibabaw ng katawan ni Finn Doria. Nagsaboy siya ng mga mahiwagang alikabok at dahan-dahang nanunumbalik sa dating ayos ang katawan ni Finn Doria. Gumagaling na muli ang mga sugat ng binata at nagkakaroon na ng senyales ng buhay sa kanya.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now