Chapter XCV

7.8K 850 74
                                    

Chapter XCV: Trial, Fusing the two elements

Malapit nang lumipas ang isang buong araw sa loob at labas ng Myriad World Mirror. Hindi ganoon karami ang nangyari, tanging pagkukuwentuhan lang kina Eon at Poll ang ginawa ni Finn Doria habang pinapanood sina Oyo, Eduardo, Mina, Leila, Alejandro, Sanya at Erwan sa kani-kanilang ginagawa. Hindi na muling nagpakita si Migassa kay Finn Doria, nanatili na lang itong nakaupo sa ibabaw ng ulo ng kanyang totoong katawan.

Nanumbalik na rin ang sigla ni Finn Doria at kinalimutan na lang panandalian ang tungkol sa mga ibinunyag sa kanya ni Migassa.

Naging kalmado siya habang nakikipagkuwentuhan sa dalawang batang malapit na malapit sa kanya.

Madalas nagtatalo ang dalawa sa harap niya at madalas niya rin namang sinasaway at pinapangaralan ang dalawa na agad namang nakikinig sa kanyang pananaway. Kahit na masungit at laging nakasimangot si Eon, sinusunod niya pa rin ang sinasabi ni Finn Doria dahil sa labis niyang paghanga at respeto sa kanyang master.

Sa loob din ng maikling panahon na pananatili niya sa Myriad World Mirror, nakausap niya rin sina Oyo at ang iba pa. Kinumusta niya ang mga ito at natuwa siyang malaman na nagsisikap ang mga ito na matuto ng mga bagong kaalaman.

Binigyan ni Poll ng mga libro sina Oyo, Eduardo, Mina at Leila patungkol sa iba’t ibang propesyon na may kaugnayan sa produksyon.

Pinili ni Oyo ang libro patungkol sa pagiging inscription master dahil bago ito sa kanyang pandinig. Pinili naman ni Eduardo ang pagiging blacksmith dahil ayon sa kanya, ang paggawa ng mga armaments at artifacts ang kanyang pangarap noon pa man.

Ang dalawang babae naman, kahit na maraming propesyon silang pagpipilian ay pinili nila ang pagiging formation masters.

Hindi kumontra si Finn Doria sa gusto ng mga ito, bagkus, ibinigay niya ang suporta niya sa mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting payo.

Tungkol kay Erwan, hindi ito interesado sa kahit anong propesiyon. Ayon sa kay Poll, mas gusto lang daw ni Erwan na magpatakbo ng kanyang karwahe at maging kutsero na nagpabuntong-hininga kay Finn Doria.

Ang mag-ina naman ni Sanya at Alejandro ay nag-aaral muna kung paano bumasa at sumulat kaya hindi sila inalok agad ni Poll kung ano ang gusto nilang ikalawang propesiyon. Inaprubahan ni Finn Doria ang desisyong ito ni Poll kaya si Eon ay nakasimangot na naman at buryong-buryo habang nakikinig sa mga paliwanag ni Poll.

Habang nakangiting nakikipagkuwentuhan si Finn Doria sa kanyang mga kaibigan, may napagtanto siya. Huminga siya ng malalim at inilibot niya ang kanyang paningin kina Eon na nakapalibot sa kanya.

“Ilang oras na lang ay mag-iisang araw na ako rito. Dapat na akong umalis at bumalik sa kontinente,” malumanay na hayag ni Finn Doria.

Walang nakapagsalita sa mga naroroon. Natigilan sila at nalungkot. Unang nabuhayan ng loob si Eon at malapad siyang ngumiti.

“May mas mahalaga pang gagawin si master kaysa manatili rito. Kailangan niya pang magsanay at makipagsapalaran dahil marami pa siyang aapakang basura,” mayabang na sabi ni Eon.

Napangiwi na lang ang mga naroroon. Si Alejandro ay nagtaka sa sinasabi ni Eon at malinaw na makikita sa kanyang mga mata na hindi niya naiintindihan ang sinasabi ni Eon.

“Boss, babalik ka naman hindi ba, boss?” malapad na ngiting tanong ni Erwan.

Marahang tumawa si Finn Doria at tumango, “Siyempre naman. Pero, baka abutin pa ng isa, dalawa o tatlong taon bago tayo magkita-kitang muli.”

Sandaling huminto si Finn Doria sa pagsasalita. Sinuportahan niya ang kanyang sarili para tumayo at marahang nagpatuloy, “May misyon pa akong uunahin, at sa ngayon, mas mahalaga ang pagsagip sa buhay ng mga inosenteng nadadamay sa digmaan sa kontinenteng ‘yun.”

Nagsitayuan din ang mga naroroon. Tumango sila sa sinabi ni Finn Doria at mas tiningala pa nila ang binata dahil sa plano nitong baguhin ang kalakaran sa napakagulong kontinente.

“Marahil hindi kami makakatulong sa pagkakataong ito… pero magsisikap kami para sa susunod na kailanganin mo kami, matutulungan ka na namin, Finn!” determinadong sabi ni Oyo.

Tumango-tango si Eduardo at sumang-ayon, “Utang namin sa ‘yo ang lahat ng mayroon kami—maging ang buhay namin ay utang namin sa ‘yo.”

“Balang araw, mapapakinabangan mo rin kami, Finn,” hayag ni Leila. Ngumiti si Mina at tumango, “At balang araw, lalaban kami para sa iyo. Gaya nga ng sabi ni Ginoong Eon, ito lang ang magagawa namin para sa iyong mga naitulong.”

Natigilan si Finn Doria sa kanilang mga binitawang salita. Nakaramdam siya ng saya dahil hindi niya alam na ganito kalaking epekto ang nagawa niya para sa magkakaibigan nina Oyo.

Samantala, si Alejandro naman ay naguguluhan kung ano ang pinag-uusapan nina Finn Doria. Ang tangi niya lang naiintindihan ay gusto nina Oyo na tumulong sa kanilang tagapagligtas. Tahimik naman si Sanya habang karga ang kanyang anak na si Ninia. Mapapansing nahihiya siya at hindi makasingit sa usapan.

Napansin ni Finn Doria ito, ganoon pa man, hindi siya nagsalita. Nginitian niya lang ang mag-iinang beastman at bumaling kay Erwan.

“Ah boss… ako boss ay pagiging kutsero lamang ang maipapambawi ko sa ‘yo boss…” nahihiyang sabi ni Erwan habang kinakamot ang likod ng kanyang ulo.

Nagtawanan sina Oyo sa sinabi ni Erwan. Suminghal naman si Eon at nanghahamal na tiningnan si Erwan. Naging masaya ang lahat bago tuluyang magdesisyon si Finn Doria na buksan ang lagusan ng Myriad World Mirror.

Lumabas si Finn Doria nang may mababakas na ngiti sa kanyang labi, ganoon pa man, hindi ito nagtagal dahil sa kanyang pagsasarado muli ng lagusan, agad niyang napansin na may mga matang nakatingin sa kanya.

Umikot si Finn Doria at hinarap ang nakamasid sa kanyang kilos. Agad niyang napagtantong si Dayang ang nakatingin sa kanya kaya medyo nakaramdam siya ng pangamba.

“Binibining Dayang... mayroon ka bang kailangan sa akin?” tanong ni Finn Doria.

Bahagyang ngumiti si Dayang kay Finn Doria at marahang nagsalita, “Wala akong kailangan sa ‘yo pero mayroon akong i-a-alok sa iyo na sa siguradong pagkaka-interesan mo.”

“Ano iyon?” hindi mapigilang tanong ni Finn Doria.

“Magsanay ka sa aking pangangalaga,” tugon ni Dayang. Bago pa man tuluyang makapagsalita si Finn Doria, agad niyang dinugtungan ang kanyang paliwanag, “Hindi mo kailangan na maging estudyante ko, ang kailangan mo lang gawin ay mapagtagumpayan ang ibibigay ko sa iyong pagsasanay.”

“Bibigyan lang kita ng isang taon na palugit at kung mapagtagumpayan mo man o hindi ang aking hamon ay nakasalalay na sa iyo,” nakangiting paliwanag ni Dayang.

Nabigla si Finn Doria sa biglaang pag-a-alok ni Dayang. Nagtaka siya kung bakit bigla na lamang gusto siyang tulungan ni Dayang. Hindi niya maintindihan kung ano ang nangyayari kaya naman agad niya itong nilinaw kay Dayang.

“Ano’ng dahilan bakit gusto mo akong tulungan?” seryoso ngunit may galang na tanong ni Finn Doria kay Dayang.

“Ang nangyayari sa Dark Continent ay isa lamang maka-mortal na kaganapan. Hindi ako sang-ayon sa nangyayari sa kontinenteng ito pero hindi rin naman ako sang-ayon na direktang makialam,” malumanay na hayag ni Dayang. “At dahil nakikita ko ang determinasyon sa iyong mga mata na mabago at mabawasan ang kasamaan sa kontinente, nagkaroon ako ng desisyon na tulungan ka.”

“Tinutulungan kita hindi dahil gusto talaga kitang tulungan, Finn Doria. Tinutulungan kita dahil gusto kong mayroon nang magpahinto sa nagaganap na kabaliwan sa kontinenteng ito.”

May pag-aalinlangan pa rin na mapapansin kay Finn Doria habang pinakikinggan niya ang mga sinasabi ni Dayang. Ganoon pa man, sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan, mas malaki ang kagustuhan niyang magawa ang kanyang misyon. At kung matutulungan talaga siya ni Dayang, na isang malakas na adventurer, mas malaki na ang posibilidad na magawa niya ang misyon nang mas mabilis pa.

Isang taon. Sa loob ng isang taon na ito, makakapagsanay siya at magiging malakas siya. Hindi niya alam kung gaano siya kalakas pagkatapos ng isang taon na ito pero marahil pagkatapos nito ay hindi niya na kailangang matakot sa ilang 9th Level Heaven Rank.

Pagkatapos ng sandali pang pag-iisip, tumitig si Finn Doria sa mga mata ni Dayang at huminga ng malalim. “Ano’ng gusto mong gawin ko..? Kung talagang matutulungan mo ako na makapagsanay, gagawin ko ang iyong kagustuhan at susundin ko ang gabay mo.”

“Madali lang,” tugon ni Dayang. “Pag-isahin mo ang iyong dalawang elemento.”

Nanlaki ang mga mata ni Finn Doria. Agad siyang napailing at tumugon, “Imposible. Sobrang imposible.”

Napakunot ang noo ni Dayang at interesado siyang napatingin sa ekspresyon ni Finn Doria. “Bakit mo nasabi ang mga salitang iyan? Mukhang may alam ka na ganitong uri ng pagsasanay.”

Hindi nakasagot si Finn Doria. Tahimik lang siyang napayuko at napaisip. Siyempre alam niya ang tungkol sa bagay na ito; mayroon siyang alam sa pag-iisa ng dalawa o higit pang elemento. Alam niya ito dahil may karanasan at kaalaman si Kurt tungkol sa bagay na ito.

Ganoon pa man, sa kasalukuyang lakas at tibay ng pangangatawan niya, imposible niya itong magawa. Pinaplano niya na ito noong nalaman niyang mayroon pa siyang elemento ng hangin, pero, hindi siya hangal para subukan agad ito dahil masyado itong sensitibo at mapanganib.

Ang usapan dito ay ang pag-iisa ng kanyang dalawang elemento. Mapanganib ito dahil malaki ang posibilidad na maapektuhan at mawasak ng dalawang elemento ang kanyang soulforce coil sa oras na magtagisan ang dalawang kapangyarihan sa loob ng kanyang katawan.

Nang mapansing hindi sasagot si Finn Doria sa kanyang tanong, ngumiti lang si Dayang at nagsalita, “Wala akong pakialam sa iyong sikreto, ganoon pa man, kung alam mo na pala ang tungkol dito, hindi ko na kailangan pang ipaliwanag sa ‘yo ng mas malalim.”

“Ang tanong ko na lang ay alam mo bang gawin ang pagsasanay na iyon o hindi?” tanong ni Dayang kay Finn Doria.

“Alam ko… pero..” nag-aalinlangang sambit ni Finn Doria.

“Kamangha-mangha. Talagang kakaiba ka,” hayag ni Dayang. “Pero, bakit ka nag-aalinlangan? Hindi ba’t nagawa mo nang pag-isahin ang iyong elemento noong nakikipaglaban ka sa isang adventurer?”

Natigilan si Finn Doria at muli niyang naalala ang nangyari noong magpakawala siya ng Heavenly Dragon Roar. Nangyari ito noong kinakalaban ni Finn Doria si Hugo. Bigla na lamang nilamon ng enerhiya ng elemento ng tubig ang enerhiya ng elemento ng hangin at sapilitan itong nag-isa upang isagawa ang Heavenly Dragon Roar.

“Hindi iyon sadya. Biglaan lang iyon at hindi ko iyon kagustuhan… hindi ko na kayang ulitin ang bagay na iyon,” iling na sabi ni Finn Doria.

“Natatakot ka ba? Bakit puro pag-aalinlangan ang nakikita ko sa iyong mga mata?” nakangiting tanong ni Dayang.

Napabalikwas si Finn Doria at napatingin kay Dayang. Nagngitngit ang kanyang ngipin at mariing nagsalita, “Ako? Natatakot? Hindi. Hindi ako natatakot na magsanay… ang iniiwasan ko lang na mangyari ay mamatay dahil sa iresponsable kong pagsasanay. Alam ko ang limitasyon ko, hindi ko kayang gawin ang pagsasanay na iyon dahil sigurado ang kamatayan ko kapag ginawa ko iyon.”

“Maraming buhay ang nakasalalay sa akin. Handa akong mamatay kung ako lang ang mamamatay at maaapektuhan, ganoon pa man, hindi ganito ang sitwasyon,” pahina nang pahinang paliwanag ni Finn Doria.

Matamis na ngumiti si Dayang at marahang nagsalita, “Paminsan-minsan, kailangan mong lampasan ang iyong limitasyon upang maging magiting at makapangyarihan ka. Hindi mo dapat sinusundan ang mga ordinaryong pakikipagsapalaran dahil para sa ordinaryo lamang ito.”

“Hindi ka ordinaryo, Finn Doria. Dapat mong isaalang-alang ang iyong buhay sa tuwing ikaw ay nagsasanay. Huwag kang matakot mamatay, matakot ka lang mamamatay kapag walang kuwenta ang dahilan mo.”

“Ang iyong katapangan at kapangahasan na makuha ang bangkay sa subastahan ang isang halimbawa ng katapangan at kapangahasang may magandang dahilan. Ginawa mo iyon dahil nais mong madagdagan ang iyong kabuuang lakas; nakapanghihinayang lang na tinraydor ka at masyado kang nagtiwala sa mga salita ng ibang adventurer,” dagdag pang paliwanag ni Dayang.

“Bakit mo alam?” nabiglang tanong ni Finn Doria.

“Bakit hindi ko maaaring malaman?” makahulugang tugon na tanong naman ni Dayang.

Hindi na makasagot si Finn Doria, pero, naintindihan niya ang ibig sabihin ni Dayang. Isang malakas na adventurer si Dayang, nagmula ito sa Divine Realm, sa mundo ng totoong malalakas na adventurer. Imposibleng hindi malaman ni Dayang ang mga ginawa niya.

Samantala, hindi pa rin matanggap ni Finn Doria ang alok ni Dayang dahil ang ginawa niya sa Red Dragon Kingdom ay ibang-iba sa gustong mangyari ni Dayang.

Mayroong reserbang alas noon si Finn Doria. Mayroon siyang Miracle Pill na magliligtas sana sa kanyang buhay at magagamit niya sana sa pagtakat, pero, sa pagkakataong ito, wala siyang alas o kayamanan na makatutulong sa kanya upang magawa niya ng ligtas at sigurado ang pag-iisa ng dalawang magkaibang kapangyarihan.

“Mukhang pinahahalagahan mo talaga ang iyong buhay. Hindi mo kayang isugal ang iyong buhay para mas maging malakas ka… pero, hindi ko rin naman balak na ipahamak ka,” nakangiting sabi ni Dayang. Mabagal siyang naglakad at nilampasan si Finn Doria. “Mayroon akong paraan para matulungan kang mapag-isa ang iyong dalawang kapangyarihan nang hindi isinusugal ang iyong buhay.”

Huminto si Dayang sa pagsasalita nang makalayo siya ng higit dalawang metro kay Finn Doria. Hinarap niya ang binata at habang ginagawa niya ito muling pumalibot ang makapal na puting usok sa kanilang paligid. “Pero siyempre, mararamdaman mo pa rin ang kamatayan habang ginagawa mo ito. Pisikal at mental mo itong mararamdaman habang ikaw ay nasa lugar na iyon.”

“Ang tanong ko na lang ay handa ka bang maramdaman ang paghihirap na higit pa sa kamatayan o hindi? Mamili ka: magsanay sa ordinaryong pamamaraan o magsanay sa komplikadong paraan upang maging makapangyarihan kang adventurer sa hinaharap?”

Sandali lang na nag-isip si Finn Doria. Malinaw niya pa ring nakikita si Dayang kahit na napapaligiran sila ng puting usok. Kinuyom niya ang kanyang mga kamao at nginitngit ang kanyang mga ngipin. “Talaga bang hindi ko kinakailangang ibuwis ang aking buhay?”

“Bakit ako magsisinungaling sa ‘yo? Walang rason para gawin ko ang bagay na iyon sa isang gaya mo. Wala akong mapapala; maliban na lang sa iyong mga kayamanan na talaga namang kaakit-akit maging sa isang kagaya ko.”

Nag-alinlangan muli si Finn Doria pero sa huli, bahagya siyang napailing at seryosong tumingin kay Dayang. Kailangan niyang sumugal at magtiwala. Ito na lang ang paraan niya para mapabilis ang kanyang paglakas.

Mayroon siyang isang taon para magsanay. At kung totoo man ang sinasabi ni Dayang sa kanya, maaari niyang mapag-isa ang kanyang dalawang kapangyarihan nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang buhay.

Huminga ng malalim si Finn Doria at nagsalita, “Ang desisyon ko… ay maging malakas. Handa akong sundin ang sinasabi mo, Binibining Dayang. ”

Nang matapos ni Finn Doria na banggitin ang mga salitang ito, mas naging matamis ang ngiti ni Dayang. Unti-unting naglaho ang puting usok sa paligid nilang dalawa at isang saglit pa, mapapansin ang gulat sa mukha ni Finn Doria habang nakatitig sa isang mahiwagang bukal na bigla na lang lumitaw sa pagitan nila.

Namangha’t naakit si Finn Doria sa ganda at linis ng bukal. Ang mala-kristal nitong tubig ay kumikislap-kislap at dahil na rin sa maaliwalas na paligid kaya naman mas dumagdag pa ito sa kabuuang ganda ng kapaligiran.

“Ang bukal na ito, Ang Spring of Dream ay ang isa sa mga kayamanang ako mismo ang gumawa at nag-alaga. Halos isang libong taon ang ginugol sa pag-aaral at pangangalap ng mga kayamanang kailangan upang mabuo ang bukal na ito. Ginamit ko ang aking kapangyarihan para lamang matapos ang bukal na ito at sa pagkakataong ito, ito ang makakatulong sa iyo upang makapagsanay nang matiwasay,” paliwanag ni Dayang. Inilahad ni Dayang ang kanyang kamay kay Finn Doria at nagpatuloy, “Halika. Lumakad ka at magtungo sa gitna ng bukal. Habang ikaw ay sa ibabaw ng bukal nagsasanay, mapupunta ka sa isang panaginip kung saan ikaw lang at ang espirito ng kayamanang ito ang naroroon. At habang ikaw ay nasa panaginip, maaari mong gawin ang gusto mo roon; magsanay, makipaglaban o kahit magpakamatay.”

“Lahat ay maaari mong gawin, ganoon pa man, gaya nga ng sabi ko, kahit mamatay ka sa panaginip na iyon, hindi ka mamamatay sa totoong buhay. Mararamdaman lang ng iyong pisikal na katawan kung ano ang nangyayari sa loob ng panaginip. Mararamdam mo ang kamatayan nang hindi talaga namamatay. Hindi ba’t kahanga-hanga ito?” nakangiting hayag ni Dayang. “Nakalaan ang kayamanang ito para sa aking mga malalakas na alagad, pero, mas mauuna kang gamitin ito kaysa sa kanila, Finn Doria.”

“Nakakatuwang mas mauuna pang gamitin ng anak ng aking karibal.”

Hindi pinansin ni Finn Doria ang huling mga sinabi ni Dayang. Nakatuon lang siya sa kakayahan ng bukal at hindi niya mapigilan na humanga habang nakikinig kay Dayang. Talagang kamangha-mangha ang bukal na ito! Kung dito siya magsasanay ng isang buong taon, siguradong ang kanyang lakas ay mabilis na tataas.

Hindi na siya matatakot na baka mamatay siya. Maibibigay niya na ang lahat sa kanyang pagsasanay.

Pero, nakaramdam pa rin siya ng pag-aalinlangan. Muli siyang naguguluhang nagtanong kay Dayang.

“Bakit… ano’ng eksaktong dahilan bakit gusto mo akong tulungan?” tanong ni Finn Doria.

“Ayoko nang magpaulit-ulit pa. Kailangan mo lang tumapak sa bukal at maghanap ng nais mong puwesto, at pagkatapos noon, ako na at ang aking Spring of Dream na ito ang bahalang magdala sa iyo sa isang napaka-gandang panaginip. Mayroon ka lang isang taon… bibisitahin kita paminsan-minsan at pinapayuhan kita na pagyamanin mo ang maikling panahon na ito kung nais mo talagang maging malakas,” tugon ni Dayang.

“Maraming salamat.” Ito na lang ang nasabi ni Finn Doria. Hindi niya alam ang eksaktong dahilan kung bakit tinutulungan siya ni Dayang, ganoon pa man, isasantabi niya muna ito sa ngayon.

Hindi na nagsalita pa si Dayang. Nakalahad pa rin ang kanyang kamay kay Finn Doria habang nakangiti siyang nakatingin dito.

Samantala, si Finn Doria ay hindi na nag-alinlangan pa. Dahan-dahan siyang tumapak sa bukal at wala siyang naramdamang kahit ano. Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa marating niya ang gitna ng bukal.

Tumitig siya kay Dayang at bahagyang yumuko. Nang makabawi siya sa kanyang pagkakayuko, umupo siya. Bigla na lang nagliwanag ang buong bukal. Pinilit ni Finn Doria na kumalma at dahan-dahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata.

Nakaramdam siya ng kakaibang puwersa na para bang may humihigit sa kanya patungo sa ilalim ng lawa. Hinayaan niyang hilahin siya nito at ilang sandali pa, naramdaman niyang nagbago ang temperatura sa paligid niya.

Dahan-dahang iminulat ni Finn Doria ang kanyang mga mata at doon, napagtanto niyang ang kanyang kinaroroonan ay maihahalintulad pa rin sa hitsura ng Enchanted Mountain. Ang pinagkaiba lamang ay wala na ang malamig na pakiramdam dahil damang-dama niya na ang init ng araw.

Napagtanto niya ring nakaupo na siya sa lupa. Wala na siya sa bukal at wala na rin si Dayang sa kanyang paligid.

“Ito na ba ang panaginip na sinasabi ni Binibining Dayang..? Pakiramdam ko ay parang ito ang totoong mundo..” pabulong na sabi ni Finn Doria. Tumayo siya at agad na pinagmasdan ang kanyang paligid.

Sa labas ng panaginip ni Finn Doria, nakatayo pa rin si Dayang sa orihinal niyang kinatatayuan. Binawi niya na ang nakalahad niyang kamay pero ang kanyang tingin ay kay Finn Doria pa rin na kasalukuyang nakaupo sa pinaka-gitna ng Spring of Dream.

Pagkatapos ng ilang sandali, lumitaw sa tabi ni Dayang si Munting Black. Nakatingin din si Munting Black kay Finn Doria pero wala siyang binitawang kahit anong salita.

Bumaling si Dayang kay Munting Black at marahang nagsalita, “Bakit hindi mo gustong ipaalam ko sa kanya na ikaw ang may kagustuhan ng lahat na ito?”

Huminto sa pagsasalita si Dayang at tumingin muli kay Finn Doria. “Kung malalaman niyang gusto mo siyang tulungan, marahil mas maging malambot na siya sa ‘yo at mas magpapasalamat siya sa iyong tulong. Magkakautang na look pa siya sa iyo.”

“Hindi ko kailangan kanyang pasasalamat. Hindi ko rin hinihingi na magkautang na loob siya sa akin. Ikaw ang tumulong sa kanya. Hindi ako,” seryosong sabi ni Munting Black.

Ngumiti ng matamis si Dayang at nagsalita, “Kahit na marami akong nalaman na kamangha-mangha sa binatang iyan, hindi pa rin ako tutulong sa kanya. Hindi ko ipagagamit ang kayamanan ko sa gaya niya dahil anak siya ng aking karibal.”

“Pero, dahil sa iyo, sa bayani ng mundong ito, handa akong tulungan siya. Hindi man direkta, malaki ang utang na loob ko sa mga nakaraang bayani dahil kung hindi dahil sa inyo, baka hindi ako isinilang at naging ganito kalakas,” nakangiting paliwanag pa ni Dayang. “Kung nagtagumpay ang mga diyablo noon, katapusan na ng buong mundo.”

“Kaya kailangang magkaroon ulit ng mga panibagong adventurer na lalaban sa mga diyablo. At kung ako sa iyo, maghanda ka na dahil hindi magtatagal ay magaganap na muli ang isang malawakang digmaan,” hayag ni Munting Black.

Tumango si Dayang at bumuntong-hininga. “Mukhang kailangan ko nang bumalik sa Divine Realm, sa aking totoong teritoryo upang maghanda.”

“Pero ang ibang emperor… sakit sila sa ulo. Siguradong makikipag-agawan pa rin sila ng teritoryo at puwesto.”

Hindi nagsalita si Munting Black. Malinaw sa kanyang sinuwerte lang siya na isang mapagpasalamat na emperatris ang kanyang nakilala. Kung ang nakilala at nakasundo niya ay ibang emperador o emperatris, kahit pa kalahi niya ito, hindi siya sigurado kung ganito pa rin ang magiging resulta o mas malalagay sila sa panganib—lalong-lalo na si Finn Doria na nagtataglay ng limang Divine Artifact.

Makalipas ang sandaling katahimikan, muling nagsalita si Dayang, “Pero sa lahat ng ito, ang hindi ko maintindihan ay kung bakit ang maliit na planetang ito ay iba sa lahat ng planeta. Halimbawa na lang ay ang mga natagpuan at natuklasan mo ritong nilalang. Ang anak ng kasalukuyang Divine Beast King, ang dawalang tinutukoy mo na karibal ni Finn Doria at ang lalaking iyon.”

Napabaling si Munting Black kay Dayang. Napag-usapan na nila ang tungkol sa mga napansing kakaiba ni Dayang at parehong-pareho sila ng napansin. Mayroon talagang kakaiba sa mundong ito.

“Ano nga ba talagang mayroon sa planetang ito? Ang rason kung bakit ako nagtungo rito ay dahil sa kaibahan nito sa ibang planeta… may kung anong kapangyarihan ang naglilimita sa kapangyarihan ko at minsan, talagang kakaiba ang planetang ito.”

--

Habang nag-uusap sina Munting Black at Dayang, si Finn Doria naman ay kasalukuyan nang nakaupo habang pinakikiramdaman ang kanyang soulforce coil.

Susubukan niya nang pag-isahin ang kanyang dalawang kapangyarihan.

Nanatiling kalmado ang kabuuan ni Finn Doria. Walang enerhiyang pumapalibot sa kanya ngayon pero ang kanyang awra ay tumatakas mula sa kanyang katawan.

‘Upang mapag-isa ko ang dalawang elemento… kailangan ko munang ikonekta ang aking sarili sa bawat isang elemento… at pagkatapos noon, kailangan kong kontrolin ang dalawa at pag-isahin hanggang sa maging angkop ang dalawang elemento sa isa’t isa,’ sa isip ni Finn Doria.

Pinakiramdaman ni Finn Doria ang kanyang dalawang elemento sa loob ng kanyang katawan. Napunta ang kanyang kamalayan sa loob ng kanyang soulforce coil at doon, nakita niya ang dalawang magkaibang enerhiya.

Magkadikit ito at payapa ang dalawa habang parang apoy na nagliliyab sa madilim na paligid. Hindi hamak na malaki ang asul na enerhiya, ito ang napagtanto ni Finn Doria. Kakaiba rin ang asul na enerhiya dahil nagbibigay ito ng pakiramdam na nakakaangat ito sa lahat.

‘Mapagmataas din ang isang ito…’

Sabay na kumonekta si Finn Doria sa dalawang enerhiya. Pinakiramdaman niya ang dalawang enerhiya. Nakatuon ang kanyang buong atensyon sa pagkonekta sa dalawang enerhiya pero ilang minuto pa lang ang lumilipas pinagpawisan na siya at nakaramdam na siya ng pagod pero wala pa rin siyang nakukuhang tugon sa dalawang enerhiya.

Hindi siya tinutugunan ng dalawang enerhiya. Hindi sumusunod ang mga ito sa kanyang tawag.

Napamulat bigla si Finn Doria. Basang-basa ang kanyang katawan dahil sa sobrang pagpapawis. Huminga rin siya ng malalim at naghabol ng hininga. Bumagsak ang kanyang likuran sa lupa at napatingin siya sa itaas.

“Mahaba pa ang isang taon… kayang-kaya ko itong gawin,” sabi ni Finn Doria nang medyo nakakahinga na siya ng maluwag. “Para ito sa aking pamilya, mga kaibigan at sa lahat ng inosenteng naiipit sa gulo.”

“Babalik pa ako upang maghiganti sa matandang iyon… kay Drebor at sa lahat-lahat.”

“Isa pa!”

--

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now