Chapter L

12.2K 967 178
                                    

Chapter L: Group of Adventurers(1)

Dahan-dahan ang pagbabang ginawa ni Finn Doria. Inalis niya na rin ang nakapalibot na berdeng enerhiya sa kanyang katawan. Kalmado ang kanyang ekspresyon habang nakatitig sa dalawang adventurer na kasalukuyan ding nakatitig sa kanya. Samantala, nang matapos na ang adventurer na kolektahin ang mahahalagang bahagi ng Fish-scaled Python, naglakad na rin ito at tumabi sa kanyang mga kasama.

Bawat isa sa tatlong nasa harapan ngayon ni Finn Doria ay may kanya-kanyang katangian. Dalawa sa tatlo ay lalaki habang ang isa naman ay babaeng may napakahabang buhok. Ang babaeng ito ay nakalingkis sa lalaki niyang katabi na para bang inaakit niya ito.

Ang lalaking adventurer na pumaslang sa ahas ay kalbo at may matipunong pangangatawan. Wala itong suot na pang-itaas kaya naman kitang-kita ang matitikas nitong kalamnan. Punong-puno rin ang kanyang katawan ng mga peklat, katakot-takot na peklat dahil sa laki at haba ng mga ito.

Ang lalaki naman na kinakapitan ng babaeng may mahabang buhok ay may kalmadong ekspresyon sa kanyang mukha. Mayroong nakasukbit na itim na espada sa kanyang likuran. May taklob din ang isa niyang mata at mayroon din siyang mahabang peklat sa tabi ng kanyang bibig.

Pero sa lahat, ang ipinagtataka ni Finn Doria ay ang dala-dalang armament ng mga ito. Nasa Legend Rank ang mga ito, 5th Level Legend Rank ang lalaking may taklob ang isang mata habang pareho namang 3rd Level Legend Rank ang matipunong lalaki at babaeng may napakahabang buhok. Gayunman, kahit na Legend Rank silang tatlo, ang kanilang ginagamit pa rin na mga armaments ay mga Top-tier Excellent Armaments.

Naninibago rito si Finn Doria dahil kahit sa Ancestral Continent, ang mga adventurer ay gumagamit na ng Epic Armament.

'Mas mahirap ba sa armament ang Dark Continent...? Bakit Excellent Armament pa rin ang ginagamit na armament ng mga adventurers dito?' nagtataka na tanong ni Finn Doria sa kanyang isipan. 'Pero baka itinatago lang nila ang kanilang totoong armament... baka gano'n na nga.'

Habang nag-iisip si Finn Doria, bigla na lamang makahulugang ngumiti ang matipunong lalaki kay Finn Doria at nagsalita, "Isang 1st Level Legend Rank."

Bumaling ang tingin ng matipunong lalaki sa interspatial ring ng binata at mababakas na agad ang ganid sa kanyang mga mata. Malinaw na hindi maganda ang naiisip niya sa ipinapakita niya palang na kilos.

"Boss Wen, gusto mo bang ako na ang tumingin sa interspatial ring ng binatang iyan? Mukhang isa lang din siyang Rogue Adventurer gaya natin dahil wala siyang mga protektor at dahil na rin sa kanyang pananamit," nakangising suhestyon ng matipunong lalaki.

Marumi at may mga sira ang damit ni Finn Doria. Ordinaryo lang din ito tingnan kaya naman inakala agad ng lalaking may matipunong pangangatawan na Rogue Adventurer si Finn Doria.

"Gawin mo ang gusto mo," kalmadong tugon ng lalaking nagngangalang Wen.

Nang makakuha ng permiso sa kanilang lider, mas lalong lumaki ang ngisi ng lalaking may matipunong pangangatawan. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit kay Finn Doria. Hawak niya sa kaliwa niyang kamay ang palakol habang nakapatong ito sa kanyang balikat. Inilahad niya ang kanyang kanang kamay at makahulugang tumingin sa binata.

"Maging masunurin ka at ibigay mo sa akin ang iyong interspatial ring, bata," sambit ng lalaking may matipunong pangangatawan. "Isa ka lamang 1st Level Legend Rank at kung gusto mo pang mabuhay, maging masunurin ka nalamang."

"Ibigay ang interspatial ring sa iyo?" Suminghal si Finn Doria at nagpatuloy, "Inagaw ninyo sa akin kalaban ko tapos gusto ninyo akong pagnakawan? Anong kapangahasan iyan?"

Mas lalong nakaramdam ng inis si Finn Doria nang mapagtanto niyang walang masamang intensyon sa kanya ang mga adventurer na nasa kanyang harapan. Marahil walang laman ang kanyang interspatial ring, pero, hindi pa rin tama na kuhanin ito mula sa kanya dahil ito nalang ang kayamanang mayroon siya ngayon.

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]Where stories live. Discover now