Kabanata 26

738 50 12
                                    

Kabanata 26

NANG ang puting kisame ang bumungad kay Coffee, saka niya naalala ang nangyari. Muli ay naka-confine na naman siya.

"How are you feeling, Coffee?"

Napadako ang paningin ni Coffee sa Daddy Pol niya. Nakaupo ito sa upuan sa tabi ng kama niya.

"I'm fine," sagot niya.

"Pinag-alala mo kami ni Ares, anak."

Nang marinig ang pangalan ng lalaki ay muling dumaloy ang kirot sa puso ni Coffee. Pero hangga't hindi niya nakakausap si Ares, hindi siya mag-iisip nang masama. Siya man ay may ex-boyfriend din, 'di ba? Walang masama kung may ex-girlfriend man si Ares.

Na patay na dahil sa sakit na kagaya ng sa akin.

"Ano na pong sabi ng mga doktor ko, dad?" tanong niya upang malayo kay Ares ang usapan.

"They will do the operation as soon as possible, anak, hangga't kaya pa ng katawan mo."

Napatango siya.

Ginagap ng Daddy Pol ni Coffee ang palad niyang walang dextrose at pinisil iyon. "Nandito lang ako para sa 'yo, anak."

"Alam ko po, dad."

Saktong bumukas ang pintuan at iniluwa niyon si Ares. Iniwas niya ang paningin sa lalaki. Hindi niya gustong mabasa nito ang takot at sakit sa mga mata niya.

"Tito, tawag po kayo ni Doc. Salonga," ani Ares sa daddy niya.

"Maiwan muna kita, Coffee. Babalik din ako kaagad."

"Okay po."

Nang nakalabas ang ama ni Coffee ay umupo si Ares sa nabakanteng upuan.

Kagaya ng ginawa ng daddy niya ay ginagap din nito ang palad niya.

"Kumusta ka na?"

"Fine," mahinang saad niya. Gamit ang lahat ng lakas ng loob na mayroon siya ay nagsalita siyang muli, "Ares, nakilala mo na si Caleb, 'di ba? Siya lang ang naging boyfriend ko. Ikaw, may naging girlfriend ka ba bago ako?" kunwari'y walang anumang tanong ni Coffee sa lalaki.

Tinitigan niya nang maiigi ang lalaki, tinatantiya kung ano ang magiging reaksiyon nito. Nang biglang iniwas ni Ares ang paningin kay Coffee, pakiramdam ni Coffee ay may tumadyak sa sikmura niya.

"W-wala," sagot nito.

Pumikit si Coffee upang hindi makita ni Ares ang pagdaan ng sakit sa mga mata niya. Nagsinungaling ito. Halata naman sa reaksiyon at tono ng boses nito.

Bakit ito magsisinungaling kung walang malalim na dahilan? Totoo nga bang replacement lamang siya ng nobya nitong namatay sampung taon na ang nakalilipas?

Awa nga lamang ba ang nararamdaman nito para sa kanya?

"Coffee? May sumasakit ba sa iyo? Nahihirapan ka bang huminga?"

Umiling siya. "Puwede mo ba akong iwan mag-isa, Ares?" aniya sa tinig na tila ba hirap na hirap siya.

Pigil-pigil niya ang luha niya. Hindi niya gustong umiyak sa harapan ni Ares. Hindi niya gustong makita nitong nasasaktan siya.

"Coffee—"

"Please, iwan mo muna ako."

May malambot siyang naramdaman na dumampi sa kanyang noo. "Babalik din ako agad."

Hindi siya sumagot. Nang narinig ang pagbukas-sara ng pintuan ay saka siya dumilat. Pinakawalan niya ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

Bakit ganoon? Hindi matanggap ng puso niya na 'yong mga pinakita at ginawa ni Ares para sa kanya ay pawang kasinungalingan lamang. Hindi niya matanggap na 'yong pagmamahal nito ay nagbunga dahil lamang sa awa.

Tanga ba siyang matatawag kung gusto niyang paniwalaan lahat ng bagay na pinakita ni Ares sa kanya? Tanga ba siya kung gusto pa rin niyang hawakan ang mga kamay ni Ares?

His Beautiful Surrender (Beautiful Trilogy #2) (Published under PHR)Where stories live. Discover now