/5/ The House Of Abandoned Children

2.1K 207 5
                                    


The House Of Abandoned Children.

Hinatid ako ni Akila sa kwartong tutuluyan 'ko. Ang sabi niya ay may apat ako na makakasama sa silid na 'yun. Inabutan din niya ako ng damit, at pinapaligo bago siya umalis. Magluluto pa daw siya para may makain ako.

Matapos 'ko na maligo ay tiningnan 'ko ang sarili sa salamin. Hindi naman ganoon kagandahan ang damit na pinahiram niya sa akin, pero mas maayos na ito kaysa suot 'ko kanina.

Tumulala ako sa itsura ni Sianrass. Maputi talaga ang balat niya kahit nababad ng araw kanina. Kasing itim ng gabi ang buhok niya, at ang bilugan niyang mga mata. Maganda siya kahit bata pa. Hindi na iyon nakakapagtaka dahil isa siya sa tinaguriang pinakamagandang babae sa bayan nila. Iyun nga lang ay panget ang kaniyang reputasyon. Palibhasa'y buong atensyon niya ay nakatuon sa Prinsipe, nawalan siya ng pake sa kung ano ang iniisip sa kaniya ng ibang tao.

Ang bida naman ng nobela ay isang magandang babae na may matingkad na kulay asul na mga mata, at mala-anghel na ngiti. Mag-mula ng dumating siya ay lalong gumuho ang mundo ni Sianrass, at tuluyan ng gumuho ng iwan siya ng Prinsipe.

Dahil doon ay nagalit si Sianrass, at makailang beses na inapi at inaway ang bida na nauwi sa pagkamuhi sa kaniya ng Prinsipe, at pinapatay siya dahil nga sa pag-subok niya na saktan ang bida. Doon natapos ang pag-iral ni Sianrass.

Pero iba na ngayon. Hindi 'ko hahayaang kamatayan sa kamay ng Prinsipe ang maging kahihinatnan 'ko. Mabubuhay ako. Pumikit ako ng mariin, at suminghap ng hangin.

Bumaba na ako at dumiretso sa kusina. Hindi naman kasi kalakihan ang bahay kaya natunton 'ko agad ang kusina. Pag-pasok 'ko ay nandoon iyong mga batang babae na nakita 'ko sa sala, at may iba pa. Sabay-sabay at tila may usapan silang nilingon ako. Bawat isa ay may tanong sa mukha, lito, at taka.

Mabuti na lamang at nilingon ako ni Akila, kung hindi ay baka nanigas na ako sa kinatatayuan 'ko.

"Maupo ka na. Kakain na tayo pag dumating na yung iba." ngiti niya.

Tumango ako, at nakayuko ang ulo na lumapit sa bakanteng bangko.

"Abot mo ba?" nag-angat ako ng mukha sa nag-tanong.

Batang babae siya na sa tantiya 'ko ay kaedad ni Akila, at Red. Ang totoo niyan ay mukhang lahat sila ay nasa sampung taon na, at matatangkad. Kaya ang upuan ay matangkad din. Hindi 'ko abot.

Hindi ako nakasagot. Lahat sila ay nakatingin sa akin, at parang inaantay ang sunod 'kong gagawin. Pinagpawisan tuloy ako ng malamig.

Tumayo siya, at lumapit sa akin. Nagtaka pa ako sa ginawa niya pero kalaunan ay napagtanto ang ginagawa niya ng naramdaman 'ko siyang binuhat ako. Iniupo niya ako sa upuan.

"Oh, ayan." sabay balik niya sa upuan niya.

Napayuko ako. Ganoon ba ako kadaling buhatin?

"Akila, sino 'yan? Hindi mukhang taga-bayan." tanong ng isa sa kanila.

Nilingon siya saglit ni Akila, "Dito muna siya habang wala pa siyang ibang matutuluyan."

"Kaya ba hinahanap mo si Kapitan kanina? Pumayag na ba si Red?" tanong ulit niya.

"Oo. Nabangga niya siya kanina."

"Oh?" hinarap ako ng katapat 'ko. "Edi inaway ka niya?"

Tumawa iyong katabi ng bumuhat sa akin.

"Mainitin pa naman ang ulo no'n. Kahit bata inaaway." halakhak niya.

Isa-isa kaming inabutan ni Akila ng pagkain matapos niyang mag-luto. Tapos ay naupo siya sa tabi 'ko. Bumukas iyong pinto ng kusina, at pumasok ang anim na babae kasunod si Red, at 'yung dilaw ang buhok na babae. Napayuko agad ako ng samaan ako ng tingin ni Red. Pakiramdam 'ko ay isa akong kuneho, at siya naman ay lobo.

"Wow! May pagkain na." lumapit iyong isang bagong dating kay Akila. "Ang sipag naman ni Nanay Akila."

"Manahimik ka, Eurula. Kumain ka nalang." asar na sabi ni Red sa kanya.

Ngumuso iyong Eurula sa kanya, yung maingay.

"Sungit mo. Kabuwanan mo ba?" biro niya at bumaba ang tingin sa akin. Para siyang nagulat. "Hala, may bata!"

"Tumahimik ka na, Eurula." saway sa kanya ng isa sa kasama niyang dumating.

"Saan galing 'to, Akila? Nanganganak ka nalang bigla kahit walang kasiping."

"Bunganga mo, Eurula."

Sumubo ng isang kutsarang patatas iyong katabi 'ko, at uminom ng tubig.

"Dito muna siya." aniya.

"Talaga? Ilang taon ka na ba?" tiningnan ako ni Eurula.

"Pito."

Suminghap siya na parang nagulat, at ngumanga.

"Ang liit mo para sa pito!"

Alam 'ko kaya parang awa mo na.

Noong nasa itaas pa ako ng tore ay alam 'ko na maliit ako dahil pitong taong gulang pa lang ako. Hindi 'ko pinansin noon ang liit 'ko. Pero ngayon na nakalabas na ako ay nababago na ang isip 'ko. Ngayon lang ako nakaranas ng ganitong kahihiyan. Idagdag pa itong bunganga 'ko.

"Noong nasa ganyan akong edad ay malaki na ako tignan. Pero ikaw..." naputol ang sasabihin niya.

"Baka kulang ang kinakain mo? Payat ka din kasi." tiningnan nila ang katawan 'ko. "Parang kawayan."

Napahipo ako sa dibdib 'ko. Grabe na 'to. Ang sakit sa puso.

"Sabi niya kanina, maganda naman daw siya. Ayos lang 'yan." dugtong nung dilaw ang buhok.

Mas bumigat pa ang dibdib 'ko sa sinabi niya. Talagang narinig 'ko ang pagkabiyak ng puso 'ko ng maalala 'ko pa ang mga pinagsasabi ng bibig 'ko.

"Manahimik na kayo." saway ni Akila sabay tingin niya sa akin. "Okay lang na bansot ka at patpat, bata ka pa naman."

Hindi 'ko alam kung pinapagaan ba niya ang nararamdaman 'ko o kung ano man. Gustong bumuka ng bibig 'ko pero hindi 'ko kontrolado ang mga sasabihin 'ko. Iyon ang napag-tanto 'ko.

Ngumiti nalang ako sa kanya.

"Hoy, tahimik na nga." saway nung isa at binalingan ako. "Kumain ka na. Wala pang bawas 'yang pagkain sa pinggan mo."

"Masarap naman yan, e." ani Akila. Naalala niya siguro yung sinabi 'ko kanina. Napayuko tuloy ako.

Tumingin ako sa pinggan na may lamang patatas sa harapan 'ko, at sumubo. Masarap nga. Sumubo ulit ako, at ng isa pa, hanggang sa hindi 'ko namalayan na tumulo ang luha 'ko. Sunod-sunod, at walang hinto.

"Hala! Umiyak!" sigaw ni Eurula.

"Pinilit niyo kasing kumain, e."

Sa kaiiyak 'ko ay nahirapan na akong lumunok kaya panay nalang ang nguya 'ko. Nakita 'ko sa gilid ng mga mata 'ko ang pagtitig ni Red sa akin. Napahikbi ako, tuloy ay naibuga 'ko ang ilan 'kong sinubo.

"Walanjo-!" napatayo yung mga nasa tapat 'ko, at tiningnan ang damit nilang natamaan ng naibuga 'kong patatas.

"Abutan niyong tubig! Wala ba kayong utak?!"

Inabutan ako ng isang basong tubig ni Akila na agad 'kong tinanggap pero hindi ko ininom. Naramdaman 'ko ang pag-hagod niya sa likod 'ko.

Nakatitig siya sa mukha 'ko habang iyak lang ako ng iyak, saka bahagyang ngumiti.

"Walang anuman."

The Another WorldWhere stories live. Discover now